Pagmamasid sa Daigdig
Pagmamasid sa Daigdig
◼ Ang kabibi na nakuha sa pinakasahig ng North Atlantic Ocean ang sinasabing “ang hayop na pinakamatagal na nabuhay.” Binilang ng mga siyentipiko ang mga suson ng shell nito at natukoy na 405 taon na ang kabibi.—SUNDAY TIMES, BRITANYA.
◼ “Kahit ang mga bilyonaryo ay apektado ng pagbagsak ng ekonomiya. Alam na alam iyan ng kanilang mga sikologo.”—THE NEW YORK TIMES, E.U.A.
Impluwensiya ng TV sa Seksuwal na Paggawi
“Parami nang parami ang ebidensiya na ang mahalay na mga palabas sa TV ay nakakaimpluwensiya sa seksuwal na paggawi at opinyon ng mga kabataan tungkol sa sex,” ang sabi ng isang artikulo na inilathala sa babasahing Pediatrics. Sa katunayan, ayon sa isang pag-aaral, ang mga kabataang madalas manood ng gayong programa ay “makalawang ulit ang posibilidad na mabuntis” kaysa sa mga hindi gaanong nanonood ng gayong mga programa. Ang isang posibleng paliwanag ay na pinalilitaw ng TV na kaunti lang o walang problemang idudulot ang seksuwal na imoralidad. Hindi kasi nito gaanong ipinakikita ang tungkol sa di-ninanais na pagbubuntis at pagkakaroon ng sakit na naililipat sa pagtatalik. Siyempre pa, hindi lang TV ang nakaaapekto sa seksuwal na paggawi ng mga kabataan. Sinasabi ng mga mananaliksik na nakaaapekto rin ang mga magasin, Internet, at musika.
Bagong mga Kaso ng Ketong
Tatlong libo katao sa Estados Unidos ang ginagamot sa sakit na ketong, o Hansen’s disease. Taun-taon, mga 150 bagong kaso ang nadadayagnos. Karamihan sa kanila ay mga dayuhan. Pero sa National Hansen’s Disease Program, sa Baton Rouge, Louisiana, “may nakikitang mga 30 kaso bawat taon sa mga residente ng timugang Louisiana at ng Gulf Coast ng Texas na pawang isinilang sa E.U.A. at hindi pa nakakapunta sa bansa na maraming may ketong,” ang sabi ng American Society of Tropical Medicine and Hygiene. Hindi pa rin matukoy ng mga mananaliksik kung paano kumakalat ang sakit. Kung madadayagnos nang maaga, puwedeng gumaling ang ketong. Pero kapag nasira na ang mga nerbiyo, hindi na ito maibabalik.
Ninanakaw ang mga Radyoaktibong Materyal
“Nakakaalarma pa rin ang posibilidad na mapunta sa kamay ng mga terorista ang nuklear o iba pang radyoaktibong materyal,” ang sabi ni Mohamed ElBaradei, director general ng International Atomic Energy Agency. “Nakababahala ang bilang ng mga insidente ng pagnanakaw o pagkawala ng nuklear o radyoaktibong materyal na inireport sa Agency—halos 250 sa unang anim na buwan pa lamang ng 2008. Bukod diyan, problema rin ang bagay na hindi na nababawi ang marami sa mga materyal na ito.” Hindi matiyak kung ito ay dahil sa lumalaking pangangailangan sa radyoaktibong materyal o sa mas tumpak na pagrereport ng mga miyembrong bansa.
Sinaunang Inskripsiyon—Natagpuan sa Israel
Ang mga arkeologong Israeli ay may natagpuang sinaunang inskripsiyon na lumilitaw na mas matanda nang 1,000 taon kaysa sa Dead Sea Scrolls. Ang dokumento, limang linya ng inskripsiyon sa piraso ng kagamitang luwad na isinulat gamit ang tinta, ay nakita sa mga hinukay na tanggulan ng mga Judeano sa Khirbet Qeiyafa, Israel, na itinayo noong ika-10 siglo B.C.E. Hindi pa lubusang naiintindihan ang ibig sabihin ng inskripsiyon pero mukha itong legal na dokumento na isinulat ng isang bihasang eskriba at naglalaman ng “salitang-ugat ng mga salitang ‘hukom,’ ‘alipin’ at ‘hari,’” ayon sa opisyal na pahayag mula sa Hebrew University of Jerusalem.
[Picture Credit Line sa pahina 30]
Gabi Laron/Institute of Archaeology/Hebrew University © Yosef Garfinkel