Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Higit Pa Kaysa sa “Pinakamagagandang Alon”

Higit Pa Kaysa sa “Pinakamagagandang Alon”

Higit Pa Kaysa sa “Pinakamagagandang Alon”

Ayon sa Salaysay ni Karl Heinz Schwoerer

Isinilang ako noong 1952 sa Pittsburgh, Pennsylvania, E.U.A., pero lumaki ako sa New Smyrna Beach, Florida. Bilang isang tin-edyer, gustung-gusto kong mag-surf. Sa katunayan, ito ang naging pinakamahalaga sa aking buhay.

NOONG 1970, nag-aral ako sa Embry-Riddle Aeronautical University sa Daytona Beach, Florida, dahil balak kong maging isang propesyonal na piloto. Pero lubha akong nadismaya sa pamahalaan na nakikipagdigma noon sa Vietnam, dahil naniniwala akong isa itong di-makatarungang digmaan. Gaya ng ibang kabataan noon, kinamuhian ko ang buong sistema ng mga bagay, anupat huminto ako sa pag-aaral at naging hippie. Pinahaba ko ang aking buhok at nagdroga ako.

Di-nagtagal ay nakilala ko si Susan, isang babaing malakas ang loob, mahilig makipagsapalaran, at magaling magpinta at kumuha ng litrato. Napag-isip-isip ko na kung pananatilihin naming simple ang aming buhay, maaari akong magtrabaho sa konstruksiyon nang anim hanggang walong buwan sa Florida at ang natitirang mga buwan ay maaari naming gugulin sa pagkakamping sa mga dalampasigan ng Baybaying Pasipiko ng Mexico at Sentral Amerika.

Palaisip sa Espirituwal na Pangangailangan

Talagang kasiya-siya ang buhay nang walang gaanong álalahanín sa magagandang dalampasigan sa tropiko​—nagpipinta at kumukuha ng litrato si Sue at ako naman ay nagse-surf. Subalit pagkaraan ng dalawang taon, natanto namin na walang direksiyon ang aming buhay. Parang may kulang. Kaya noong kalagitnaan ng 1975, samantalang naninirahan sa Baybaying Pasipiko ng Costa Rica, nagsimula akong maghanap ng espirituwal na kaliwanagan. Nagbasa ako ng mga aklat tungkol sa mga relihiyon at pilosopiya ng Silangan, na popular noong panahong iyon.

Yamang madalas sipiin ang Bibliya sa mga aklat na binabasa ko bilang katibayan ng pagiging totoo ng kanilang mga turo, naisip ko na ang Bibliya ang siyang saligan ng katotohanan. Kaya ipinagpalit ko ang mga droga para magkaroon ng isang lumang Bibliya na King James Version. Nagse-surf ako sa umaga at nagbabasa naman ng Bibliya sa hapon. Ngunit sa kabila ng matinding interes ko sa Bibliya, hindi ko ito masyadong maunawaan.

“May mga Tanong Ka ba Tungkol sa Bibliya?”

Sa aming paglalakbay mula sa Costa Rica patungong Estados Unidos noong Agosto 1975, huminto kami ni Sue sa isang botika sa El Salvador upang bumili ng gamot. Dahil hindi kami magkaintindihan ng parmasiyutiko, isang bumibili rin noon na nagngangalang Jenny ang tumulong sa amin. Siya ay 16-anyos na Amerikana na bihasang magsalita ng Kastila. Binanggit niya na sila ng kaniyang mga magulang ay mga Saksi ni Jehova at lumipat sila sa El Salvador upang magturo ng Bibliya sa mga tao.

Tinanong ako ni Jenny, “May mga tanong ka ba tungkol sa Bibliya?”

“Oo, mayroon!” ang sagot ko. Kahit na mukha kaming hippie, agad kaming inanyayahan ni Jenny sa kanilang bahay upang makilala namin ang kaniyang mga magulang, sina Joe at Nancy Trembley. Tinanggap namin ang kaniyang paanyaya. Ginugol namin ang maghapon sa pagtatanong tungkol sa Bibliya at hangang-hanga kami sa mga sagot nina Joe at Nancy sa aming mga tanong. Lagi nilang sinasabi, “Buksan ninyo ang inyong Bibliya sa tekstong ito at pakibasa ito.”

