May Nagdisenyo ba Nito?
Ang Blubber ng mga Mamalya sa Dagat
● Matagal nang nagtataka ang mga siyentipiko kung paano nakalalangoy ang mga dolphin sa bilis na halos 40 kilometro kada oras. Inakala nilang hindi sapat ang kalamnan sa katawan ng mga ito. Pero may sekreto ang mga dolphin—kasama na rito ang kanilang blubber, isang masalimuot na substansiya na nasa ilalim din ng balat ng mga porpoise, balyena, at iba pang mamalya sa dagat.
Pag-isipan ito: “Ang blubber ay isang makapal at masinsing layer ng napakaayos na connective tissue na maraming fat cell,” ang sabi ng New World Encyclopedia. Halos buong katawan ng mamalya ay balót nito, at ito’y “kapít na kapít sa kalamnan at skeleton sa pamamagitan ng napakaayos at korteng-pamaypay na mga network ng tendon at ligament.” Ang mga ito naman ay binubuo ng mga elastic fiber at collagen, isang protina na matatagpuan din sa balat at mga buto. Kaya ang blubber ay hindi lang basta layer ng taba na nagsisilbing insulasyon. Isa itong napakasalimuot na kombinasyon ng iba’t ibang buháy na tissue.
Pero paano nakakatulong ang blubber para makalangoy nang napakabilis ang mga dolphin at porpoise, gaya ng mga Dall’s porpoise na nakalalangoy nang hanggang 56 na kilometro kada oras? Una, dahil sa blubber, halos deretso ang katawan nila kaya mabilis silang makalangoy. Isa pa, ang blubber sa pagitan ng kanilang buntot at palikpik sa gulugod ay may salá-salá at napakasinsing kombinasyon ng collagen at elastic fiber, na nakakatulong para ang buntot ay maging mapuwersa at madaling maigalaw. Kaya kapag ipinaling ng kalamnan ng mamalya ang buntot sa isang direksiyon, ang blubber, na parang spring, ay humihila rito nang pabalik, anupat naikakampay ang buntot nang walang kahirap-hirap.
Nakakatulong din ang blubber para makalutang ang mamalya at makayanan ang lamig ng tubig. Ang taba nito ay nagsisilbing reserbang enerhiya kapag walang gaanong pagkain. Kaya naman ang kamangha-manghang blubber ay pinag-aaralan ng mga gustong mapahusay pa ang mga sasakyang-pandagat at ang takbo ng mga ito.
Ano sa palagay mo? Nagkataon lang ba ang blubber at ang maraming kahanga-hangang katangian nito? O may nagdisenyo nito?
[Dayagram sa pahina 17]
(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)
Hilera ng mga fiber
Cross section ng salá-saláng collagen at elastic fiber