Pagmamasid sa Daigdig
Sa Germany, mga 33 porsiyento ng mga sanggol na isinilang noong 2010 ay anak ng mga di-kasal, kumpara sa 15 porsiyento lang noong 1993.—ÄRZTE ZEITUNG at THE LOCAL, GERMANY.
Ayon sa sensus noong 2010, 69.4 porsiyento ng mga bata sa Estados Unidos ang kapisan ng mga magulang nito, ang 23.1 porsiyento ay ina lang ang kasama, ang 3.4 porsiyento ay ama lang ang kasama, at ang 4.1 porsiyento ay walang magulang na kapisan.—U.S. CENSUS BUREAU, E.U.A.
Ang pinsalang dulot ng mga likas na sakuna sa pangglobong ekonomiya ay tinatayang umabot sa $380 bilyon (U.S.) noong 2011. Ang lindol sa Japan ang “may pinakamalaking halaga ng pinsala sa buong kasaysayan, anupat umabot ito sa $210 bilyon—hindi pa kasama ang pinsalang dulot ng plantang nuklear sa Fukushima.”—NEW SCIENTIST, BRITAIN.
Sa buong mundo, ang keso ang pinakamadalas nakawing pagkain sa tindahan. Mahigit 3 porsiyento ng paninda sa buong daigdig ang nawawala taun-taon, pangunahin na dahil sa pagnanakaw ng mga mamimili at empleado.—CENTRE FOR RETAIL RESEARCH, BRITAIN.
Mapanganib ang “Heading” sa Soccer
Bahagi ng larong soccer ang pagtira sa bola gamit ang ulo, o “heading.” Pero nakababahala ang resulta ng isinagawang mga pag-aaral tungkol dito sa tulong ng makabagong mga imaging technique at mga test sa kakayahan ng isip. Ayon sa mga mananaliksik sa Albert Einstein College of Medicine, New York, E.U.A., ang heading ay “malamang na magdulot ng pinsala sa utak at sa kakayahan ng isip.” Naobserbahang nagka-injury ang mga amatyur na manlalaro na naghe-heading nang mahigit 1,000 hanggang 1,500 beses kada taon—“kakaunti kung ikukumpara sa ginagawa araw-araw ng regular na manlalaro.”
Mga Hybrid na Sasakyan—Mas Delikado Para sa mga Pedestriyan
“Ang mga advocacy group ay nababahala sa kaligtasan ng mga pedestriyan dahil sa mga HEV [hybrid electric vehicle],” ang sabi sa report ng U.S. Department of Transportation. “Sinasabi nila na dahil napakatahimik ng mga HEV, walang maririnig na ingay na magbababala sa mga pedestriyan at mga nagbibisikleta na may paparating na sasakyan kapag sila’y nasa kalsada o interseksiyon.” Sa katunayan, samantalang nagmamaniobra, “ang HEV ay dalawang beses na mas malamang na makabundol ng pedestriyan” kumpara sa karaniwang sasakyan, ang sabi ng report. Dahil dito, iminungkahi ng National Highway Traffic Safety Administration na dapat magkaroon ng ingay ang ganitong mga sasakyan kapag mabagal lang ang takbo ng mga ito.