Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Ang Iyong Papel Bilang Magulang

Ang Iyong Papel Bilang Magulang

Naaalala mo pa ba nang una mong kargahin ang iyong bagong-silang na anak?

Mayamaya, baka nag-alala ka dahil naisip mo na kailangan ng anak mo ng patnubay sa loob ng mahabang panahon. Bigla mong naisip ang bigat ng iyong responsibilidad.

TALAGANG isang hamon ang maging magulang, lalo na sa panahon natin. Bakit? Dahil mas komplikado na ang daigdig ngayon kaysa noong bata ka. Wala pa noon ang ilan sa mga hamon na napapaharap sa mga bata pagdating sa moral, halimbawa, kapag nag-i-Internet.

Paano mo matutulungan ang iyong anak na maharap ang mga hamon ngayon may kaugnayan sa moralidad? Narito ang tatlong mungkahi.

1 Sabihin nang malinaw ang iyong pamantayang moral.

Habang lumalaki ang mga bata, napakarami nilang natatanggap na maling impormasyon tungkol sa moralidad​—ang ilan ay mula sa mga kaedad nila at ang karamihan ay mula sa media. Kitang-kita ang gayong negatibong impluwensiya lalo na kapag naging tin-edyer na ang mga bata. Pero ipinakikita ng pagsasaliksik na pagdating sa malalaking desisyon sa buhay, maraming kabataan ang mas nakikinig sa magulang nila kaysa sa mga kaedad.

Ang puwede mong gawin. Ang mga magulang sa sinaunang Israel ay pinayuhang kausapin nang madalas ang kanilang mga anak para maturuan sila ng mga tamang pamantayan. (Deuteronomio 6:6, 7) Ganiyan din ang gawin mo. Halimbawa, kung namumuhay ka ayon sa pamantayang moral ng Bibliya, ipaliwanag sa anak mo kung bakit para sa iyo, ang pagsunod sa mga pamantayang iyon ang magdudulot ng tunay na kaligayahan.

 2 Ipaunawa sa iyong anak ang kahihinatnan ng kaniyang pagkilos.

Sinasabi ng Bibliya: “Anuman ang inihahasik ng isang tao, ito rin ang kaniyang aanihin.” (Galacia 6:7) Ang simulaing iyan ay makikita sa halos lahat ng aspekto ng buhay. Balikan ang iyong kabataan. Tiyak na ang natatandaan mo’y ang mga pinagdusahan mo dahil sa mga nagawa mong pagkakamali.

Ang puwede mong gawin. Ikuwento sa anak mo ang karanasan ng mga taong nagdusa dahil sa nagawa nilang pagkakamali o ng mga taong nakinabang dahil sa paggawa ng tama. (Lucas 17:31, 32; Hebreo 13:7) At huwag mo ring protektahan ang anak mo mula sa ibubunga ng kaniyang mga pagkakamali. Halimbawa, nasira ng anak mo ang laruan ng ibang bata dahil hindi siya naging maingat. Puwede mong sabihin sa anak mo na ibigay ang isa niyang laruan sa batang iyon. Tiyak na hindi malilimutan ng anak mo na dapat niyang ingatan ang pag-aari ng iba.

3 Tulungan ang iyong anak na magkaroon ng magagandang katangian.

Ayon sa isang kawikaan sa Bibliya: “Sa kaniyang mga kilos ang bata ay makikilala, kung ang kaniyang ugali ay matuwid at tapat.” (Kawikaan 20:11, Ang Biblia​—Bagong Salin sa Pilipino) Habang lumalaki ang mga bata, nagkakaroon sila ng mga ugali na nagpapakita ng uri ng pagkatao nila. Nakalulungkot, ang ilan ay kilalá sa kanilang mga negatibong katangian. (Awit 58:3) Pero ang iba naman ay may maganda at kapuri-puring reputasyon. Halimbawa, sumulat si apostol Pablo sa isang kongregasyon tungkol sa kabataang si Timoteo: “Wala na akong iba pa na may saloobing katulad ng sa kaniya na tunay na magmamalasakit sa mga bagay na may kinalaman sa inyo.”​—Filipos 2:20.

Ang puwede mong gawin. Bukod sa pagtuturo sa iyong anak ng mga kahihinatnan ng ginagawa niya, gaya ng nabanggit na, tulungan siyang pag-isipan kung sa anong mga ugali gusto niyang makilala siya. Kapag napaharap sa isang hamon, matututo ang mga kabataan na gumawa ng mabuting pasiya kung itatanong nila sa kanilang sarili ang sumusunod:

  • Anong pagkatao ang gusto kong malinang?​—Colosas 3:10.
  • Ano ang gagawin ng isa na may gayong pagkatao kapag ganito ang sitwasyon?​—Kawikaan 10:1.

Ang Bibliya ay naglalaman ng maraming karanasan ng mga taong nagkaroon ng mabuti o masamang reputasyon dahil sa mga ginawa nila. (1 Corinto 10:11; Santiago 5:10, 11) Gamitin ang mga halimbawang ito para tulungan ang anak mo na maglinang ng magagandang ugali.

Ang mga publikasyon ng mga Saksi ni Jehova ay makatutulong sa iyo na makita kung paano mo masusunod ang mga simulain ng Bibliya sa loob ng pamilya at kung paano mo matutulungan ang iyong mga anak na gayon din ang gawin.