Pagmamasid sa Daigdig
Pagmamasid sa Daigdig
▪ “Inamin ng hanggang sa kalahati ng bilang ng lahat ng mag-asawa na ‘nagtaksil sila sa pinansiyal’—nagsinungaling sa kanilang asawa tungkol sa kanilang pinagkagastusan.”—THE WALL STREET JOURNAL, E.U.A.
▪ “Napakalaking bahagi ng lupain ng Gresya o 84 na porsiyento nito ang nanganganib maging disyerto at 8 porsiyento pa ang tigang na.”—KATHIMERINI (EDISYONG INGLES), GRESYA.
▪ Ang Lateu, sa Tegua Island, sa Vanuatu, Oceania, ang maaaring kauna-unahang nayon na inabandona—o, mas tumpak na sabihin, ang inilipat—dahil sa nagbabagong klima. Paulit-ulit na “hinagupit ng bagyo at malalakas na alon” ang mga bahay roon.—VANUATU NEWS, VANUATU.
Dumarami ang mga Centenarian
Sa mga panahong ito, hindi na pambihira ang mabuhay nang hanggang 100 taon, ang sabi ng magasing New Scientist. Sa buong daigdig, mga 200,000 katao na ngayon ang nasa edad na 100. Ayon pa sa magasing ito, 66 sa kanila ang tumuntong na sa edad na 110, anupat matatawag nang mga supercentenarian. Inaamin ng New Scientist na mahirap kung minsan na patunayan ang sinasabi tungkol sa sobrang haba ng buhay, ngunit “ang kakulangan ng mapanghahawakang rekord ay nangangahulugan din na ang aktuwal na bilang ng mga supercentenarian na nabubuhay ngayon ay maaaring umabot na sa 450.”
Natukoy ang Misteryosong Sanhi ng Kamatayan
“Nakatulong ang DNA na nakuha sa ngiping natagpuan sa isang sinaunang libingan sa Atenas para matukoy” ang isang sinaunang sanhi ng kamatayan, ang sabi ng magasing Maclean’s sa Canada. Sa kaniyang History of the Peloponnesian War, binanggit ng Griegong manunulat na si Thucydides ang isang salot na puminsala sa Atenas noong mga 430 B.C.E. at nagbigay ng kalamangan sa karibal nitong Sparta sa digmaan ng dalawang lunsod na ito. Hindi sapat ang pagkakalarawan ni Thucydides sa salot kaya hindi natukoy kung ano ito. Pero ngayon, dahil sa pagsusuri sa dental pulp na maaaring pamahayan ng mga pathogen sa loob ng maraming siglo, natukoy na diumano ng mga mananaliksik na ang misteryosong sanhi ng kamatayan ay tipus.
Robot na Hinete Para sa mga Kamelyo
Muntik nang mahinto ang isport na karera ng kamelyo, popular sa mga bansa sa Gulpo ng Persia, nang batikusin ng mga grupong nagtataguyod ng karapatang pantao ang paggamit ng mga bata bilang hinete. Subalit upang makatakbo nang mabilis ang kamelyo, ang sabi ng mga eksperto, hindi dapat lumampas sa 27 kilo ang timbang ng mga hinete, anupat maging ang mga tin-edyer ay hindi angkop na gawing hinete. Ang solusyon? Mga robot na hinete. Gumawa ang mga disenyador na Swiso ng de-remote control na robot na mga 27 kilo ang bigat at maaaring ikabit sa espesyal na síya ng kamelyo. Upang hindi matakot ang kamelyo, may hugis at tinig na parang tao ang robot. Kaya rin nitong yumukod, magbalanse, gumamit ng latigo, at kontrolin ang direksiyon ng kamelyo. Nasasabik ang mga may-ari ng kamelyo na gamitin ang mga ito.
Sumibol ang Binhi Pagkalipas ng 2,000 Taon
Sinira ng mga krusado noong Edad Medya ang sinaunang mga palmang datiles ng Judea, na kilala sa ganda, lilim, at panggamot nito. Pero ngayon, “matagumpay na napasibol ng mga doktor at siyentipikong Israeli ang isang binhi ng datiles na ang edad ay halos 2,000 taon na,” ang ulat ng The New York Times. “Ang binhi, na binansagang Matusalem, ay nahukay sa Masada,” ang tanggulang nasa dalisdis na sinakop ng mga Romano noong 73 C.E. Sinabi ni Dra. Elaine Solowey, eksperto sa agrikultura sa tigang na lupain at siyang nagpasibol sa binhi, na kung babae ito, lilipas pa ang maraming taon bago mamunga ang kauusbong na halamang ito. “Kung lalaki naman,” ang sabi niya, “magiging isang pambihirang bagay lamang ito.”