Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Solusyon sa Iyong Kalungkutan

Solusyon sa Iyong Kalungkutan

Solusyon sa Iyong Kalungkutan

KUNG nalulungkot ka, puwede mong itanong sa iyong sarili: ‘May magagawa ba ako tungkol dito? Hindi kaya kailangan lang ng ilang pagbabago sa buhay ko? Kung oo, anu-ano ito?’ Makatutulong ang sumusunod na mga tanong para masuri mo ang iyong sarili at makahanap ng solusyon.

Kailangan Ko Bang Baguhin ang Saloobin Ko?

Maaaring malungkot ang sinuman. Pero nagiging problema lang ang negatibong damdaming ito kapag lagi itong nadarama. Kung gayon, maaaring pahiwatig na ito na may mali sa pangmalas mo sa buhay. Baka nasa paraan ng pakikitungo mo sa iba ang problema. Di-sinasadya ng ilan na naitataboy na pala nila ang mga gustong makipagkaibigan sa kanila. Kung minsan, kailangan lang na baguhin mo ang iyong saloobin.

Ganito ang sinabi ni Sabine, na isang imigrant sa Inglatera: “Kailangan ng panahon para maging palagay kayo at magtiwala sa isa’t isa ng bago mong kaibigan. Bakit hindi mo alamin sa kanila ang kanilang kinalakhan? May nagsabi sa akin, ‘Sa bawat kultura, may mabuti. Kaya kunin mo lang ang mabuti sa mga ito.’” Oo, gaya ng ipinayo kay Sabine, maaari mong hanapin kung ano ang maganda sa kultura ng iba na puwede mong tularan.

Umiiwas ba Ako sa Iba?

Maaari mong itanong sa iyong sarili: ‘Umiiwas ba ako sa iba? Hindi kaya mas lalapit sila sa akin kung mas magiging palakaibigan ako sa kanila?’ Kung oo, sikapin mong maging mas palakaibigan. Sinabi ni Roselise, 30 taóng gulang na lumipat sa Inglatera mula sa Guadeloupe: “Ang mga nalulungkot ay kadalasan nang lumalayo sa iba.” Kaya ipinayo niya: “Hanapin ang mga taong parang nalulungkot din. Lapitan mo sila at makipag-usap ka sa kanila. Kung minsan, isang tanong lang ang kailangan para masimulan ang matibay na pagkakaibigan.”

Siyempre pa, kailangan ng panahon at pagsisikap para magkaroon ng matalik na kaibigan. Makatutulong kung matututo kang makinig. Sa pakikinig na mabuti, malalaman mo kung ano ang interes ng iba. Kung may empatiya ka, magkakaroon ka ng mga kaibigan!

Negatibo ba akong Mag-isip?

Kung mababa ang tingin mo sa iyong sarili, baka mahirapan kang makipagkaibigan. Tanungin ang iyong sarili, ‘Masyado bang mababa ang tingin ko sa aking sarili?’ Inamin ni Abigaïl, 15 anyos na taga-Ghana: “Kung minsan, dahil negatibo ang pumapasok sa isip ko, nalulungkot ako. Pakiramdam ko walang nagmamahal at nagpapahalaga sa akin.” Pero kung sisikapin mong lumapit at tumulong sa iba, tiyak na pahahalagahan ka nila. Baka nga maging kaibigan mo pa sila. Kaya bakit hindi ikaw ang mauna?

Kung positibo ka, magagawa mong makipagkaibigan kahit sa mga hindi mo kaedad. Maaari kang makinabang sa pakikipagkaibigan sa mga mas bata o mas matanda sa iyo. Nakipagkaibigan ang kabataang si Abigaïl sa mga nakatatanda sa kaniya. Naging malaking tulong ito sa kaniya para mapaglabanan ang kalungkutan. Sinabi niya, “Natuto ako sa kanilang mga karanasan sa buhay.”

Mas Gusto Ko Bang Mag-isa?

Pinalilipas ng maraming nalulungkot ang kanilang oras sa panonood ng TV, paglalaro ng video game, o pagbababad sa computer. Pero kapag pinatay na nila ang mga ito, malungkot pa rin sila. Sinabi ni Elsa, 21 anyos na taga-Paris, “Puwede kang maadik sa TV at mga video game hanggang sa punto na ayaw mo nang makipagkaibigan.”

Kapag nanonood ang isa ng TV, walang inter-aksiyon, palitan ng ideya, o pagkakataong makipagkaibigan. Ganiyan din sa mga video game​—dinadala nito ang mga tao sa daigdig ng imahinasyon na biglang naglalaho pagkatapos ng laro. Maaaring natatakasan ng isa ang realidad sa pag-uubos niya ng oras sa Internet, pero naihahantad naman siya nito sa imoral na mga bagay o sa mga tao na itinatago ang kanilang tunay na pagkatao. Hindi sa Internet makikita ang tunay na mga kaibigan.

Naghahanap ng Mapapangasawa?

Ang ilang dalaga at binata ay maaaring gustong mag-asawa para lang mawala ang kalungkutan. Totoo, magiging masaya ang iyong buhay kapag ang iyong kabiyak ay mabait at mapagmahal, pero huwag magpadalus-dalos sa pagdedesisyon sa mahahalagang bagay gaya ng pag-aasawa.

