INTERBYU | PAOLA CHIOZZI
Ang Paniniwala ng Isang Biochemist
Si Dr. Paola Chiozzi ay mahigit 20 taon nang molecular biologist sa University of Ferrara sa Italy. Ininterbyu siya ng Gumising! tungkol sa kaniyang espesyalisasyon at paniniwala.
Kuwentuhan mo kami ng ilang bagay tungkol sa iyo.
Ang tatay ko ay sapatero, at ang nanay ko naman ay nagtrabaho sa farm. Ako naman, gusto kong maging siyentipiko. Hangang-hanga ako sa magagandang bulaklak, ibon, at mga insekto sa lugar namin. Naisip ko na ang gumawa ng mga ito ay di-hamak na mas matalino kaysa sa tao.
Ibig bang sabihin, noon pa ma’y naniniwala ka na sa Maylalang?
Hindi. Noong bata pa lang ako, nagduda na ako sa pag-iral ng Diyos. Biglang namatay ang tatay ko nang atakihin siya sa puso, at naisip ko, ‘Bakit kaya pinahihintulutan ng Maylalang ng napakagagandang bagay ang pagdurusa at kamatayan?’
Nakatulong ba sa iyo ang pag-aaral mo ng siyensiya para malaman ang sagot?
Noong una, hindi. Nang maging molecular biologist ako, sinimulan kong pag-aralan ang tungkol sa kamatayan—ang normal at nakaprogramang kamatayan ng mga selulang bumubuo sa ating katawan. Iba ito sa walang-kontrol na pagkamatay ng mga selula na nagiging sanhi ng inflammation at ganggrena. Nitong nakalipas na mga taon lang naging interesado ang mga siyentipiko na pag-aralan ang prosesong ito, gayong napakahalaga nito sa ating kalusugan.
Bakit napakahalaga ng nakaprogramang kamatayan ng mga selula?
Ang ating katawan ay binubuo ng trilyun-trilyong pagkaliliit na selula. Halos lahat ng mga ito ay kailangang mamatay at mapalitan. Bawat uri ng selula ay may kani-kaniyang haba ng buhay; ang ilan ay napapalitan pagkaraan ng ilang linggo, at ang iba nama’y pagkaraan ng ilang taon. Ang likas na kamatayan ng mga selula ay dapat maganap ayon sa pagkakadisenyo nito para manatiling balanse ang pagpapalit ng mga selula.
Ano ang posibleng maging problema?
Ipinakikita ng ilang pag-aaral na kapag hindi namatay ang ilang selula ayon sa pagkakadisenyo nito, puwede itong maging sanhi ng rheumatoid arthritis o kanser. Kung mamamatay naman ang mga selula nang mas maaga, puwede itong mauwi sa Parkinson’s disease o Alzheimer’s disease. Ang pagsasaliksik na ginagawa ko ay may kaugnayan sa paghanap ng mga paraan kung paano magagamot ang mga sakit na ito.
Paano nakaapekto sa iyo ang pag-aaral mo tungkol sa kamatayan ng mga selula?
Ang totoo, nalito ako. Ang kamangha-manghang prosesong ito ay kitang-kitang dinisenyo ng isa na gustong maging malusog tayo. Kaya ang tanong ko pa rin, Bakit nagdurusa at namamatay ang mga tao? Hindi ko makita ang sagot.
Pero kumbinsido ka na ang nakaprogramang kamatayan ng mga selula ay sadyang dinisenyo.
Oo. Ang komplikadong prosesong ito ay mahirap paniwalaan pero makikita sa napakahusay na prosesong ito ang isang pambihirang karunungan. Naniniwala akong karunungan ito ng Diyos. Hi-tech na mga mikroskopyo ang gamit ko para pag-aralan ang maraming masalimuot na mekanismong kumokontrol sa proseso. May mga mekanismo na kayang pasimulan ang kamatayan ng selula sa loob lang ng ilang segundo kung kailangan. Ang mga selula naman ay nakikipagtulungan para mamatay sila. Napakahusay ng pagkakadisenyo ng prosesong ito anupat talagang mamamangha ka.
Yamang halos lahat ng ating selula ay regular na napapalitan, talagang posible ang buhay na walang hanggan
May mga tanong ka tungkol sa Diyos at sa pagdurusa. Paano mo nalaman ang sagot?
May dalawang Saksi ni Jehova na dumalaw sa bahay noong 1991, at tinanong ko sila kung bakit tayo namamatay. Ipinakita nila sa akin ang sagot ng Bibliya: “Sa pamamagitan ng isang tao ang kasalanan ay pumasok sa sanlibutan at ang kamatayan sa pamamagitan ng kasalanan.” (Roma 5:12) Kung hindi sinuway ng unang tao ang Diyos, nabuhay sana siya magpakailanman. Nakita ko agad na kaayon ito ng natutuhan ko sa aking pagsasaliksik. Ang totoo, alam kong hindi gusto ng Diyos na mamatay ang tao. Yamang halos lahat ng ating selula ay regular na napapalitan, talagang posible ang buhay na walang hanggan.
Ano ang nakakumbinsi sa iyo na ang Bibliya ay Salita ng Diyos?
Natutuhan ko ang sinasabi ng Bibliya tungkol sa Diyos sa Awit 139:16: “Nakita ng iyong mga mata maging ang aking pagkabinhi, at sa iyong aklat ay nakatala ang lahat ng bahagi nito.” Bilang isang biochemist, pinag-aaralan ko ang henetikong impormasyon na nasa ating mga selula. Paano kaya nalaman ng salmista ang tungkol dito? Habang dumarami ang natututuhan ko sa Bibliya, lalo akong nakukumbinsi na ito’y mula sa Diyos.
Ano ang nakatulong sa iyo para maunawaan ang itinuturo ng Bibliya?
Inalok ako ng isang Saksi ni Jehova na mag-aral ng Bibliya. Sa wakas, natutuhan ko kung bakit pinahihintulutan ng Diyos ang pagdurusa. Nalaman ko rin na layunin ng Diyos na ‘lamunin ang kamatayan magpakailanman,’ gaya ng sinasabi ng Bibliya. (Isaias 25:8) Napakadali lang para sa ating Maylalang na paganahin nang di-nagmimintis ang kamangha-manghang mga sistema ng ating katawan para mabuhay tayo nang walang hanggan.
Paano mo ginamit ang kaalaman mo sa Bibliya para tulungan ang iba?
Naging Saksi ni Jehova ako noong 1995, at mula noo’y ibinabahagi ko na sa iba ang mga natututuhan ko sa Bibliya. Noong minsan, lumung-lumo ang isa kong kasamahan nang magpakamatay ang kapatid niyang lalaki. Itinuturo sa simbahan nila na hindi mapapatawad ng Diyos ang mga nagpapakamatay. Pero ipinakita ko sa kaniya ang pangako ng Bibliya na pag-asang pagkabuhay-muli. (Juan 5:28, 29) Tuwang-tuwa siyang malaman na nagmamalasakit sa atin ang Maylalang. Sa gayong mga pagkakataon, nadarama kong higit na kasiya-siya ang pagsasabi sa iba ng katotohanan mula sa Bibliya kaysa pag-usapan ang siyensiya!