Di-nagtagal, malalim na ang gabi, kaya inanyayahan nila kaming magpalipas ng gabi sa kanilang bahay. Pero hindi nila kami pinayagan ni Sue na magsama sa iisang kuwarto, yamang hindi kami kasal. Pinag-usapan nina Sue at Jenny sa loob ng ilang oras nang gabing iyon ang maraming paksa sa Bibliya​—mula kay Adan hanggang sa Armagedon.

Ang Bibliyang Berde

Kinabukasan, bago kami umalis ng bayan, binigyan kami nina Joe at Nancy ng maraming kopya ng magasing Bantayan at Gumising!, ilang aklat, at isang Bibliya. Ang Bibliya ay ang New World Translation of the Holy Scriptures, na noong panahong iyon ay may matigas na pabalat na kulay berde. Isinama rin kami ni Joe sa Kingdom Hall. Simple lamang ang gusali kung saan nagtitipon ang mga Saksi ni Jehova para mag-aral ng Bibliya. Naisip ko, ‘Ibang-iba ito sa mararangyang simbahan ng Sangkakristiyanuhan, kung saan kakaunti ang natututuhan ng mga tao mula sa Bibliya!’

Noong araw ding iyon, nang huminto kami sa checkpoint bago tumawid sa hanggahan ng Guatemala, nakalito sa mga opisyal ang aming Bibliyang berde. Nagtataka sila kasi alam nila na ito ay karaniwang ginagamit ng mga Saksi ni Jehova. Ngunit tiyak na hindi kami mukhang mga Saksi. Sa kabila ng aming hitsura, pinayagan na kaming umalis ng mga opisyal makalipas ang ilang minuto. Nagtaka rin kami dahil karaniwan nang iniinspeksiyon nila ang aming kotse at mga gamit kung may dala ba kaming droga o ipinuslit na mga bagay. Kaya itinuring namin ang Bibliyang berde na isang anting-anting o agimat.

Habang patuloy naming binabasa ang Bibliya at ang mga pantulong sa pag-aaral ng Bibliya, kumbinsido kami na nasumpungan na namin ang katotohanan tungkol sa Diyos. Habang naglalakbay kami sa Mexico, inaasam-asam ko ang dalawang linggong pagse-surf sa Puerto Escondido​—ang paborito kong lugar para mag-surf. Pagkatapos masiyahan sa “pinakamagagandang alon” doon, determinado akong bumalik sa Florida at maging isa sa mga lingkod ni Jehova.

Ginugol ko ang sumunod na dalawang linggo sa pagse-surf sa umaga. Sa hapon naman ay nasa dalampasigan ako at nagbabasa ng Bibliya at mga pantulong sa pag-aaral ng Bibliya. Nakatawag ng pansin ang Bibliyang berde sa isang otso-anyos na batang babae, anupat pilit niya kaming isinasama sa isang lugar nang gabing iyon. Hindi namin maintindihan kung saan niya kami gustong pumunta, pero naunawaan namin na may kaugnayan ito sa Bibliyang berde. Tumanggi kami, pero kinukulit pa rin niya kami. Sa wakas, pagkaraan ng ilang araw ay nagpasiya kaming sumama sa kaniya. Dinala niya kami sa Kingdom Hall ng mga Saksi ni Jehova, isang maliit na kubo. Kinamayan kami at niyakap ng lahat bilang pagbati na parang dati na kaming magkakaibigan.

Humanga kami sa magalang na paggawi ng lahat ng dumalo. Nakatitig sa amin ang ilang bata habang nagpupulong, marahil ngayon lamang sila nakakita ng mga taong may mahahabang buhok na blonde. Palagi silang sinasaway ng kanilang mga magulang para magtuon ng pansin sa pulong. Gayunman, ginamit ni Jehova ang isang batang gaya nila upang isama kami para dumalo sa aming unang pulong.

