Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Apektado ng Pagbagsak ng Ekonomiya

Apektado ng Pagbagsak ng Ekonomiya

Apektado ng Pagbagsak ng Ekonomiya

“ANG pinakamatinding krisis sa ekonomiya sa loob ng isang henerasyon.” Ganiyan ang paglalarawan ng Encyclopædia Britannica Online sa pagbagsak ng ekonomiya ng daigdig kamakailan. Ang pinansiyal na krisis na ito na nagsimula sa Estados Unidos noong 2007 ay napakalubha at nakaapekto sa napakaraming bansa kung kaya tinawag itong Great Recession.

Ano kaya ang dahilan nito? Simple lang ang sagot ng magasing Newsweek: “Walang-patumanggang pangungutang.” Pero bakit walang-patumanggang nangungutang ang mga tao para bumili ng mga bagay na hindi naman nila kayang bayaran?

Malamang na sasang-ayon ka na ito’y dahil ibinubuyo ng sistema ng ekonomiya ng daigdig ang mga tao na maging sakim. Parang sinasabi nito: “Bili lang nang bili!” mababayaran mo man ito o hindi. “Isang henerasyon ang natuto ng leksiyon na mapanganib ang labis na pangungutang,” ang paliwanag ng ekonomistang si Chris Farrell sa aklat niyang The New Frugality.

Maraming bansa ang naapektuhan ng matinding pagbagsak ng ekonomiya. “Kahit may mga senyales na bumubuti na uli ang ekonomiya,” ang sabi ng isang ulong balita ng diyaryong Sunday Times sa Timog Aprika noong nakaraang taon, “naghihikahos pa rin ang mga mámimili.” Iniulat pa nito na “halos 3,000,000 katao [sa Timog Aprika] ang mahigit tatlong buwan nang hindi nakakabayad ng kanilang bayarin; at mga 250,000 karaniwang manggagawa ang nawalan ng trabaho nitong nakalipas na dalawang taon.”

Milyun-milyon ang nawalan ng trabaho nitong nakalipas na mga taon. Tungkol sa mga ulat na gumaganda na uli ang ekonomiya ng Estados Unidos, sinabi ng Financial Times: “Ang pagbuti ng ekonomiya mula noong Hunyo 2009 ay matatawag na ‘Great Disappointment.’” Sinabi pa ng pahayagan: “Iniisip ng maraming ekonomista na dahil nagbabayad pa ng utang ang mga tao, hindi muna sila gaanong gagasta sa loob ng ilang taon.”

Kung apektado ka ng pagbagsak ng ekonomiya, tiyak na maiintindihan mo ang sinabi ng awtor na si David Beart: “Tila laging usap-usapan ang mga problema ng daigdig sa ekonomiya, pero walang gaanong nababanggit na solusyon.”

Ang sumusunod na mga artikulo ay makatutulong sa mga nahihirapang magbayad ng utang. Tatalakayin ang mga tanong na: Ano ang mga bentaha ng pagtitipid? Ano ang puwede mong gawin kung may mga utang ka? Paano ka magiging matalino sa paghawak ng pera?