Isang Aklat na Mapagkakatiwalaan Mo—Bahagi 5
Ulat ng Bibliya Tungkol sa Gresya
Ito ay ikalima sa isang serye ng pitong artikulo sa sunud-sunod na isyu ng “Gumising!” na tumatalakay sa ulat ng Bibliya tungkol sa pitong kapangyarihang pandaigdig. Layunin nito na ipakita na ang Bibliya ay nagmula sa Diyos at mapagkakatiwalaan at na ang mensahe nito ay isang pag-asa na matatapos na ang pagdurusang dulot ng malupit na pamamahala ng tao.
NOONG ikaapat na siglo B.C.E., pinatanyag ng isang kabataang taga-Macedonia ang Gresya * sa buong mundo. Dahil sa kaniya, ang Gresya ay naging ikalimang kapangyarihang pandaigdig sa ulat ng Bibliya, kasunod ng mga imperyo ng Ehipto, Asirya, Babilonya, at Medo-Persia. Ang kabataang ito ay si Alejandro, na nakilala nang maglaon bilang Alejandrong Dakila.
Pagkamatay niya, nahati-hati at humina ang kaniyang imperyo. Bagaman nagwakas na ang imperyo ng Gresya, nanatiling buháy ang impluwensiya ng kultura, wika, relihiyon, at pilosopiya nito.
Tumpak na Ulat ng Kasaysayan
Hindi binanggit ng Bibliya kung may aktibong propeta ng Diyos noong kasagsagan ng kapangyarihan ng Gresya. Wala ring isinulat na kinasihang aklat ng Bibliya noon. Pero itinampok ang Gresya sa mga hula ng Bibliya. Madalas ding banggitin ang impluwensiya ng Gresya sa Kristiyanong Griegong Kasulatan, na karaniwang tinatawag na Bagong Tipan. Sa katunayan, sa Israel mismo ay may sampung Helenistikong lunsod na tinatawag na Decapolis. Ito ay mula sa salitang Griego na nangangahulugang “sampung lunsod.” (Mateo 4:25; Marcos 5:20; 7:31) Ilang beses na binanggit sa Bibliya ang Decapolis, at pinatutunayan ng sekular na kasaysayan at ng kahanga-hangang mga labí ng mga dulaan, ampiteatro, templo, at mga paliguan na umiral nga ito.
Madalas ding tukuyin ng Bibliya ang Griegong kultura at relihiyon, lalo na sa aklat ng
Mga Gawa na isinulat ng manggagamot na si Lucas. Narito ang ilang halimbawa:Hinggil sa pagdalaw ni apostol Pablo sa Atenas noong 50 C.E., sinabi ng Bibliya na ang lunsod ay “punô ng mga idolo.” (Gawa 17:16) Pinatutunayan ng kasaysayan na ang Atenas at ang mga karatig-pook nito ay punô ng relihiyosong mga idolo at dambana.
Sinasabi ng Gawa 17:21 na “ang lahat ng mga taga-Atenas at mga banyaga na nakikipamayan doon ay walang ibang pinaggugugulan ng kanilang libreng panahon maliban sa pagsasabi ng anumang bagay o sa pakikinig sa anumang bagay na bago.” Pinatutunayan ng mga akda nina Thucydides at Demosthenes na ang mga taga-Atenas ay mahilig makipag-usap at makipag-debate.
Espesipikong binanggit ng Bibliya na “nakipag-usap [ang mga pilosopong Epicureo at Estoico kay Pablo] nang may pakikipagtalo,” at dinala pa nga nila siya sa Areopago para marinig pa ang kaniyang mga sasabihin. (Gawa 17:18, 19) Nakilala ang Atenas dahil sa dami ng pilosopo rito, kasama na ang mga Epicureo at Estoico.
Binanggit ni Pablo ang isang altar sa Atenas na doon ay nakasulat, “Sa Isang Di-kilalang Diyos.” (Gawa 17:23) Posibleng si Epimenides na taga-Creta ang nagtayo ng mga altar para sa isang di-kilalang diyos.
Sa kaniyang talumpati sa mga taga-Atenas, sinipi ni Pablo ang mga salitang “sapagkat tayo rin ay kaniyang mga supling.” Ayon sa kaniya, ang mga salitang ito ay sinabi, hindi ng iisang makata, kundi ng “ilan sa mga makata sa inyo.” (Gawa 17:28) Maliwanag na sina Aratus at Cleanthes ang mga makatang Griego na tinutukoy niya.