Determinadong Maglingkod kay Jehova

Pagkatapos masiyahan ng dalawang linggo sa pinakamagagandang alon, ipinagbili ko ang aking mga surfboard, at naglakbay kami patungong Florida. Nagsimula kaming makipag-aral ng Bibliya sa mga Saksi ni Jehova roon at dumalo sa lahat ng mga pulong ng kongregasyon. Dahil determinado kaming maglingkod kay Jehova, hindi na kami nagsama sa iisang bubong at hindi na rin kami nakisama sa dati naming mga kaibigan. Inahit ko ang aking balbas at nagpagupit ako, si Sue naman ay bumili ng ilang bestida. Pagkalipas ng apat na buwan, nagpakasal kami, at noong Abril 1976, nabautismuhan kami bilang sagisag ng aming pag-aalay na maglingkod sa Diyos.

May layunin na ngayon ang aming buhay. Nagpapasalamat kami kay Jehova sa lahat ng aming mga pagpapala. Sabik na kaming bumalik sa isang bansang nagsasalita ng Kastila upang ipangaral ang mabuting balita tungkol sa Kaharian ng Diyos. Ngunit pinayuhan kami ng mga Kristiyanong elder sa aming kongregasyon: “Huwag muna kayong umalis. Patibayin muna ninyo ang inyong pananampalataya upang matulungan ninyo sila.” Sinunod namin ang kanilang payo, at mula noon, naging tunguhin namin na maging mga payunir, gaya ng tawag ng mga Saksi ni Jehova sa buong-panahong mga ministro.

Nagsimulang magpayunir si Sue noong Enero 1978. Gusto ko ring magpayunir, pero baón pa ako sa utang dahil sa matrikula ko sa unibersidad. Nakaisip ako ng simpleng solusyon. Sasabihin kong bangkarote ako upang hindi na ako magbayad ng utang, kaya puwede na akong magpayunir.

Gayunman, nagbigay ng mahusay na payo ang mga elder na huwag kong gawin iyon. Ipinaliwanag nila na hindi ito kaayon ng mga simulain sa Bibliya, na humihiling sa atin na maging “matapat sa lahat ng bagay.” (Hebreo 13:18) Kaya patuloy akong nagtrabaho upang mabayaran ko ang aking mga utang. Sa wakas, noong Setyembre 1979, naabot ko ang aking tunguhin na sumama kay Sue sa pagpapayunir. Pagkatapos, sa pamamagitan ng pagpapanatiling simple ng aming buhay, kailangan ko lamang magtrabaho nang dalawang araw sa isang linggo upang makaraos kami.

Paglilingkod sa Brooklyn Bethel

Noong Abril 1980, wala pang isang taon mula nang magpayunir kaming magkasama, tumanggap kami ng malaking sorpresa. Bago nito, bilang tugon sa panawagan para sa mga manggagawa sa konstruksiyon, nagsumite kami ng aplikasyong maglingkod sa Bethel, ang pandaigdig na punong tanggapan ng mga Saksi ni Jehova sa Brooklyn, New York. Tumanggap kami ngayon ng isang paanyaya na pumunta roon sa loob ng 30 araw! Magkahalong lungkot at tuwa ang nadama namin, yamang lubos kaming nasisiyahan sa aming pagpapayunir. Dahil hindi namin tiyak kung ano ang aming gagawin, ipinakipag-usap namin ang bagay na ito sa dalawang elder, na tumulong sa amin na makitang isang malaking pribilehiyo ang iniaalok sa amin. Pinayuhan nila kami, “Sige, subukin ninyong maglingkod sa Bethel kahit isang taon.” Kaya ipinagbili namin ang lahat ng aming tinataglay at nagtungo kami sa Brooklyn.

Pagkatapos magtrabaho sa konstruksiyon sa loob ng dalawang taon, inanyayahan akong magtrabaho sa Construction Engineering Office, kung saan sinanay akong magdisenyo ng mga istraktura. Si Sue ay nagtrabaho sa Bindery Department sa loob ng isang taon, at pagkatapos ay inanyayahan siya sa Graphics Department. Tuwing anibersaryo ng aming kasal, inaalaala namin ang nakaraang taon at sinusuri ang aming mga kalagayan at hangarin at nagpasiya kaming patuloy na maglingkod sa Bethel.

