“Nakikinabang ang mga Bingi sa Pag-aaral ng Bibliya”
“Nakikinabang ang mga Bingi sa Pag-aaral ng Bibliya”
IYAN ang pamagat ng artikulong inilathala sa isang magasin para sa mga bingi sa Czech Republic. Pinuri ng manunulat na si Zdeněk Straka ang mga Saksi ni Jehova na nag-aaral ng wikang pasenyas para matulungan ang mga bingi.
Bakit sumulat ng ganoong artikulo si Mr. Straka? Noong tag-araw ng 2006, dumalo siya ng kombensiyon ng mga Saksi ni Jehova sa Prague. Ang programa ay ininterpret sa wikang pasenyas para sa mga 70 bingi na dumalo. Taun-taon, ang mga Saksi ni Jehova ay nagsasaayos ng mga kombensiyon sa buong daigdig para turuan ang mga tao tungkol sa Bibliya at patibayin ang kanilang samahan. Kabilang rito ang mga bingi. Sa nakalipas na taon, 96 sa mga kombensiyong ito sa buong daigdig ay iniharap
sa wikang pasenyas. At may 95 kombensiyon pa kung saan ininterpret ang programa para sa mga bingi.Noong kombensiyon sa Prague, may mga 30 bingi na nakikipag-aral ng Bibliya sa kongregasyon sa wikang pasenyas sa lunsod na ito. Ang mga nag-aaral ng Bibliya ay nakikinabang sa kanilang natututuhan, gaya ng ipinakikita ng karanasang ito.
Si Markéta ay bumibiyahe nang mahigit 100 kilometro linggu-linggo para turuan sa Bibliya ang isang babaing bingi na taga-Mongolia. Magkaiba ang wikang pasenyas ng Czech at ng Mongolia, kaya kailangang maging mapamaraan ni Markéta para maintindihan ng kaniyang estudyante ang pinag-aaralan. At sulit naman ang pagsisikap niya. Ipinagbubuntis noon ng estudyante ni Markéta ang pangalawa niyang anak. Balak niya itong ipalaglag, pero nagbago ang isip niya. Sinabi ni Markéta, “Nang tanungin ko siya kung bakit, isinenyas niya, ‘Ayaw ni Jehova ng aborsiyon.’ Natuwa ako dahil naintindihan niya ang pangmalas ng Diyos sa buhay!” *
Sa buong daigdig, maraming bingi ang natututo ng tumpak na kaalaman tungkol sa Diyos sa pamamagitan ng pag-aaral ng kaniyang Salita. Kaya naman, gumaganda ang buhay nila dahil napapalapit sila sa Diyos at nagiging mas maligaya.—Isaias 48:17, 18.
[Talababa]
^ par. 5 Para sa higit pang impormasyon tungkol sa pangmalas ng Bibliya sa aborsiyon, tingnan ang Gumising! ng Hunyo 2009, pahina 3-9.
[Kahon sa pahina 26, 27]
ALAM MO BA?
● Ang mga Saksi ni Jehova ay gumagawa ng mga DVD sa 43 wikang pasenyas. Marami pang maida-download para sa mga bingi mula sa Web site na www.ps8318.com.
● Para makagawa ng mas maraming publikasyon para sa mga bingi, bumuo ang mga Saksi ni Jehova ng 59 na grupo ng mga tagapagsalin sa wikang pasenyas sa buong daigdig.
● Sa buong daigdig, ang mga Saksi ni Jehova ay may mahigit 1,200 kongregasyon sa wikang pasenyas.
[Dayagram sa pahina 26]
(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)
www.ps8318.com