Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Paano Mapoprotektahan ang Inyong mga Anak?

Paano Mapoprotektahan ang Inyong mga Anak?

Paano Mapoprotektahan ang Inyong mga Anak?

IILAN lamang sa atin ang maglalakas-loob na pag-usapan ang tungkol sa seksuwal na pang-aabuso sa mga bata. Iniisip pa lamang ito ng mga magulang, nangingilabot na sila! Pero ang gayong pang-aabuso ay isang nakatatakot at masakit na katotohanang nangyayari ngayon, at napakalaking pinsala ang naidudulot nito sa mga bata. Dapat kayang pag-usapan ang bagay na ito? Buweno, ano ang handa ninyong gawin para maprotektahan ang inyong anak? Ang pagkuha ng kaalaman tungkol sa masakit na katotohanan ng pang-aabuso ay madaling gawin. Malaki ang magagawa ng kaalamang ito.

Huwag ninyong hayaang pahinain ang inyong loob ng malaking problemang ito ng pang-aabuso. Sa paanuman, may katangian kayong wala sa inyong anak​—ang kakayahan, na para matamo ng inyong anak ay kailangan munang lumipas ang maraming taon, o mga dekada pa nga. Sa paglipas ng mga taon, nagkakaroon kayo ng kaalaman, karanasan, at karunungan. Upang magtagumpay, kailangan ninyong patibayin ang mga kakayahang iyon at gamitin ang mga iyon upang maprotektahan ang inyong anak. Tatalakayin natin ang tatlong mahahalagang hakbang na maaaring gawin ng bawat magulang. Ang mga ito ay ang sumusunod: (1) Maging pangunahing depensa ng iyong anak laban sa pang-aabuso, (2) bigyan ng ilang kinakailangang impormasyon ang iyong anak, at (3) turuan ang iyong anak ng ilang mahahalagang pandepensa.

Pangunahing Depensa Ka Ba?

Ang pangunahing pananagutan na protektahan ang mga anak laban sa pang-aabuso ay nakaatang sa mga magulang at hindi sa mga anak. Kaya naman, dapat munang turuan ang mga magulang bago ang mga anak. Kung isa kang magulang, may ilang bagay na dapat mong malaman tungkol sa pang-aabuso sa bata. Dapat mong malaman kung sino ang nang-aabuso sa mga bata at kung paano nila ito ginagawa. Karaniwan nang inaakala ng mga magulang na ang mga nangmomolestiya ay mga estrangherong nakaabang sa dilim, na naghihintay ng pagkakataong mangidnap at manghalay ng mga bata. Talaga namang may ganitong mga halimaw. Madalas itong itawag-pansin sa atin sa mga balita. Pero bihira lamang ito kung ikukumpara sa iba. Sa mga 90 porsiyento ng mga kaso ng seksuwal na pang-aabuso ng bata, ang nambibiktima ay yaong mga taong kilala at pinagkakatiwalaan ng bata.

Mangyari pa, mahirap paniwalaan na ang isang magiliw na kapitbahay, guro, doktor, tagapagsanay, o kamag-anak ay magkakaroon ng maitim na hangarin sa iyong anak. Ang totoo, karamihan sa mga taong ito ay hindi naman ganoon. Hindi naman kailangang pagdudahan mo na silang lahat. Pero mapoprotektahan mo pa rin ang iyong anak kung aalamin mo ang mga taktika ng isang karaniwang nang-aabuso.​—Tingnan ang kahon sa pahina 6.

Kung alam mo ang mga taktikang iyon, mas nakahanda ka, bilang magulang, na maging pangunahing depensa. Halimbawa, kung ang isang tao na mukhang mas malapít sa mga bata kaysa sa mga adulto ay palaging nagbibigay ng pantanging atensiyon at mga regalo sa iyong anak o nag-aalok na siya na ang mag-aalaga rito nang libre, o ipapasyal niya ito, ano ang gagawin mo? Iisipin mo ba agad na baka nambibiktima lamang ang taong ito? Hindi naman. Huwag kang magbibintang agad. Baka naman walang masamang hangarin ang taong iyon. Gayunman, maging alisto ka. Ang sabi nga ng Bibliya: “Ang sinumang walang-karanasan ay nananampalataya sa bawat salita, ngunit pinag-iisipan ng matalino ang kaniyang mga hakbang.”​—Kawikaan 14:15.

