Pagbisita sa mga Gorilya sa Kapatagan
MATATAGPUAN sa maulang kagubatan ng Central African Republic sa ekwador ang isang kamangha-manghang hayop na iilang tao pa lang ang nakakakita. Matapos magbiyahe nang 12 oras sa baku-bakong daan, narating namin ang Dzanga-Ndoki National Park, isang protektadong kagubatan sa timog-kanlurang bahagi ng bansa, sa pagitan ng Cameroon at Republic of the Congo. Ang pakay namin? Ang makita si Makumba, isang gorilya sa kapatagan sa kanluran, pati na ang kaniyang pamilya.
Sinabihan kami ng aming guide na huwag maghiwa-hiwalay at mag-ingat sa mga elepante. Ang dinaraanan kasi namin ay daanan din ng mga elepante kapag naghahanap ng pagkain. Pero hindi lang sa mga elepante kami dapat mag-ingat. “Kapag inatake ka ng gorilya,” ang babala ng guide namin, “yumuko ka lang at huwag gagalaw. Hindi ka niya aanuhin; mag-iingay lang ’yon. Huwag mo siyang titingnan sa mata. Ako nga, pumipikit na lang.”
Nasa unahan namin at ng aming guide ang isang tracker na kabilang sa mga BaAka, na itinuturing na isang tribong Pygmy dahil sa hitsura nila at dahil maliliit lang sila. May bahagya lang makita, maamoy, o marinig ang bihasang tracker, alam na niya kung may mailap na hayop sa paligid. Samantala, sunod nang sunod sa amin ang nakakainis na mga sweat bee. Humahabol kami sa pagsunod sa tracker na sanay na sanay maglakad sa masukal na kagubatan.
Di-nagtagal, nasa loob na kami ng kagubatan na iilang taga-Kanluran pa lang ang nakararating. Pagkatapos, biglang huminto ang tracker at itinuro ang malawak na lugar malapit sa dinaraanan namin. Nakita namin ang sira-sirang mga halaman at ang napagtatapakang damo kung saan naglaro ang mga batang gorilya, at ang natalupan at bali-baling mga sanga—ebidensiya na may mga gorilyang nagkainan dito. Lalo kaming nanabik.
Matapos kaming maglakad nang mga tatlong kilometro, binagalan ng tracker ang lakad niya. Para hindi magulat ang mga gorilya, pinalatak muna niya ang kaniyang dila. Sa di-kalayuan, naririnig namin ang malalakas na ungol at lagitik ng mga nabaling sanga. Kinawayan kami ng guide para palapitin at sinenyasan na huwag mag-iingay. Pinaupo niya kami saka tumuro sa gawi pa roon ng mga puno. Mga walong metro sa unahan, nakita namin siya—si Makumba!
Biglang tumahimik ang kapaligiran, at wala kaming ibang naririnig kundi ang mga kabog ng dibdib namin. Naglalaro sa isip namin kung aatake si Makumba. Tumingin si Makumba sa amin na parang kinikilatis kami, pero naghikab lang siya at hindi na kami pinansin. Para kaming nabunutan ng tinik!
Sa wikang Aka, ang pangalang Makumba ay nangangahulugang “Mabilis.” Pero noong nandoon kami, relaks na relaks lang si Makumba habang kumakain ng kaniyang agahan. Sa malapit, dalawang batang gorilya ang naghaharutan. Si Sopo, isang sampung-buwang gorilya na mabibilog ang mata, ay naglalaro naman sa tabi ng nanay niyang si Mopambi. Marahang hinihila ni Mopambi ang anak kapag medyo napapalayo ito. Ang iba pang mga miyembro ng pamilya ay nangunguha ng mga dahon at ubod ng mga sanga. Ang iba naman ay masiglang naglalaro at manaka-nakang sumusulyap sa amin.
Pagkaraan ng isang oras, tapos na ang pagbisita namin. At gusto na ring umalis ni Makumba; umungol siya, itinukod ang dambuhalang mga braso para makatayo, at saka lumayo. Ilang segundo lang, naglahong parang bula ang buong pamilya. Sandali lang ang pagbisita namin sa kahanga-hangang mga nilalang na ito, pero hindi mawawala sa alaala namin ang karanasang iyon.