Ang mga Kabataan ay Nagtatanong
Paano Ko Makakayanan ang Stress?
Nai-stress ka ba?
- Stress? Ano ’yon?
- Kaya ko pa
- Malapit na akong masagad
- Stress na stress ako
ANG isang nai-stress ay parang humihila ng mabigat na kargamento. Kayang-kaya ng isang malaking trak na ibiyahe sa malayo ang kargamentong ito. Pero hindi ito kayang gawin ng kotse. Kahit malapit lang ang pagdadalhan ng kargamento, posible pa ring masira ang makina ng kotse. Ganiyan din ang mangyayari sa iyong “makina,” o iyong katawan, kapag na-stress ka nang sobra.
May solusyon ba rito? Mayroon! Para hindi ka masagad ng stress, puwede mong bawasan ang mga responsibilidad mo o kaya’y patibayin ang iyong “makina.” Ang totoo, pareho mong magagawa ang mga iyan. Tingnan natin kung paano.
Bawasan ang mga Responsibilidad
ANG HAMON: Sobrang dami ng aktibidad.
“Kung minsan, may lalapit sa akin para magpatulong o magpasama kung saan, samantalang ang dami kong dapat gawin. Ang kaso, hindi ako marunong tumanggi.”—Karina. *
ANG SOLUSYON: Matutong tumanggi.
“Ang karunungan ay nasa mga mahinhin,” ang sabi ng Bibliya. (Kawikaan 11:2) Ang kahinhinan, o ang pagkilala sa iyong mga limitasyon, ay tutulong sa iyo na tumanggi kapag hindi mo iyon kayang gawin.
Siyempre pa, hindi ka naman laging tatanggi—halimbawa, kapag may iniuutos ang mga magulang mo! Pero kung oo ka lang nang oo sa lahat ng nagpapatulong sa iyo, tiyak na bibigay ang katawan mo pagtagal-tagal. Kahit ang pinakamalalaking trak ay may limit sa maibibiyahe nito.
Tip: Kung nahihiya kang tumanggi, puwede mong sabihin, “Pag-iisipan ko muna.” At bago sumagot, tanungin ang sarili, ‘May panahon at lakas pa ba ako para sa ipinagagawa sa akin?’
ANG HAMON: Pagpapaliban.
“Kapag parang mahirap ang gagawin ko, ipinagpapaliban ko muna ito. Pero iniisip ko rin naman na dapat kong gawin iyon. Kapag sinimulan ko na, kailangan ko nang magmadali. Nai-stress tuloy ako.—Serena.
ANG SOLUSYON: Simulan mo agad—kahit hindi mo matapos.
“Huwag magmakupad sa inyong gawain,” ang payo ng Bibliya. (Roma 12:11) Kung mabigat na ngang gawin ang isang mahirap na trabaho, at pinatatagal mo pa, lalo mo lang pinahihirapan ang sarili mo!
Makatutulong kung may listahan ka ng mga gagawin mo. Hati-hatiin ang mabibigat na gawain ayon sa kaya mo. “Mahilig akong maglista,” ang sabi ng kabataang si Carol. “Madalas, inuuna ko sa listahan y’ong mga ayaw kong gawin, at habang natatapos ko ang mga iyon, madali na lang y’ong iba. Hindi mo namamalayan, ang ginagawa mo na pala ay y’ong mga nakaka-enjoy gawin!”
Tip: Kung nahihirapan kang simulan ang isang gawain, kumuha ng timer, i-set ito sa 10 o 15 minuto, at magsimula na agad. Kapag nag-alarm na, nakatapos ka na ng 10 o 15 minuto ng trabaho. At dahil nasimulan mo na ito, baka magulat ka na madali naman palang tapusin iyon.
Ayusin ang kuwarto mo! Nakaka-stress maghanap ng homework o ng isusuot na damit sa isang magulong kuwarto. Para hindi ka mataranta sa umaga, mag-set ng limang minuto bago matulog para iligpit ang mga gamit
Patibayin ang Iyong “Makina”
Alagaan ang katawan mo.
Ayon sa mga eksperto, mas marami kang magagawa kung masustansiya ang pagkain mo, regular kang nag-eehersisyo, at sapat ang iyong tulog. * Ang totoo, hindi mahirap alagaan ang iyong katawan. Puwede mo itong simulan sa ilang simpleng hakbang. Kuning halimbawa ang pagtulog. Subukan ang sumusunod.
- Matulog nang sapat. Magtakda ng regular na oras ng pagtulog at paggising, kahit man lang sa mga araw na may pasok sa iskul o sa trabaho.
- Maglaan ng panahong marelaks bago matulog. Huwag mag-ehersisyo tatlong oras bago matulog, at iwasan ang mabigat na meryenda at caffeine bago matulog.
- Kapag oras na ng pagtulog, gawing madilim, tahimik, at komportable ang iyong kuwarto.
Humingi ng tulong sa iba.
Huwag mahiyang humingi ng tulong sa iyong mga magulang at kaibigan. Talaga bang makatutulong ito? Oo! Ayon sa mga pag-aaral, ang emosyonal na suporta mula sa iba ay nakababawas sa pinsalang puwedeng idulot ng stress sa iyong puso, mga daluyan ng dugo, at immune system.
Ang nabanggit ay kaayon ng sinasabi ng Bibliya: “Ang pagkabalisa sa puso ng tao ang siyang magpapayukod nito, ngunit ang mabuting salita ang siyang nagpapasaya nito.” (Kawikaan 12:25) Kapag ‘nababalisa’ ka, puwede kang patibayin ng “mabuting salita” ng mga tunay na kaibigan, at baka iyon ang kailangan mo para muli kang sumigla.
Kailangan mo ba ng karagdagang tulong para makayanan ang stress? Tingnan ang sumusunod na mga kabanata sa aklat na Ang mga Tanong ng mga Kabataan—Mga Sagot na Lumulutas, Tomo 1 at 2, na inilathala ng mga Saksi ni Jehova.
TOMO 1
- Kabanata 18: Paano Ko Makakayanan ang Stress sa School?
- Kabanata 21: Paano Ko Mababadyet ang Panahon Ko?
TOMO 2
- Kabanata 26: Paano Ko Makokontrol ang Aking Damdamin?
- Kabanata 27: Bakit Gusto Kong Maging Perfect ang Lahat?
^ par. 12 Binago ang ilang pangalan sa artikulong ito.
^ par. 24 Para sa mga tip may kaugnayan sa pagkain at ehersisyo, tingnan ang kabanata 10 ng aklat na Ang mga Tanong ng mga Kabataan—Mga Sagot na Lumulutas, Tomo 1, na inilathala ng mga Saksi ni Jehova.
TANUNGIN ANG MGA MAGULANG MO
Ano po ang mga nakapagpapa-stress sa inyo? Ano po sa tingin ninyo ang pinakamabisang paraan para makayanan ang stress?