Tandaan, anumang alok na mukhang di-kapani-paniwala ay baka hindi nga kapani-paniwala. Maingat na kilalaning mabuti ang sinumang nag-aalok na makasama ang iyong anak. Ipaalam sa taong ito na binabantayan mo ang iyong anak sa lahat ng pagkakataon. Hindi basta-basta ipinagkakatiwala nina Lemuel at Salud, may tatlong anak na lalaki, ang kanilang anak sa isang adulto. Habang may leksiyon sa musika ang kaniyang anak sa kanilang bahay, sinabi ni Salud sa lalaking nagtuturo: “Nandito lang ako, at titingnan-tingnan ko kayo.” Parang sobra naman yatang pag-iingat ito, pero mabuti na ang nag-iingat kaysa magsisi sa bandang huli.

Bantayan ang mga ginagawa ng iyong anak, alamin ang mga ginagawa niya sa paaralan at kung sinu-sino ang kaniyang kaibigan. Alamin ang lahat ng detalye tungkol sa anumang binabalak na ekskursiyon. Isang doktor na 33 taóng humawak ng mga kaso ng seksuwal na pang-aabuso ang nagsabi na napakaraming kaso ang nakita niyang dapat sana’y naiwasan kung nag-ingat lamang ang mga magulang. Sinipi niya ang sinabi ng isang nahatulang nagkasala ng pangmomolestiya: “Ipinagkakatiwala mismo sa akin ng mga magulang ang kanilang mga anak. . . . Madali ko itong nagagawa dahil na rin sa kanila.” Tandaan, mas pinipili ng karamihan sa mga nangmomolestiya ang mga madaling biktimahin. Kapag binabantayang mabuti ng mga magulang ang kanilang mga anak, hindi madaling mabibiktima ang mga ito.

Ang isa pang paraan upang maging pangunahing depensa ay ang pakikinig na mabuti. Hindi basta-basta magsasabi ang mga bata na sila’y minolestiya; nahihiya sila at natatakot sa magiging reaksiyon ng iba. Kaya makinig na mabuti, kahit sa mga bahagyang pahiwatig. * Kapag may nasabi ang iyong anak na ikinabahala mo, mahinahon mo siyang tanungin para magkuwento siya. Kapag sinabi niyang huwag nang pabalikin ang isang tagapag-alaga, itanong mo kung bakit. Kapag sinabi niyang may bagong laro sila ng isang adulto, tanungin mo siya: “Anong laro? Ano’ng ginagawa niya?” Kapag sinabi niyang may kumiliti sa kaniya, tanungin mo siya, “Saan ka niya kiniliti?” Huwag basta bale-walain ang mga sagot ng bata. Sinasabi sa bata ng mga nang-aabuso na walang maniniwala sa kaniya; ang nakalulungkot, iyan ang nangyayari. At kung inabuso nga ang isang bata, malaking tulong sa kanilang paggaling kung paniniwalaan at susuportahan sila ng kanilang magulang.

Bigyan ng Impormasyon ang Iyong Anak

Isang reperensiya tungkol sa pang-aabuso ng bata ang sumipi sa sinabi ng isang nahatulang nagkasala ng pangmomolestiya: “Kapag nakakakita ako ng isang batang walang muwang sa sekso, alam ko na kung sino ang susunod kong biktima.” Mahalagang paalaala sa mga magulang ang nakatatakot na mga salitang ito. Ang mga batang walang kaalam-alam sa sekso ay napakadaling malinlang ng mga nangmomolestiya. Ayon sa Bibliya, ang kaalaman at karunungan ay makapagliligtas sa atin “mula sa taong nagsasalita ng tiwaling mga bagay.” (Kawikaan 2:10-12) Hindi ba’t iyan ang gusto mo para sa iyong anak? Kung gayon, bilang ikalawang hakbang upang maprotektahan siya, huwag mong ipagkait ang pagtuturo sa kaniya tungkol sa mahalagang paksang ito.