Kaya naman ganito ang naging konklusyon ng isang iskolar: “Sa tingin ko, ang ulat tungkol sa pagdalaw ni Pablo sa Atenas ay isinulat ng isa na nakasaksi sa mga pangyayari.” Totoo rin iyan sa paglalarawan ng Bibliya sa mga karanasan ni Pablo sa Efeso na nasa Asia Minor. Noong unang siglo C.E., importante pa rin sa lunsod na ito ang paganong relihiyong Griego, partikular na ang pagsamba sa diyosang si Artemis.
Ang templo ni Artemis, isa sa seven wonders Gawa 19:23-28) Pagkatapos, sinulsulan ni Demetrio ang galít na mga mang-uumog kaya sila’y sumigaw: “Dakila si Artemis ng mga taga-Efeso!”
of the ancient world, ay ilang beses na binanggit sa aklat ng Mga Gawa. Halimbawa, sinasabi nito na ikinagalit ng panday-pilak na si Demetrio ang ministeryo ni Pablo sa Efeso. Malakas ang negosyo ni Demetrio—ang paggawa ng mga pilak na dambana ni Artemis. “Ang Pablong ito,” ang sabi ng galít na si Demetrio, “ay nakapanghikayat ng isang malaking pulutong at ibinaling sila tungo sa ibang palagay, na sinasabing ang mga ginawa ng mga kamay ay hindi mga diyos.” (Sa ngayon, maaari mong pasyalan ang mga guho ng Efeso at ng templo ni Artemis. Pinatutunayan din ng sinaunang mga inskripsiyon mula sa Efeso na iginawa ng idolo ang diyosang si Artemis at na nagkaroon ng samahan ng mga panday-pilak sa lunsod na iyon.
Maaasahang mga Hula
Mga 200 taon bago ang panahon ni Alejandrong Dakila, ganito ang isinulat ni Daniel, propeta ng Diyos na Jehova, tungkol sa pamumuno sa daigdig: “Narito! may isang lalaking kambing na dumarating mula sa lubugan ng araw patungo sa ibabaw ng buong lupa, at hindi ito sumasayad sa lupa. At kung tungkol sa kambing na lalaki, may isang sungay na kapansin-pansin sa pagitan ng mga mata nito. At patuloy itong pumaroon hanggang sa barakong tupa na may dalawang sungay, . . . at tinakbo niya ito sa kaniyang matinding pagngangalit. At . . . kaniyang pinabagsak ang barakong tupa at binali ang dalawang sungay nito, at walang kapangyarihan ang barakong tupa upang makatayo sa harap niya. Kaya inihagis niya ito sa lupa at niyurakan . . . At ang lalaking kambing, sa ganang kaniya, ay lubhang nagpalalo sa kasukdulan; ngunit nang lumakas ito, ang malaking sungay ay nabali, at may apat na kapansin-pansing tumubo na kahalili nito, tungo sa apat na hangin ng langit.”—Daniel 8:5-8.
Kanino tumutukoy ang mga salitang ito? Sumagot mismo si Daniel: “Ang barakong tupa na iyong nakita na may dalawang sungay ay kumakatawan sa mga hari ng Media at Persia. At ang mabalahibong kambing na lalaki ay kumakatawan sa hari ng Gresya; at kung tungkol sa malaking sungay na nasa pagitan ng mga mata nito, iyon ay kumakatawan sa unang hari.”—Daniel 8:20-22.
Akalain mo! Namamahala pa ang Babilonya, inihula na ng Bibliya na susundan ito ng Medo-Persia at ng Gresya. At gaya ng nabanggit na, espesipikong sinabi ng Bibliya na kapag “lumakas ito, ang malaking sungay”—si Alejandro—ay ‘mababali’ at hahalinhan ng apat na iba pa. Sinabi rin ng ulat na hindi niya inapo ang mga hahalili sa kaniya.—Daniel 11:4.
Detalyadong natupad ang hulang iyan. Naging hari si Alejandro noong 336 B.C.E., at sa loob lang ng pitong taon ay tinalo niya ang makapangyarihang si Haring Dario III ng Persia. Pagkatapos, pinalawak ni Alejandro ang kaniyang imperyo hanggang sa siya’y mamatay nang di-inaasahan noong 323 B.C.E., sa edad na 32. Hindi siya hinalinhan ng iisang indibiduwal bilang hari, ni hinalinhan man siya ng kaniyang inapo. Sa halip, ang apat niyang pangunahing heneral—sina Lysimachus, Cassander, Seleucus, at Ptolemy—“ang nagproklama sa kanilang sarili bilang mga hari” at namahala sa imperyo, ayon sa aklat na The Hellenistic Age.
