Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Pambihirang Ganda at Tindig

Pambihirang Ganda at Tindig

Pambihirang Ganda at Tindig

“Mabilis na nahulog ang loob ko sa mga kabayo. Napakaganda nila at talagang pambihira ang kanilang tindig.”​—TOMASZ, ISANG EKSPERTO SA PAGPAPALAHI NG KABAYO.

MARAMI ang nagsasabi na ang mga kabayo ang pinakamaganda sa mga hayop dahil sa kanilang tindig at di-matatawarang lakas, lalo na kapag nakatayo sila at itinataas ang unahang mga paa, dumadamba sa lupa, sumisinghal, at sumusugod nang buong tapang. Talagang napakaganda nila.

Sa nakalipas na mga siglo, sari-saring lahi ng kabayo ang naparami sa iba’t ibang lupain. Pero ang purebred na Arabian horse ang itinuturing na pinakamaganda sa mga ito. Ito ay tinatawag na “hot-blooded”​—may lakas, bilis, tibay, at talino, kaya magandang gamitin sa isports.

Kapansin-pansin, maraming ganitong lahi ng kabayo sa Poland, na nasa Gitnang Europa. Para sa mga nagpapalahi at eksperto sa mga kabayo, ang ilan sa pinakamagandang lahi ng mga Arabian horse ay galing sa Poland. Bakit? Iyan ang inalam namin sa mga nagpapalahi at eksperto sa mga kabayo.

Kung Ano ang Masasabi ng Mahihilig Dito

Alamin muna natin ang tungkol sa purebred na Arabian horse. Noon pa man, iniuugnay na ito sa Gitnang Silangan. Ganito ang paliwanag ni Tomasz, isang eksperto sa pagpapalahi ng kabayo: “Sa loob ng maraming siglo, ang mga tribo ng Bedouin ang nag-alaga at nag-ingat sa lahi ng Arabian horse. Dahil napakaistrikto at napakatiyaga nila, nagkaroon ng napakagandang lahi ng Arabian horse. Ang mga ito ay karaniwang kulay-abo, kulay-kapeng mamula-mula, o kulay-kastanyas; minsan, itim.”

Ito naman ang sinabi ni Żaneta, na nagpapalahi ng Arabian horse: “Talagang kakaiba ang ganda nila at itinuturing na sila ang pinakapuro at pinakamatanda sa lahat ng lahi ng kabayo.” Kilala sila hindi lang sa pagiging mapusok kundi pati sa kanilang tapang at tibay. Dahil sa malalakas na baga ng Arabian horse, bagay na bagay ito sa malalayong paglalakbay.

Kung Paano Ito Nakarating sa Poland

“Paano nakarating sa Poland ang mga Arabian horse?” ang tanong namin kay Tomasz, may-ari ng isang palahian ng mga kabayo sa Poland. “Maaaring kasama ang mga ito sa grupo ng isang emisaryo ng hari na bumalik sa isa sa kaniyang mga paglalakbay mula sa korte ng sultan sa Stambul noong ika-16 na siglo,” ang paliwanag niya. “Pero nagpapalahi na ng kabayo ang mga taga-Poland noon pa mang huling bahagi ng ika-18 siglo.” Binanggit naman ni Izabela Pawelec-Zawadzka, isang eksperto sa pagpapalahi ng Arabian horse, ang papel ng konde na si Wacław Rzewuski. Dahil dalubhasa ang konde sa kultura ng mga taga-Silangan, siya ang “nanguna at nag-organisa sa pagdadala ng mga kabayo mula sa Arabia,” anupat nakapagdala ng 137 purebred na mga kabayo sa Europa.

Dahil sa sigasig at tiyaga ni Rzewuski, naitatag sa Poland ang unang palahian ng Arabian horse noong 1817 sa Janów Podlaski, Silangang Poland. “Maganda ang naging pasimula nito. Mga kuwalipikadong nagpapalahi ang nag-aalaga sa mga kabayo,” ang sabi ni Tomasz. “Pero napinsala ng dalawang digmaang pandaigdig ang Gitnang Europa, at nasalanta ang mga palahian ng Arabian horse sa Poland. Karamihan sa mga kabayo ay namatay, lumayas, o ninakaw.” Pero mga ilang panahon pagkalipas ng Digmaang Pandaigdig II, ipinagpatuloy rin ang pagpapalahi ng mga kabayo.

Sa ngayon, mga 30 na ang palahian ng Arabian horse sa Poland. Dahil sa 200-taóng karanasan, garantisadong magaganda ang lahi ng mga kabayo rito. Kaya naman, ang Poland ay isa sa kilaláng sentro ng pagpapalahi ng Arabian horse. Taun-taon, dinaragsa ng mahihilig at eksperto sa kabayo mula sa iba’t ibang sulok ng mundo ang mga palabas at subasta rito.