Kung gayon, paano mo ito gagawin? Maraming magulang ang naaasiwang ipakipag-usap sa kanilang mga anak ang paksang ito tungkol sa sekso. Baka lalo pa ngang naaasiwa ang iyong anak sa paksang ito, at malamang na hindi niya ito ipakipag-usap sa iyo. Kaya ikaw na ang magkusa. Sinabi ng isang magulang na maaga nilang itinuro sa kanilang anak ang iba’t ibang bahagi ng katawan nang walang malisya para ipakita na walang nakakatawa o nakakahiya sa anumang bahagi ng kaniyang katawan. Pagkatapos nito, madali nang pag-usapan ang tungkol sa pang-aabuso. Basta sinasabi lamang ng maraming magulang sa kanilang mga anak na ang mga bahagi ng katawan nila na natatakpan ng pampaligo ay pribado at importante.

Ang sabi ni Liza, na binanggit sa naunang artikulo: “Sinabi namin ni Tony sa aming anak na lalaki na ang kaniyang ari ay pribado, personal, at hindi laruan. Hindi ito dapat paglaruan ng sinuman​—ng nanay, tatay, o kahit doktor. Kapag dinadala namin siya sa doktor, ipinaliliwanag ko sa kaniya na gusto lamang matiyak ng doktor na wala siyang sakit, kung kaya posibleng hawakan ito ng doktor.” Magtutulungan ang mag-asawa sa impormal na pakikipag-usap na ito sa pana-panahon, at titiyakin nila sa kanilang anak na makalalapit siya sa kanila anumang oras para isumbong sa kanila kung may sinumang humipo sa kaniya sa paraang nakaaasiwa. Iminumungkahi ng mga eksperto sa pangangalaga sa bata at sa pag-iwas sa pang-aabuso na kausapin din ng lahat ng magulang ang kanilang mga anak tungkol dito.

Napatunayan ng marami na malaking tulong ang aklat na Matuto Mula sa Dakilang Guro * sa pagtuturo hinggil sa paksang ito. Ang paksang “Kung Paano Iningatan si Jesus,” sa kabanata 32, ay may tuwiran pero nakapagpapalakas-loob na mensahe sa mga bata tungkol sa mga panganib ng pang-aabuso at sa kahalagahan ng pag-iingat. “Napakalaking tulong ng aklat na ito para lalong maidiin ang mga sinabi namin mismo sa aming mga anak,” ang sabi ni Salud.

Sa ngayon, dapat malaman ng mga bata na may ilang taong humihipo o nagpapahipo sa mga bata sa paraang nakaaasiwa. Ang mga babalang ito ay hindi dapat maging dahilan upang ang mga bata ay matakot o mawalan ng tiwala sa lahat ng adulto. “Ito’y para lamang sila makapag-ingat,” ang sabi ni Liza. “At isa lamang ito sa maraming iba pang mensahe na walang kinalaman sa pang-aabuso. Hindi ito ikinatakot ng aming anak.”

Dapat ding ilakip sa pagtuturo sa anak na maging timbang siya sa pagsunod. Ang pagtuturo sa anak na maging masunurin ay isang mahalaga at mahirap na leksiyon. (Colosas 3:20) Pero maaaring mapasobra ang mga leksiyong ito. Kapag itinuro sa isang bata na dapat siyang maging laging masunurin sa sinumang adulto, sa lahat ng pagkakataon, madali siyang mabibiktima ng pang-aabuso. Matalas ang pakiramdam ng mga nangmomolestiya sa mga batang napakadaling pasunurin. Itinuturo ng matatalinong magulang sa kanilang mga anak na hindi sila palaging dapat sumunod. Para sa mga Kristiyano, hindi ito nakalilito. Ang ibig sabihin lamang nito: “Kung may mag-uutos sa inyong gawin ang isang bagay na para sa Diyos na Jehova ay mali, huwag ninyo itong gagawin. Kahit ang nanay o ang tatay ay hindi dapat mag-utos sa inyo na gawin ang isang bagay na ayon kay Jehova ay mali. At palagi ninyong isusumbong sa nanay o sa tatay kapag may sinumang pumilit sa inyong gawin ang isang bagay na mali.”

