Murchison Falls—Isang Pambihirang Talon ng Nilo sa Uganda
Murchison Falls—Isang Pambihirang Talon ng Nilo sa Uganda
“Ito ang pinakakahanga-hangang talon ng Nilo.”—Sir Samuel White Baker, manggagalugad na Ingles.
GUSTUNG-GUSTO ng mga tao ang mga talon. Ang lagaslas ng tubig na bumabagsak sa batuhan at ang malamig at pinong tilamsik ng tubig ay nakarerepresko at nakarerelaks sa maraming bumibisita rito.
Ganiyan ang Murchison Falls * sa Uganda. Ang Ilog Nilo ay may haba na 6,400 kilometro, at ipinapalagay ng ilan na ang talon na ito ang pinakamagandang bahagi ng ilog. Totoo, hindi ito sintaas ng Angel Falls sa Timog Amerika o sinlaki ng Victoria Falls sa Aprika o Niagara Falls sa Hilagang Amerika. Pero ang kagandahan at puwersa ng Murchison Falls ay talagang kahanga-hanga.
Kasaysayan ng Murchison Falls
Ang Murchison Falls ay isa lang sa mga dinarayo sa Murchison Falls National Park, na may sukat na 3,841 kilometro kuwadrado. Ang parke, na nasa hilagang-kanluran ng Uganda, ay itinatag noong 1952. Narating ni Baker ang talon noong pasimula ng dekada ng 1860. Sa kaniyang aklat na The Albert N’yanza, ikinuwento niya ang nangyari nang una niyang makita ang talon.
“Pagliko namin,” ang kuwento niya, “isang kahanga-hangang tanawin ang tumambad sa aming paningin. . . . Puting-puti ang tubig ng talon, na mas kapansin-pansin dahil sa madilim na batuhan sa gilid ng ilog, at ang tanawin ay lalo pang pinaganda ng mga palma sa tropiko at mga puno ng saging. Ito ang pinakakahanga-hangang talon ng Nilo.” Tinawag ito ni Baker na Murchison Falls bilang parangal sa presidente ng Royal Geographical Society.
Pagbisita sa Talon
Maaaring bisitahin ang talon sakay ng bangka. Sa Paraa nagsisimula ang pamamangka sa Nilo. Wiling-wili ang mga bisita sa pamamangka habang pinagmamasdan ang mababangis na hayop sa malayo. Makikita sa Nilo ang mga hipopotamus, buwaya, bupalo, at mga dambuhalang African elephant. Dahil nakawiwiling panoorin ang mga hayop, baka makaligtaan pa nga ng mga bumibisita na ang dinayo nila talaga ay
ang talon. Pero kapag nakarating sila sa puting-puting tubig na parang sumasambulat sa pagitan ng mga bato, maiintindihan nila kung bakit napahanga nang husto si Baker.Bagaman nasisiyahan ang maraming bumibisita na panoorin ang talon mula sa bangka, may kakaibang ganda ang tanawin mula sa itaas. Para sa iba, ito ang pinakamaganda. Makikita mula roon ang tubig ng Nilo, na may lapad na 49 na metro, habang dumaraan ito sa isang puwang na mga 6 na metro lang ang lapad at mabilis na bumababa nang 40 metro. Sinasabing ito ang “isa sa pinakamalakas na daluyong ng tubig sa buong mundo.” Kung minsan, nararamdaman ng mga bumibisita na medyo yumayanig ang lupa habang rumaragasa ang tubig pababa.
Ikinuwento ni Baker ang nangyari bago niya nakita ang talon. Sinabi niya na may narinig siyang dagundong habang naglalakad siya isang umaga. Akala niya’y kulog iyon sa malayo. Pero nagulat siya nang malaman niyang nanggagaling pala iyon sa talon.
Taun-taon, gaya ni Baker, libu-libo ang humahanga sa makapigil-hiningang kagandahan at puwersa ng kamangha-manghang tanawing ito. Ang pagmamasid sa rumaragasang tubig ng talon ay isang karanasang hindi malilimutan. Ang Murchison Falls ay isa ngang pambihirang talon ng Nilo.
[Talababa]
^ par. 4 Tinatawag din itong Kabalega o Kabarega Falls.
[Kahon/Larawan sa pahina 17]
Murchison Falls National Park
Ayon sa isang sensus noong 1969, ang parkeng ito ay tahanan ng mga 14,000 hipopotamus, 14,500 elepante, at 26,500 bupalo. Noong sumunod na mga dekada, biglang bumaba ang bilang ng mga ito. Pero dahil sa mga konserbasyon kamakailan, dumarami na naman sila. Ngayon, marami na ring hayop sa mga kagubatan doon gaya ng mga chimpanzee at baboon, samantalang sa kaparangan naman nito nanginginain ang mga giraffe at Jackson’s hartebeest. Sa katunayan, mahigit 70 uri ng mamalya at 450 uri ng ibon ang matatagpuan sa parke.
[Picture Credit Line sa pahina 16]
All photos pages 16 and 17: Courtesy of the Uganda Wildlife Authority