Hindi naman talaga pag-aasawa ang solusyon sa kalungkutan. Ang mga mag-asawa na may problema sa komunikasyon ay sinasabing “kabilang sa pinakamalulungkot na tao sa daigdig.” Ang masaklap, mas marami ang nasa ganiyang sitwasyon kaysa sa inaakala natin. Kaya kung gusto mong mag-asawa balang-araw, bakit hindi mo muna solusyonan ang iyong kalungkutan bago mahulog ang iyong loob sa isang tao? Kung babaguhin mo ang iyong pangmalas at pag-uugali, at makikipagkaibigan ka, maaari mong maihanda ang iyong sarili sa isang matibay at maligayang pag-aasawa.

Maaari Mong Mapaglabanan ang Kalungkutan

Baka hindi agad masolusyonan ang iyong kalungkutan. Pero maaari mo itong mapaglabanan kung susundin mo ang Gintong Aral na sinabi ni Jesus: “Lahat ng mga bagay, kung gayon, na ibig ninyong gawin ng mga tao sa inyo, gayundin ang dapat ninyong gawin sa kanila.” (Mateo 7:12) Kaya kung gusto mong makipagkaibigan sa iyo ang iba, makipagkaibigan ka sa kanila. Kung gusto mong maging palagay ang loob sa iyo ng iba, maging palagay ka sa kanila. Maaaring hindi agad tumugon ang iba, pero sa paglipas ng panahon, magiging kaibigan mo rin ang ilan. Kung hindi man, magiging masaya ka pa rin dahil sinubukan mo.

Sinabi ni Jesus ang isa pang mahalagang katotohanan na makatutulong sa iyo na paglabanan ang kalungkutan: “May higit na kaligayahan sa pagbibigay kaysa sa pagtanggap.” (Gawa 20:35) Kung tutulong ka sa iba​—sa isang bata sa kaniyang takdang-aralin o sa isang may-edad sa pamimilí o paglilinis ng kaniyang bahay o bakuran​—mas magiging maligaya ka at malamang na magkaroon ka ng bagong kaibigan.

Makahahanap Ka ng Matalik na Kaibigan

May iba pang praktikal na paraan para mapaglabanan ang kalungkutan. Huwag kang magmukmok sa bahay. Maglakad-lakad ka sa parke o mamasyal, kung posible. Kapag nag-iisa ka sa bahay, maging abala sa paggawa ng iba’t ibang bagay gaya ng pananahi, mga gawaing-bahay, pagkukumpuni, o pagbabasa. Ganito ang isinulat ng isang manunulat na Pranses, “Laging napapawi ng pagbabasa ang aking kalungkutan.” Gumagaan ang loob ng marami lalo na kapag nagbabasa ng mga awit sa Bibliya.

Nakita ng mga eksperto na ang pagsama sa mga kapananampalataya ay makatutulong sa isa na mapaglabanan ang kalungkutan at makabubuti rin sa kalusugan. Saan mo makikita ang mga taong nagsisikap na sundin ang Gintong Aral? Sa isang aklat tungkol sa mga relihiyon, isinulat ng isang walang pinapanigang tagamasid: “Sa kongregasyon ng mga Saksi [ni Jehova], makikita ang tunay na pagtitiwala at pagtanggap sa isa’t isa.”

Sinabi ni Jesus sa kaniyang mga alagad kung ano ang pagkakakilanlan ng tunay na Kristiyanismo: “Sa ganito malalaman ng lahat na kayo ay aking mga alagad, kung kayo ay may pag-ibig sa isa’t isa.” (Juan 13:35) Ang pag-ibig na ito​—sa Diyos at sa kapuwa mananamba​—ay kitang-kita sa mga miyembro ng tunay na relihiyon.​—Mateo 22:37-39.

Ang pakikipagkaibigan sa Diyos ang pinakamabuting paraan para mapaglabanan ang kalungkutan. Kung kaibigan mo siya, hindi mo madaramang nag-iisa ka!​—Roma 8:38, 39; Hebreo 13:5, 6.

[Kahon/Larawan sa pahina 8]

NAPAGLABANAN KO ANG KALUNGKUTAN

Anny, biyuda: “Sinisikap kong isipin hindi ang negatibo, kundi ang positibo sa aking sitwasyon.”

Carmen, dalaga: “Natutuhan kong huwag masyadong isipin ang nakaraan, kundi magsimulang muli at maghanap ng mga bagong kaibigan.”

Fernande, biyuda: “Kung sisikapin mong tumulong sa iba, malilimutan mo ang mga problema mo.”

Jean-Pierre, binata: “Lagi akong naglalakad-lakad. Kasabay nito, binubuksan ko ang loob ko sa Diyos sa panalangin.”

Bernard, biyudo: “Lagi kong tinatawagan ang mga kaibigan ko, hindi para pag-usapan ang malulungkot na alaala, kundi para masiyahan sa pakikipagkuwentuhan sa kanila.”

David, binata: “Kahit gusto ko laging mapag-isa, sinisikap ko ring makipagkaibigan.”

Lorenna, dalaga: “Nauuna akong lumapit at makipagkaibigan sa iba.”

Abigaïl, 15 anyos: “Sumasama ako sa mga kaibigan kong nakatatanda sa akin at natututo ako sa karanasan nila.”

Cherry, dalaga: “Nakita ko na kapag sinabi mo sa iba na nalulungkot ka, lalo silang nagiging palakaibigan sa iyo.”

[Kahon/Larawan sa pahina 9]

KUNG PAANO LALABANAN ANG KALUNGKUTAN

Maging positibo

Bawasan ang paglilibang nang mag-isa gaya ng panonood ng TV

Maghanap ng mga kaibigang kapareho mo ng prinsipyo, kahit hindi mo kaedad

Higit sa lahat, makipagkaibigan sa Diyos

[Larawan sa pahina 7]

Makipagkaibigan sa mga hindi mo kaedad