Bilang panghuli, sabihin mo sa iyong anak na walang dapat mag-utos sa kaniya na maglihim sa iyo. Sabihin mong kapag may nag-utos sa kaniyang paglihiman ka, anuman iyon, palagi niya itong isumbong sa iyo. Anuman ang iutos sa kaniya​—kahit takutin pa siya o siya mismo ang nakagawa ng mali​—palaging tama na lumapit sa nanay o tatay at sabihing lahat iyon sa kanila. Hindi dapat matakot ang iyong anak sa ganitong tagubilin. Tiyakin mo sa kaniya na karamihan naman ay hindi gagawa ng ganitong mga bagay​—hipuin ang di-dapat hipuin, utusan siyang suwayin ang Diyos, o sabihan siyang maglihim. Gaya ng isinaplanong daraanan sakaling may sunog, ang mga ito ay paghahanda lamang at malamang na hindi naman kailanganin.

Turuan ng Ilang Mahahalagang Pandepensa ang Iyong Anak

Ang ikatlong hakbang na pag-uusapan natin ay ang pagtuturo sa iyong anak ng ilang simpleng dapat gawin sakaling may gustong magsamantala sa kaniya kapag hindi ka kasama. Ang madalas na mungkahi ay gawin itong parang isang laro. Itatanong ng mga magulang ang “Paano kung . . . ?” at sasagot naman ang bata. Puwede mong itanong, “Paano kung nasa palengke tayo at nagkahiwalay tayo? Paano mo ako mahahanap?” Baka hindi ayon sa inaasahan mo ang isagot ng bata, pero matutulungan mo siya kung magtatanong ka pa, gaya ng “May naiisip ka bang puwede mong gawin na mas ligtas?”

Puwede mong gamitin ang katulad na mga tanong kapag tinatanong ang bata kung ano ang pinakaligtas na dapat niyang gawin kapag may humipo sa kaniya sa paraang nakaaasiwa. Kapag madaling matakot ang bata sa gayong mga tanong, puwede kang magkuwento na lamang tungkol sa ibang bata. Halimbawa: “May isang batang babae na kasama ng paborito niyang kamag-anak, pero sinimulan nitong hipuin ang di-dapat hipuin. Sa palagay mo, ano ang dapat gawin ng batang babae para maprotektahan siya?”

Ano ang dapat mong ituro sa iyong anak na gagawin niya sa mga situwasyong gaya ng binanggit sa itaas? Ang sabi ng isang awtor: “Ang pagsigaw ng ‘Huwag!’ o ‘Huwag mong gawin ‘yan!’ o ‘Alis d’yan!’ ay malaking tulong upang matakot ang nambibiktima at sa gayon ay tumigil na ito at iba na lamang ang kaniyang biktimahin.” Gumawa ng isang maikling eksena para sa iyong anak upang masanay siyang sumigaw, makalayo agad, at makapagsumbong sa iyo. Kahit waring sanáy na sanáy na ang isang bata, posible pa ring malimutan ito sa loob ng ilang linggo o ilang buwan. Kaya ulit-ulitin ang pagsasanay na ito.

Lahat ng mismong nag-aalaga sa bata, pati na ang mga lalaki​—tatay man, amain, o iba pang kamag-anak na lalaki​—ay dapat na kasama sa pag-uusap na ito. Bakit? Sapagkat lahat ng kasali sa gayong pagtuturo ay, sa diwa, nangangako sa bata na hinding-hindi nila gagawin ang gayong pang-aabuso. Nakalulungkot, ang karamihan sa seksuwal na pang-aabuso ay nagaganap sa loob mismo ng pamilya. Tatalakayin sa susunod na artikulo kung paano mo magagawang isang kanlungan ang iyong pamilya sa mapang-abusong daigdig na ito.

[Mga talababa]

^ par. 10 Sinasabi ng mga eksperto na kahit hindi nagsasalita ang mga inaabusong bata, nahahalata sa kilos nila na may masamang nangyayari sa kanila. Halimbawa, kapag biglang bumalik ang mga paggawi niya noong bata pa siya, gaya ng pag-ihi sa kama, pagiging laging nakadikit sa magulang, o pagkatakot na mapag-isa, baka palatandaan ito na may masamang nangyayari sa kaniya. Hindi naman ito nangangahulugan na minolestiya na nga siya. Mahinahon mo siyang tanungin kung ano ang ikinatatakot niya para mabigyan mo siya ng kaaliwan, kapanatagan, at proteksiyon.

^ par. 15 Inilathala ng mga Saksi ni Jehova.