Araw-araw na Pangangalaga sa Arabian Horse

Para maalagaan ang de-kalidad na mga kabayong ito, dapat asikasuhing mabuti ang kanilang pangangailangan. Ganito ang sinabi ni Małgorzata, may-ari din ng palahian ng Arabian horse: “Hindi madaling mag-alaga ng Arabian horse. Dapat na balanse ang diyeta ng hot-blooded na kabayong ito para manatili itong malusog at maganda. Ang mga kabayong malapit nang manganak ay nangangailangan ng espesyal na atensiyon.” * Ano ba ang pinakamabuting pagkain para sa Arabian horse?

Ganito pa ang sinabi ni Małgorzata: “Nagsisimula ang araw namin sa pagpapakain sa mga kabayo ng dayami, na nagbibigay ng lahat ng nutrisyong kailangan nila, pati na ng mahahalagang bitamina at mineral. Napakasustansiya ng oats na hinaluan ng ipa o dayami; masustansiya rin ang sebada at darak ng trigo. Pero mas gusto ng mga kabayo ang sariwang pagkain, gaya ng damo o alfalfa, patatas, karot, at beet. Kapag taglamig, ang mga nagpapalahi ay madalas na bumibili ng ready-mixed na pagkaing mayaman sa protina. Kailangan din ng Arabian horse ng salt lick​—limpak ng asin na may mineral o yerba na nagpapakalma rito. Sabihin pa, mas mabuti pa rin ang sariwang damo kaysa sa pinakamasustansiyang dayami. Tandaan din na laging kailangan ng mga kabayo ang malinis na tubig​—hindi sila umiinom ng maruming tubig.”

Kasama rin sa wastong pag-aalaga sa Arabian horse ang pagbibigay-pansin sa balat at balahibo nito. Kailangan nito ng maingat na paglilinis, dahan-dahang pagmamasahe gamit ang espesyal na mga brush, at paghimas. Ito pa ang sinabi ni Tomasz: “Ang araw-araw na paglilinis ng mga paa ay napakahalaga para makaiwas sa iba’t ibang sakit, pati na sa kanser. Kailangang lagi naming tingnan ang mga mata, butas ng ilong, labi, at tainga.” Idinagdag pa ni Żaneta: “Para laging maging malusog at maganda ang kabayo, kailangang may lugar ito na matatakbuhan, gayundin ng buhangin, putikan, o damuhan kung saan ito makapagpapagulung-gulong. Kapag nagpawís ang kabayo matapos magtatatakbo, dapat itong lagyan ng kumot at saka linisin.”

Sinasabi ng mga eksperto na mahalagang maging palaisip sa partikular na pangangailangan ng bawat kabayo. Ganito ang sinabi ni Małgorzata: “Pinaniniwalaan na ang mga Arabian horse ay may sixth sense​—gustung-gusto nilang kasama ang mga tao, lalung-lalo na kapag hinihimas sila at niyayakap. Kapag ginagawa ito sa kanila, nagkakaroon sila ng tiwala sa kanilang hinete hanggang sa punto na sa kaniya lang sila magiging tapat. Sinasabing humahalinghing sila kapag nginitian, niyakap, o binigyan ng pagkain​—gaya ng karot o sugar cube. Kaligayahan na ng mahihilig sa kabayo na alagaan ang mga ito.” Inilarawan ni Tomasz ang pagkahilig niya sa mga ito: “Mabilis na nahulog ang loob ko sa mga kabayo. Napakaganda nila at talagang pambihira ang kanilang tindig. Pero hindi madaling makuha ang tiwala nila. Maraming taon ang lumipas bago ko nagawa ito.”

Ang Kinabukasan ng mga Kabayo

Simula’t sapol, hangang-hanga na ang mga tao sa ganda, bilis, liksi, lakas, at talino ng mga kabayo, lalo na ng mga Arabian horse. Mayroon din silang pambihirang kaugnayan sa mga ito. Nakalulungkot, sinamantala ng mga tao ang ugnayang ito para gamitin ang mga kabayo sa mga digmaan kung saan daan-daang kabayo ang namatay. Pero kapag namahala na ang Kaharian ng Diyos, ang mga kabayo ay gagamitin na lamang sa mararangal na layunin​—sa ikapupuri ng Maylalang, ang Diyos na Jehova.

[Talababa]

^ par. 14 Ang nagpapalahi ang nagpapasiya kung kailan magbubuntis ang kabayo. Karaniwan na, puwede itong manganak taun-taon, pero may panahon na hindi. Sa normal na haba ng buhay nito na 25 hanggang 30 taon, mga 15 hanggang 18 beses ito puwedeng manganak.

[Larawan sa pahina 15]

Mag-inang kabayo

[Mga larawan sa pahina 16]

Kasama sa Araw-araw na Pangangalaga sa Arabian Horse ang

1. Maingat na pagba-brush sa balat at balahibo nito

2. Paglilinis sa mga paa

3. Pagpapadama ng pagmamahal

[Larawan sa pahina 17]

Mga barakong kabayo na naglalaro sa niyebe