Sa paglipas ng mga taon, nagkaroon kami ng ilang mabubuti at matatalik na kaibigan. Bukod diyan, yamang sa Bethel ay maaari kaming maglingkod kay Jehova at sa aming pambuong-daigdig na kapatiran sa napakamakabuluhang paraan, determinado kaming manatili sa Bethel. Noong 1989, nag-aral kami ng wikang Kastila, kaya naatasan kami sa isang kongregasyon sa Brooklyn na nagsasalita ng Kastila. Dahil dito, nadama namin na mayroon kaming kamangha-manghang pagkakataong maglingkod sa dalawang larangan ng gawain​—sa Bethel at sa isang kongregasyong nagsasalita ng banyagang wika.

Noong minsan, dinalaw kami ni Jenny, na nabanggit kanina, sa Brooklyn Bethel, at nakatutuwang marinig ang kaniyang kuwento kung paano kami nagkakilala sa El Salvador. Galing siya sa isang pag-aaral sa Bibliya at sumamâ ang kaniyang pakiramdam. Pag-uwi niya, nagpasiya siyang bumili ng gamot. Sa ilang kadahilanan, hindi siya nagpunta sa botika na dati niyang pinupuntahan kundi sa botika kung saan kami naroroon.

Paglilingkod sa Ibang Bansa

Isang araw noong 1999, sinorpresa ako ng aking tagapangasiwa sa Bethel sa pamamagitan ng tanong na, “Gusto mo bang pumunta sa sangay sa Australia at magtrabaho sa isang proyekto sa Regional Engineering Office sa loob ng tatlong buwan?”

Agad akong sumagot, “Aba, opo!” Di-nagtagal, patungo na kami sa Australia kung saan naglingkod kami sa loob ng tatlong taon. Nakatutuwang tumulong sa pagdidisenyo ng mga pasilidad ng sangay sa ilang bansa sa Silangan at sa Timog Pasipiko. Pagbalik namin sa Brooklyn noong 2003, isa na namang sorpresa ang naghihintay sa amin. Inanyayahan kaming maglingkod sa ibang bansa​—sa Regional Kingdom Hall Office sa sangay sa Brazil, di-kalayuan sa malaking lunsod ng São Paulo.

Nandito pa rin kami hanggang ngayon. Pinangangasiwaan ng tanggapan ang pagtatayo ng mga Kingdom Hall sa karamihan ng mga bansa sa Timog Amerika. Kasama sa aking atas ang paglalakbay upang tumulong sa gawaing pagtatayo at patibayin ang mga nagtatrabaho sa maraming proyekto​—at nakakasama ko si Sue.

Pagtutuon ng Pansin sa Aming mga Priyoridad

Masasabi kong nasisiyahan pa rin ako sa pagse-surf, pero may nasumpungan akong higit pa sa “pinakamagagandang alon.” Kaya pinananatili ko ang pagse-surf sa wastong dako nito, bilang libangan na lamang. Sa maibiging tulong ni Sue, nakapagtutuon ako ng pansin sa isang bagay na mas mahalaga, ang paglilingkod sa ating maibiging Diyos, si Jehova.

Pangunahin naming pinagkakaabalahan ngayon ang paggamit ng aming buhay at mga kasanayan upang pasulungin ang mga kapakanan ng Kaharian at itaguyod ang dalisay na pagsamba sa Diyos na Jehova. Natutuhan namin na ang pinakamahalagang bagay ay hindi kung saan tayo naglilingkod kay Jehova, kundi na tayo ay naglilingkod sa kaniya nang buong kaluluwa saanman tayo naroroon.​—Colosas 3:23.

[Blurb sa pahina 25]

“Nasisiyahan pa rin ako sa pagse-surf, pero may nasumpungan akong higit pa sa ‘pinakamagagandang alon’”

[Larawan sa pahina 22, 23]

Litrato ko na nagse-surf, na ginamit sa isang poster ng Summer Surf Festival

[Larawan sa pahina 23]

Noong 13 anyos ako

[Larawan sa pahina 23]

Natanto kong walang direksiyon ang buhay ko bilang “hippie”

[Mga larawan sa pahina 25]

Itaas: Tumutulong sa pagtatayo ng Kingdom Hall

Kanan: Kasama si Sue ngayon