Ezekiel 26:3-5, 12; 27:32-36; Zacarias 9:3, 4) Isinulat pa nga ni Ezekiel na ang mga bato at alabok ng Tiro ay ilalagay “sa gitna mismo ng tubig.” Nagkatotoo ba iyan?
Natupad din kay Alejandro ang ibang hula ng Bibliya noong pinalalawak niya ang kaniyang imperyo. Halimbawa, inihula ng mga propetang sina Ezekiel (ikapitong siglo B.C.E.) at Zacarias (ikaanim na siglo B.C.E.) ang pagkawasak ng lunsod ng Tiro. (Pansinin kung ano ang ginawa ng mga kawal ni Alejandro nang kubkubin nila ang Tiro noong 332 B.C.E. Kinayod nila ang mga guho ng dating lunsod ng Tiro na nasa kontinente, at inihagis iyon sa dagat para makagawa ng daanan patungo sa pulong lunsod ng Tiro. Nagtagumpay ang estratehiyang ito at bumagsak ang Tiro. “Ang mga hula laban sa Tiro ay natupad hanggang sa kaliit-liitang detalye,” ang sabi ng isang manggagalugad sa lugar na iyon noong ika-19 na siglo. *
Pangakong Tiyak na Matutupad
Hindi nagdulot ng kapayapaan at katiwasayan sa daigdig ang pananakop ni Alejandro. Matapos pag-aralan ang pamamahala ng sinaunang Gresya, sinabi ng isang iskolar: “Walang gaanong ipinagbago ang kalagayan sa buhay ng karaniwang mga tao.” Paulit-ulit itong nangyayari sa buong kasaysayan. Patunay ito sa sinabi ng Bibliya na “ang tao ay nanunupil sa tao sa kaniyang ikapipinsala.”—Eclesiastes 8:9.
Gayunman, malapit nang magwakas ang masasamang pamamahala ng tao. Nagtatag ang Diyos ng isang gobyerno na lubhang nakahihigit sa mga ito. Tinatawag itong Kaharian ng Diyos at hahalinhan nito ang lahat ng pamamahala ng tao. Magkakaroon ng tunay at namamalaging kapayapaan at katiwasayan ang mga sakop nito.—Isaias 25:6; 65:21, 22; Daniel 2:35, 44; Apocalipsis 11:15.
Si Jesu-Kristo ang Hari ng Kaharian ng Diyos. Di-tulad ng mga tagapamahalang sakim sa kapangyarihan at walang malasakit, si Jesus ay pinakikilos ng pag-ibig sa Diyos at sa mga tao. Ganito ang inihula ng salmista tungkol sa kaniya: “Ililigtas niya ang dukha na humihingi ng tulong, gayundin ang napipighati at ang sinumang walang katulong. Maaawa siya sa maralita at sa dukha, at ang mga kaluluwa ng mga dukha ay ililigtas niya. Tutubusin niya ang kanilang kaluluwa mula sa paniniil at mula sa karahasan.”—Awit 72:12-14.
Gusto mo ba ng ganiyang Tagapamahala? Kung oo, tiyak na magiging interesado ka sa ikaanim na kapangyarihang pandaigdig sa ulat ng Bibliya—ang Roma. Noong namamahala ito, isinilang ang inihulang Tagapagligtas na nagkaroon ng napakahalagang papel sa kasaysayan. Pakisuyong basahin ang ikaanim na artikulo ng seryeng ito sa susunod na isyu ng Gumising!
^ par. 4 Ang Gresya sa artikulong ito ay tumutukoy sa sinaunang Gresya bago ang unang siglo at walang anumang kaugnayan sa mga teritoryo ng Gresya sa ngayon.
^ par. 23 Gaya ng inihula ni Ezekiel, si Haring Nabucodorosor ng Babilonya ang unang lumupig sa Tiro. (Ezekiel 26:7) Pagkatapos, muling itinayo ang lunsod. Ito naman ang winasak ni Alejandro, anupat tinupad ang bawat detalyeng inihula ng mga propeta.