[Blurb sa pahina 5]

Maging pangunahing depensa ng iyong anak

[Blurb sa pahina 7]

Bigyan mo ng impormasyon ang iyong anak

[Blurb sa pahina 8]

Turuan ng mahahalagang pandepensa ang iyong anak

[Kahon sa pahina 4]

SEKSUWAL NA PANG-AABUSO​—PROBLEMA SA BUONG DAIGDIG

Noong 2006, ipinabatid ng kalihim-panlahat ng United Nations sa General Assembly nito ang isang pandaigdig na ulat tungkol sa karahasan laban sa mga bata na tinipon ng isang independiyenteng eksperto para sa UN. Ayon sa ulat, nitong nakalipas na taon, tinatayang 150 milyong batang babae at 73 milyong batang lalaki na wala pang 18 anyos ang nakaranas na ng “puwersahang pagtatalik o iba pang anyo ng seksuwal na karahasan.” Napakalaki ng bilang na iyon, pero sinabi ng ulat: “Tiyak na mas marami pa rito ang aktuwal na bilang.” Isiniwalat ng isang masusing pag-aaral mula sa 21 bansa na sa ilang lugar, umaabot nang hanggang 36 na porsiyento ng mga babae at 29 na porsiyento ng mga lalaki ang minolestiya noong bata pa sila. Karamihan sa mga nambibiktima ay mga kamag-anak nila!

[Kahon sa pahina 6]

TAKTIKA NG NANGMOMOLESTIYA

Ang isang tusong nambibiktima ay hindi gumagamit ng dahas. Sa halip, dinadahan-dahan niya ang mga bata. Pumipili muna siya ng mabibiktima, na kadalasan ay isang batang napakadaling mapasunod at madaling magtiwala, kaya naman mas madali silang mabola. Pagkatapos, pinagbubuhusan niya ito ng atensiyon. Baka subukan din niyang kunin ang tiwala ng mga magulang ng bata. Ang mga nangmomolestiya ay kadalasan nang napakahusay magkunwaring may malasakit sila sa bata at sa pamilya nito.

Sa dakong huli, ihahanda na ng nangmomolestiya ang bata para ito biktimahin. Hahawak-hawakan na niya ang bata sa pamamagitan ng kunwari’y walang-malisyang pagkagiliw, pakikipagbunu-bunuan, at pangingiliti. Baka magbigay siya ng magagandang regalo at simulan nang ilayo ang bata sa kaniyang mga kaibigan, kapatid, at magulang, para masolo niya ito. May pagkakataon na hihilingin niya sa bata na ilihim sa mga magulang nito ang ilang maliliit na bagay​—marahil isang regalo o planong mag-ekskursiyon. Simula na ito ng pambibiktima. Kapag nakuha na ng mang-aabuso ang tiwala ng bata at ng mga magulang nito, sisimulan na niya ang pangmomolestiya.

Muli, mas malamang na hindi siya magpahalata sa halip na gumamit ng dahas. Puwede niyang samantalahin ang likas na pagkamausisa ng bata tungkol sa sekso, at kunwari’y “tuturuan” niya ito, o baka sabihin niyang may lalaruin silang isang “kakaibang laro” na sila lamang ang dapat makaalam. Puwede rin niyang ilantad ang bata sa masasagwang larawan para ipakitang normal lamang ito.

Kapag namolestiya na niya ang bata, titiyakin niya ngayon na hindi ito magsusumbong. Gagamit siya ng iba’t ibang taktika, kasali na ang pagbabanta, pananakot, at paninisi, o baka pagsabay-sabayin niya ang mga ito. Halimbawa, baka sabihin niya: “Ikaw ang may kasalanan. Pumayag ka kasi.” Baka idagdag pa niya: “Kapag nagsumbong ka sa mga magulang mo, ipakukulong nila ako at hindi mo na ako makikita kahit kailan.” O baka sabihin niya: “Sekreto natin ito. Tutal, wala namang maniniwala sa iyo kung magsusumbong ka. Kapag nalaman ito ng mga magulang mo, sasaktan ko sila.” Walang katapusan ang mapanlinlang at masasamang taktikang gagamitin ng mga taong ito.

[Larawan sa pahina 5]

Bantayan ang mga ginagawa ng iyong anak

[Larawan sa pahina 7]

Huwag mong ipagkait ang pagtuturo sa iyong anak tungkol sa sekso

[Larawan sa pahina 8]

Turuan ang inyong anak na maging matatag at matapang kapag napaharap siya sa isang mang-aabuso