TAMPOK NA PAKSA
Iwasang Mabiktima ng Krimen!
“Madalas, sinasamahan ako ng mga kaibigan ko sa paglalakad pauwi kapag gabi na. Pero isang gabi, pagód na pagód ako kaya nag-taxi na lang ako.
“Imbes na ihatid ako sa bahay, dumeretso ang drayber sa isang bakanteng lote at doon niya ako tinangkang gahasain. Sumigaw ako nang pagkalakas-lakas, at umatras siya. Nang lumapit siyang muli sa akin, sumigaw ako at tumakbo.
“Madalas kong isipin noon, ‘Paano ako matutulungan ng pagsigaw?’ Pero natuklasan kong epektibo pala ito!”—KARIN. *
SA MARAMING lupain, ang krimen ay isang panganib na laging nakaabang. Halimbawa, sa isang bansa, sinabi ng isang hukom: “Nakalulungkot, ang pinag-uusapan dito ay hindi kung mabibiktima ka, kundi kung kailan ka mabibiktima.” Sa ilang lugar, baka bihira ang krimen. Pero hindi dapat maging kampante dahil kung hindi mag-iingat ang isa, baka mabiktima siya.
Laganap man o hindi ang krimen sa inyong lugar, paano mo maiingatang ligtas ang sarili mo at ang iyong mga mahal sa buhay? Ang isa na puwede mong gawin ay ang sundin ang simulaing ito ng Bibliya: “Ang maingat na tao ay nakikita ang panganib at nanganganlong siya, ngunit ang mangmang na tao’y walang pinapansin kaya nagdurusa.” (Kawikaan 22:3, Ang Biblia—Bagong Salin sa Pilipino) Kaya naman, iminumungkahi ng mga pulis na gumawa ng kinakailangang pag-iingat para hindi mabiktima ng krimen.
Hindi lang pisikal na pinsala at pagkawala ng materyal na pag-aari ang masasamang resulta ng krimen. Mayroon din itong pangmatagalang epekto sa isip at emosyon ng maraming biktima. Kaya napakahalaga na gawin ang makakaya natin para mas makaiwas tayo sa krimen! Para magawa ito, isaalang-alang ang mga bagay na puwedeng gawin para maiwasan mong mabiktima ng apat na uri ng krimen—robbery, seksuwal na pagsalakay, cybercrime, at pagnanakaw ng identity.
ROBBERY
Ano ito? Ang paggamit ng dahas para makuha ang pag-aari ng iba.
Ano ang epekto nito sa mga tao? Matapos ang sunud-sunod na armadong nakawan sa Britanya, naobserbahan ng isang abogado na kahit hindi dumanas ng pisikal na pinsala ang mga biktima, lahat sila ay naapektuhan sa mental na paraan. “Ang ilan ay nagsabing balisa sila at hindi mapagkatulog,” ang sabi niya, “at halos lahat sila ay nagsabi na talagang naapektuhan ang kanilang pang-araw-araw na gawain dahil sa naranasan nila.”
Ano ang puwede mong gawin?
Maging mapagmasid. Laging nakaabang ang mga magnanakaw. Gusto nilang biktimahin ang mga walang kamalay-malay. Kaya maging mapagbantay sa iyong paligid at sa mga taong nagmamasid sa iyo. Iwasan ang paglalasing o pag-abuso sa droga para manatili kang alisto at makapagpasiya nang tama. “Kapag ang isa ay umiinom ng alak o nagdodroga,” mas nahihirapan siyang “mag-isip nang malinaw at makita ang isang posibleng panganib,” ang sabi ng isang ensayklopidiya sa kalusugan.
Ingatan ang iyong mga pag-aari. I-lock ang iyong sasakyan pati ang mga pinto at bintana ng inyong bahay. Huwag magpapasok ng hindi mo kakilala. Itago ang iyong mamahaling mga gamit; huwag ipagyabang ang mga ito. “Ang karunungan ay nasa mga mahinhin [o, mababang-loob],” ang sabi sa Kawikaan 11:2. Kadalasan, target ng mga magnanakaw—pati na ng mga batang desperado—ang mga taong nagyayabang ng kanilang mamahaling alahas at mga gadyet.
