Tunay na Katarungan sa Ilalim ng Gobyerno ng Diyos
Tunay na Katarungan sa Ilalim ng Gobyerno ng Diyos
IPINAKIKITA ng hula ng Bibliya na ang kasalukuyang sistema ng mga bagay ay malapit nang palitan ng Diyos ng isang bagong sanlibutan. Sa bagong sanlibutang iyon, isang gobyerno lang ang mamamahala—ang Kaharian ng Diyos, na ang Hari ay si Jesu-Kristo. (Apocalipsis 11:15) Paano aalisin ng Kaharian ng Diyos ang kawalang-katarungan? Dalawang bagay ang gagawin nito.
1. Aalisin ng Kaharian ng Diyos ang walang-kakayahan at di-makatarungang pamamahala ng tao. Sinasabi sa Daniel 2:44: “Sa mga araw ng mga haring iyon [mga gobyerno] ay magtatatag ang Diyos ng langit ng isang kaharian . . . Dudurugin nito at wawakasan ang lahat ng mga kahariang ito [ng tao], at iyon ay mananatili hanggang sa mga panahong walang takda.”
2. Lilipulin ng Kaharian ng Diyos ang masasama at ililigtas ang mga makatarungan. Sinasabi sa Awit 37:10: “Kaunting panahon na lamang, at ang balakyot ay mawawala na.” At ayon sa talata 28: “Si Jehova ay maibigin sa katarungan, at hindi niya iiwan ang kaniyang mga matapat. Hanggang sa panahong walang takda ay tiyak na babantayan sila.”
Makikita ng “mga matapat” ang katuparan ng sinabi ni Jesus sa modelong panalangin: “Dumating nawa ang iyong kaharian. Mangyari nawa ang iyong kalooban, kung paano sa langit, gayundin sa lupa.” (Mateo 6:10) Ano ba ang kalooban ng Diyos para sa lupa?
Kapag Namahala Na ang Kaharian ng Diyos sa Lupa . . .
Wala nang korupsiyon at paniniil. Sinasabi sa Hebreo 1:9 tungkol kay Jesu-Kristo: “Inibig mo ang katuwiran, at kinapootan mo ang katampalasanan.” Bilang isang tunay na makatarungang Tagapamahala, “ililigtas niya ang dukha na humihingi ng tulong, gayundin ang napipighati at ang sinumang walang katulong. . . . Tutubusin niya ang kanilang kaluluwa mula sa paniniil at mula sa karahasan, at ang kanilang dugo ay magiging mahalaga sa kaniyang paningin.”—Awit 72:12-14.
Magkakaroon ng saganang pagkain para sa lahat. “Ang lupa ay tiyak na magbibigay ng bunga nito; ang Diyos, ang ating Diyos, ay magpapala sa atin.” (Awit 67:6) “Magkakaroon ng saganang butil sa lupa; sa taluktok ng mga bundok ay mag-uumapaw.” (Awit 72:16) Libu-libo ang makahimalang pinakain ni Jesus noon, sa gayo’y ipinakita kung ano ang gagawin niya sa ilalim ng Kaharian ng Diyos.—Mateo 14:15-21; 15:32-38.
Hindi na magiging hadlang sa katarungan ang mga limitasyon ng tao. “Walang nilalang na hindi hayag sa . . . paningin [ng Diyos], kundi ang lahat ng bagay ay hubad at hayagang nakalantad sa mga mata niya na pagsusulitan natin.” (Hebreo 4:13) Mababasa naman tungkol kay Kristo: “Hindi siya hahatol ayon lamang sa nakita ng kaniyang mga mata, ni sasaway man ayon lamang sa narinig ng kaniyang mga tainga. At sa katuwiran ay hahatulan niya ang mga maralita, at sa katapatan ay sasaway siya alang-alang sa maaamo sa lupa.”—Isaias 11:3, 4.
Malapit Nang Mamahala ang Kaharian!
Ang lumulubhang kalagayan ng daigdig ay katibayan na malapit na itong magwakas. “Kapag sumisibol ang mga balakyot na gaya ng pananim at namumukadkad ang lahat ng nagsasagawa ng bagay na nakasasakit, iyon ay upang malipol sila magpakailanman,” ang sabi ng Awit 92:7. Paano mo maiiwasan ang paghatol ng Diyos at sa gayo’y mapabilang sa mga ililigtas niya? Sinabi ni Jesu-Kristo: “Ito ay nangangahulugan ng buhay na walang hanggan, ang kanilang pagkuha ng kaalaman tungkol sa iyo, ang tanging tunay na Diyos, at sa isa na iyong isinugo, si Jesu-Kristo.”—Juan 17:3.
Gusto mo bang matutuhan ang napakahalagang kaalamang iyan? Kung oo, gaya nina Heide, Dorothy, at Firuddin, na binanggit sa seryeng ito, makipag-ugnayan ka sa mga Saksi ni Jehova. Masisiyahan silang sagutin ang mga tanong mo nang walang bayad at wala kang anumang obligasyon.
[Kahon/Larawan sa pahina 9]
KAPAG WARING HINDI MAKATARUNGAN ANG BUHAY
Si Emily, na taga-Estados Unidos, ay na-diagnose na may lukemya noong pitong taon siya. Ang mga kaibigan niya ay nagkakasipon lang o nagkakalagnat, pero si Emily ay ilang taon nang nagtitiis ng matinding gamutan, kasama na ang chemotherapy. “Nakakatakot ang lukemya!” ang sabi niya.
Kahit isa itong matinding dagok sa kaniya, hindi pa rin nasisiraan ng loob si Emily. Hinihintay niya ang panahon na sa ilalim ng Kaharian ng Diyos, “walang sinumang tumatahan ang magsasabi: ‘Ako ay may sakit.’” (Isaias 33:24) “Ang paborito kong teksto sa Bibliya,” ang sabi ni Emily, “ay Marcos 12:30: ‘Iibigin mo si Jehova na iyong Diyos nang iyong buong puso at nang iyong buong kaluluwa at nang iyong buong pag-iisip at nang iyong buong lakas.’ Kapag nananalangin ako kay Jehova, pinalalakas niya ako. Pinasasalamatan ko siya dahil sa pamilya ko, sa kongregasyon namin, at sa pag-asang mabuhay magpakailanman sa Paraisong lupa. Napakalaking tulong sa akin ng pag-asang ito.”
[Mga larawan sa pahina 8, 9]
Sa ilalim ng Kaharian ng Diyos, magkakaroon ng saganang pagkain para sa lahat, iiral ang tunay na katarungan, at wala nang diskriminasyon