Mga Chimpanzee sa Gubat
Mga Chimpanzee sa Gubat
HABANG binabagtas namin ang makipot na landas papasok sa tropikal na kagubatan ng Aprika na malapit sa ekwador, unti-unting nasanay ang mga mata namin sa liwanag na sumusungaw-sungaw sa mayayabong na dahon at sanga. Manghang-mangha kami sa walang-tigil na tunog ng mga kuliglig at sa pagkatataas na punong nababalutan na ng baging. Ang ilan sa mga punong ito ay mahigit 55 metro ang taas. Pakiramdam namin, kailangan naming maging alisto at maglakad nang tahimik. Walang anu-ano, nakarinig kami ng malakas na ingay (“hoo-hoo!”), na may kasamang malakas at mabilis na paghinga. Lumakas ito nang lumakas hanggang sa halos nakakabingi na. Pagkatapos, bigla itong tumigil. Sa wakas, matapos ang nakakapagod na paglalakad, nakita rin namin ang aming pakay—natunton namin ang isang grupo, o komunidad, ng mga chimpanzee.
Ang ganitong pagwawala—na may kasamang pag-“hoo!,” pagsigaw, at kung minsan ay pagtambol sa mga sanga ng puno—ay paraan ng komunikasyon ng mga chimpanzee. Marami palang hinog na igos sa lugar na iyon. Sarap na sarap sila rito at gusto nila itong ipaalam sa ibang chimpanzee, kaya naman gayon na lang sila kaingay. Pagtingala namin sa mga sanga ng isang mataas na puno ng igos, marami kaming nakitang chimpanzee—mga 20 o 30 siguro—na tahimik na kumakain ng mga igos. Nangingintab sa tama ng sikat ng araw ang kanilang itim na balahibo. Binato kami ng maliliit na sanga ng isa sa mga chimpanzee. Di-nagtagal, pinauulanan na kami ng maliliit na sanga—ibig sabihin, hindi raw kami puwedeng makisalo sa kanila.
Madaling makakita ng mga chimpanzee kapag maraming prutas sa mga puno. Pero may mga panahong mahirap silang hanapin. Wala kasi sila sa puno at hiwa-hiwalay na naghahanap ng pagkain. Buong maghapon, halos puro kain ang ginagawa ng mga chimpanzee. Nakakarating sila nang kung ilang kilometro sa pagpapalipat-lipat. Bukod sa prutas, kumakain din sila ng dahon, buto, tangkay, langgam, itlog ng ibon, at anay. May mga pagkakataong pumapatay sila ng maliliit na hayop, pati na ng mga unggoy.
Palibhasa’y tanghali na, naiinitan na ang mga chimpanzee. Bumaba na ang isa sa kanila, at mayamaya’y nagsunuran na rin ang iba. Pagkatapos, isa-isa silang pumunta sa makapal na palumpong. Isang makulit na batang chimpanzee ang nagpalipat-lipat sa mga sanga para malapitan kami. Tuwang-tuwa kami sa kakulitan at pag-uusyoso ng maliit na nilalang na ito.
Kabigha-bighaning mga Katangian
“Tumingin ka sa likuran mo,” ang sabi ng isang kasama namin noong pauwi na kami. Paglingon namin, may chimpanzee na nakasilip mula sa isang puno. Nakatayo ito at mga isang metro ang taas. Nagtatago siya kapag tinitingnan namin. Pagkatapos, sisilip siya uli. Nakakatuwa talaga! Oo, nakakatayo ang mga chimpanzee sa dalawang paa. Nakakapaglakad pa nga sila nang nakatayo, hindi nga lang malayo. Pero dahil sa bigat nila, madalas nilang gamitin ang kanilang mga kamay at paa.
Ang gulugod ng chimpanzee ay hindi nakakurba sa may bandang ibaba ng likod kaya hindi sila nakakatayo nang tuwid gaya ng tao. Isa pa, palibhasa’y mahina ang kalamnan nito sa puwitan at mas malakas at mas mahaba ang kamay nito kaysa sa paa, mas madali para sa kanila na maglakad gamit ang mga kamay at paa, o umakyat at magpalipat-lipat sa mga puno.Kapag maliliit ang sanga at hindi nito kaya ang bigat ng chimpanzee, malaking tulong sa mga unggoy na ito ang kanilang mahahabang braso sa pag-abot ng mga bunga. Tamang-tama ang hugis ng kanilang mga kamay at paa para makakapit na mabuti sa mga sanga. Ang dalawang malaking daliri nito sa paa ay nakaposisyon na parang mga hinlalaki ng kamay. Nakakatulong ito para madali silang makaakyat sa mga puno o humawak at magbitbit gaya ng nagagawa ng kamay. Nakakatulong din ito sa paggawa ng matutulugan sa gabi. Sa loob lang ng ilang minuto, walang kahirap-hirap nilang naibabaluktot at naisasalansan ang mga sanga at dahon para maging malambot at komportableng higaan.
