Mga Ibong Mangingisda
Mga Ibong Mangingisda
ANG mga mangingisda—tao man o ibon—ay may tatlong kailangang gawin: (1) makahanap ng isda, (2) makalapit dito, at (3) mahuli ito.
Ang mga mangingisda sa Ehipto noong sinaunang panahon ay karaniwan nang gumagamit ng sibat. Ang pamamaraang ito ay halos kapareho ng ginagawa ng mga heron bago pa ito matutuhang gawin ng tao.
Ang gray heron, isang ibon na karaniwang makikita sa delta ng Ilog Nilo sa Ehipto, ay may matulis na tuka na nagsisilbing pansibat ng isda. Natutuhog pa nga nito nang sabay ang dalawang isda, at nakakakain ito ng mga kalahating kilong isda bawat araw. Masasabing pagdating sa pangingisda, mas maabilidad ang heron kaysa sa tao.
Karaniwan na, minamanmanan muna ng heron ang kaniyang huhulihin. Dahan-dahan itong lalakad sa mababaw na tubig o kaya’y tatayo lang nang hindi gumagalaw habang nakaamba ang tuka. Kapag napalapit ang isang isda, biglang ilulubog ng heron ang kaniyang ulo sa tubig para tuhugin ito ng kaniyang tuka. Kailangan lang niyang maging matiyaga para may mahuli.
Nag-uumang ng Pain
Ayon sa aklat na The Life of Birds, tila ginagaya ng mga green-backed heron sa Japan ang mga taong nagpapakain ng tinapay sa mga isda sa lawa. Ang matatalinong ibong ito ay nagpapain ng mga piraso ng tinapay para palapitin ang mga isda.
Ang mga tagak sa Caribbean ay nagpapain din ng tinapay. Pero nakakahuli rin sila ng isda nang hindi gumagamit ng anumang pain maliban sa kanilang dilaw na paa. Habang nakatuntong sa mababaw na tubig ang isang paa, iginagalaw-galaw nila sa tubig ang kabilang paa para mapansin ng nag-uusyosong isda.
Nandadagit
Iba’t iba ang paraan ng mga ibon sa pangingisda. Ang mga fish eagle, na karaniwang tinatawag na osprey, ay nandadagit. Lumilipad sila sa tapat ng tubig at naghahanap ng isdang malapit sa ibabaw ng tubig. Kapag may namataan sila, ititiklop nila ang kanilang mga pakpak, bubulusok
sa tubig, at saka dadagitin ng kanilang mga paa ang isda. Kailangan nila rito ang matalas na paningin at mahusay na tiyempo.Kung minsan, hindi mailipad ng mga African fish eagle ang isdang nahuli nila dahil sa bigat nito. Maaaring tumimbang ang isda nang mahigit dalawa’t kalahating kilo! Ano ngayon ang gagawin nila? Nakita ng mga naturalista na para makarating sa baybayin, ipinansasagwan ng ilan sa mga ibong ito ang kanilang mga pakpak!
Sumisisid
Ang mga gannet at booby ay naninisid din ng isda, pero pa-vertical ang bulusok nila sa tubig. Ang maliliit na kawan ay sama-samang lumilipad habang naghahanap ng pangkat ng mga isdang lumalangoy malapit sa ibabaw ng tubig. Dahil makikintab ang mga isdang ito, ang dagat na matingkad na asul ay nagkukulay mapusyaw na berde kapag tiningnan mula sa itaas. Kapag nakita ito ng mga gannet at booby, naghahanda na silang umaksiyon.
Kapag ang mga gannet ay may nakitang pangkat ng mga isda, bumubulusok sila sa dagat na parang mga pana sa bilis na umaabot sa 96.56 kilometro kada oras. Para silang mga diver sa Olympics! Mapapansin agad ito ng ibang mga kawan at mabilis na magdadagsaan para makisali sa kainan.
Di-gaya ng mga heron, hindi tinutuhog ng mga booby at gannet ang isda gamit ang kanilang tuka. Dahil sa bilis ng pagsisid, nakaaabot sila nang ilang piye sa ilalim ng tubig. Pagkatapos, habang pumapaibabaw sa tubig, huhulihin nila ang isda at lululunin ito.
Magaling ding sumisid ang mga tern, pero mas malapit sila sa tubig habang naghahanap ng mahuhuli. Ayon sa Handbook of the Birds of the World, sa halip na mabilis na bumulusok sa tubig gaya ng mga booby at gannet, ang mga tern ay gumagamit ng “kasanayan sa paglipad.” Dinadagit nila ang isda mula sa ibabaw ng tubig. Bihira silang sumisid sa ilalim ng tubig para manghuli ng isda, at saglit lang nila itong gawin.
Nagtutulungan
Ang mga pelican ay mukhang kakatwa dahil sa napakalaki nilang tuka, pero mahusay silang lumipad at mangisda. Kadalasan na, ang mga brown pelican ay sumisisid para manghuli ng isda, at kung minsa’y inaagaw nila ang nahuli ng mga mangingisda sa lambat. Pero talagang napakahusay ng mga pelican sa pangingisda nang sama-sama.
Likas sa mga pelican ang magsama-sama. Kapansin-pansin na palagi silang nagtutulungan sa pangingisda. Karaniwan na, isang pangkat ng 12 pelican ang lumalapag sa tubig at humahanay nang medyo pabilog. Dahan-dahan silang lalangoy at itataboy sa mababaw na tubig ang isang pangkat ng mga isda. Habang ginagawa ito, ibinubuka nila ang kanilang mga pakpak, sabay-sabay na ilulubog sa tubig ang kanilang ulo, at huhulihin ang mga isda gamit ang kanilang mga tuka.
Siyempre pa, gaya ng mga taong mangingisda, madalas ding walang huli ang mga ibon. Pero karaniwan nang mas mahusay sila sa pangingisda kaysa sa mga tao.
[Larawan sa pahina 12]
African fish eagle
[Credit Line]
Photolibrary
[Larawan sa pahina 12]
Gray heron
[Larawan sa pahina 13]
Northern gannet
[Larawan sa pahina 13]
Common tern
[Larawan sa pahina 13]
Australian pelican