May Nagdisenyo ba Nito?
Ang mga Sensor ng Black Fire Beetle
Kapag may sunog sa kagubatan, karamihan ng mga hayop ay lumalayo. Pero pinupuntahan naman ito ng mga black fire beetle. Bakit? Dahil ang kasusunog pa lang na mga puno ang gustung-gusto nilang pangitlugan. Isa pa, kapag nagkasunog, umaalis ang mga kaaway ng mga beetle kaya ligtas silang nakakakain, nakapagpaparami, at nakapangingitlog. Pero paano nalalaman ng mga black fire beetle kung saan may sunog?
Pag-isipan ito: Malapit sa panggitnang mga paa nito, ang fire beetle ay may mga sensor na tinatawag na pit organ, na nakakadetek ng infrared radiation mula sa nasusunog na kagubatan. Nadedetek ng mga pit organ ang pagtaas ng temperatura, at ito ang naghuhudyat sa beetle na puntahan ang sunog.
Bukod sa mga pit organ, ang mga beetle na ito ay may iba pang sensor na nakakadetek ng sunog. Kapag nasusunog ang mga punong gustung-gusto nila, nadedetek ng kanilang mga antena ang kahit katiting ng ilang kemikal na nagmumula sa usok nito. Ayon sa ilang mananaliksik, sa tulong ng “smoke-detector” na mga antena, kayang mahanap ng mga black fire beetle ang isang nasusunog na puno na halos isang kilometro ang layo. Dahil sa mga kakayahang ito, ang mga beetle ay waring nakakadetek ng sunog at natutunton ito kahit sa layong mahigit 48 kilometro!
Pinag-aaralan ng mga mananaliksik ang mga pit organ at antena ng mga black fire beetle para ma-improve pa ang mga kagamitang pandetek ng infrared radiation at sunog. Ang karaniwang high-resolution sensor na pandetek ng infrared ay kailangan pang palamigin, kaya baka may maitulong sa mga siyentipiko ang kakayahang ito ng beetle para makagawa ng mga sensor na gumagana kahit hindi na palamigin. Dahil sa pagsusuri sa mga antena ng beetle, nagkaideya ang mga inhinyero na gumawa ng mga fire-detection system na mas sensitibo at nakakadetek kung ang usok ay likha ng sunog sa kagubatan o kung ito’y iba pang kemikal.
Hangang-hanga ang mga mananaliksik sa natatanging kakayahan ng black fire beetle na makahanap ng lugar na mapangingitlugan. “Paano nadebelop ng mga beetle na ito ang gayong kakayahan na makahanap ng pangingitlugan?” ang tanong ni E. Richard Hoebeke, isang eksperto sa mga beetle sa Cornell University sa Estados Unidos. “Isip-isipin kung gaano kaliit ang alam natin tungkol sa mga insektong may napakasensitibo at napakasalimuot na mga sensor.”
Ano sa palagay mo? Ang kakayahan ba ng black fire beetle na makadetek ng sunog sa kagubatan ay resulta ng ebolusyon? O may nagdisenyo nito?