Masarap talagang panoorin at pag-aralan ang mga chimpanzee sa gubat, lalo’t marami silang kabigha-bighaning katangian at pagkakatulad sa tao pagdating sa katawan at paggawi. Pero para sa ilang tao, ang chimpanzee ay isa lamang bagay na ginagamit sa eksperimento para suportahan ang teoriya ng ebolusyon. Kaya may bumabangong mga tanong: Ano talaga ang pagkakaiba ng tao at ng chimpanzee? Kabaligtaran ng hayop, paano ginawa ang tao ayon “sa larawan ng Diyos”?—Genesis 1:27.
Di-malilimutang Karanasan
Ang mga chimpanzee sa gubat ay mailap, at kadalasan nang tahimik silang lumalayo kapag may nakikita silang tao. Pero may ilang grupo ng mga chimpanzee na inaalagaan para maproteksiyunan at masanay sa tao.
Sandali lang kami sa gubat na tirahan ng mga chimpanzee, pero hindi malilimutan ang naging karanasan namin doon. Nagkaroon kami ng ideya sa buhay ng mga chimpanzee—na ibang-iba pala doon sa mga nasa zoo o laboratoryo. Talagang kabigha-bighani ang mga hayop na ito. Kasama ito sa ‘gumagalang mga hayop at maiilap na hayop sa lupa’ na nakita ng Diyos na mabuti—na sadya niyang dinisenyo para sa kapaligirang tinitirhan nila.—Genesis 1:24, 25.
[Kahon/Larawan sa pahina 14, 15]
CHIMPANZEE AT TAO
Sa aklat ng soologo na si Dr. Jane Goodall na In the Shadow of Man, sinabi niya na dahil sa naobserbahan niya noong dekada ng 1960 na mga chimpanzee na may “kakayahang gumawa ng kagamitan, nakumbinsi ang maraming siyentipiko na dapat bigyan ng mas komplikadong paglalarawan ang tao.” Talagang kagila-gilalas ang paggamit ng chimpanzee sa dahon bilang espongha, sa bato o sanga bilang pambukas ng mga nuwes, at sa sangang binalatan na inilulusot sa bahay ng anay para “makapamingwit” ng anay. Pero nitong kamakailan, may natuklasan ding mga hayop na marunong gumawa ng mga kagamitan. Sinabi ni Dr. T. X. Barber, awtor ng aklat na The Human Nature of Birds—A Scientific Discovery With Startling Implications: “Lahat ng napag-aralang hayop—hindi lang ang mga bakulaw at dolphin, kundi pati na ang langgam at bubuyog—ay nagpapakita ng . . . talino na talagang di-inaasahan.”
Pero hindi nito maaalis ang katotohanang natatangi ang tao. Gaya ng isinulat ni Propesor David Premack, “ang balarila ng wika ng tao ay talagang natatangi.” Oo, dahil sa komplikadong istraktura ng wika at mayamang kultura ng tao, masasabing talagang naiiba tayo sa mga hayop.
Matapos pag-aralan nang maraming taon ang mga chimpanzee sa gubat, isinulat ni Jane Goodall: “Hindi ko lubos maisip na magkakaroon ng damdamin sa isa’t isa ang mga chimpanzee, tulad ng pagiging magiliw, maalaga, matiisin, at pagkadama ng masidhing kasiyahan—mga pagkakakilanlan ng pag-ibig ng tao sa tunay at ganap na diwa nito.” Sinabi pa niya: “Ang pagkakilala ng tao sa Sarili ay nakahihigit sa nalalaman ng hayop sa sarili nitong katawan. Naghahanap ng paliwanag ang tao tungkol sa misteryo ng kaniyang pagkatao at sa hiwaga ng daigdig sa palibot niya at ng kosmos sa itaas niya.”
Ipinaliliwanag ng Bibliya ang pagkakaiba ng hayop sa tao. Sinasabi nito na ang tao ay ginawa “ayon sa larawan ng Diyos.” (Genesis 1:27) Kaya hindi gaya ng hayop, ipinakikita ng tao ang mga katangiang tulad ng sa kaniyang Maylalang, lalo na ang pag-ibig. May kakayahan siyang kumuha ng maraming kaalaman at kumilos nang may katalinuhan—higit kaysa sa anumang hayop. Binigyan din ang tao ng kalayaang magpasiya, anupat hindi kumikilos ayon lang sa instinct.
[Mga larawan sa pahina 15]
Ang mga chimpanzee ay mahilig maglaro at mag-usyoso—mga nilalang na sadyang dinisenyo para sa kanilang kapaligiran
[Credit Lines]
Chimpanzees, top right: Corbis/Punchstock/Getty Images; lower left and right: SuperStock RF/SuperStock; Jane Goodall: © Martin Engelmann/age fotostock
[Picture Credit Line sa pahina 13]
© Photononstop/SuperStock