Humingi ng payo. “Ang lakad ng mangmang ay tama sa kaniyang sariling paningin, ngunit ang nakikinig sa payo ay marunong.” (Kawikaan 12:15) Kung nasa ibang lugar ka, makinig sa payo ng mga tagaroon, pati na ng mga awtoridad. Masasabi nila ang mga lugar na dapat iwasan at kung paano mo mapoprotektahan ang iyong sarili at ang iyong mga pag-aari.
SEKSUWAL NA PAGSALAKAY
Ano ito? Hindi lang ito panggagahasa, kasama rin dito ang iba pang uri ng seksuwal na gawaing nagsasangkot ng pagbabanta, paggamit ng puwersa, o pananakot.
Ano ang epekto nito sa mga tao? “Ang pinakamasaklap dito, nagdurusa ka hindi lang habang inaabuso ka,” ang sabi ng isang biktima ng panggagahasa. “Hindi mo ito malilimutan. Matagal itong babagabag sa iyo at babaguhin nito ang pananaw mo sa buhay at ang buhay ng mga minamahal mo.” Siyempre pa, walang kasalanan ang biktima sa nangyari sa kaniya. Kasalanan iyon ng nang-abuso.
Ano ang puwede mong gawin?
Huwag bale-walain ang kutob mo. “Kapag nag-aalangan ka o naaasiwa sa isang lugar o tao, umalis ka na,” ang payo ng isang departamento ng pulisya sa North Carolina, E.U.A. “Huwag kang magpapigil kapag iba na ang kutob mo.”
Kumilos nang may kumpiyansa; maging alisto sa nangyayari sa paligid. Target ng mga nambibiktima ang mga walang kamalay-malay at walang kalaban-laban. Kaya maglakad nang may kumpiyansa at maging alisto.
Kumilos agad. Sumigaw. (Deuteronomio 22:25-27) Tumakas ka o manlaban sa paraang hindi inaasahan ng rapist. At kung posible, tumakbo sa isang ligtas na lugar at tumawag ng pulis. *
CYBERCRIME
Ano ito? Ang cybercrime ay tumutukoy sa mga krimeng ginagawa online. Kasama rito ang pandaraya para makatanggap ng benepisyo, makaiwas sa pagbabayad ng tax, magamit ang credit card ng iba, at makatanggap ng bayad para sa mga produktong hindi naman nila ipinadadala. Kasali rin dito ang mga scam, gaya ng investment scam at mga auction scam sa Internet.
Ano ang epekto nito sa mga tao? Dahil sa cybercrime, bilyun-bilyong dolyar ang nakukuha sa mga biktima at sa lipunan. Pansinin ang isang halimbawa. Nakatanggap si Sandra ng e-mail na inakala niyang mula sa kaniyang bangko at nagsasabing i-update niya ang kaniyang personal na impormasyon online. Ilang minuto matapos niyang ipadala ang impormasyon, nagulat siya nang makita niyang $4,000 (U.S.) mula sa kaniyang account ang nailipat sa isang bangko sa ibang bansa. Noon nadiskubre ni Sandra na naloko siya.
Ano ang puwede mong gawin?
Mag-ingat! Huwag magpaloko sa mga Web site na mukhang propesyonal, at tandaan na ang mga lehitimong pinansiyal na institusyon ay hindi magsasabi sa iyo na i-e-mail ang kompidensiyal na mga impormasyon. Bago bumili ng produkto o mag-invest online, alamin ang reputasyon ng kompanya. “Ang sinumang walang-karanasan ay nananampalataya sa bawat salita, ngunit pinag-iisipan ng matalino ang kaniyang mga hakbang,” ang sabi ng Kawikaan 14:15. At maging maingat sa pakikipagtransaksiyon sa mga kompanyang nasa ibang bansa dahil mas mahihirapan ka kapag nagkaproblema.
Suriin ang kompanya at ang mga patakaran nito. Tanungin ang sarili: ‘Mayroon ba talagang opisina ang kompanyang ito? Tama ba ang numero ng kanilang telepono? Mayroon ba akong mga dagdag na babayaran? Kailan ipapadala ang order ko? Maisasauli ba ang produkto o maibabalik ang ibinayad ko?’
Magduda kung masyadong maganda ang alok. Ang mga sakim at ang mga gustong magkapera nang walang kahirap-hirap ang tinatarget ng mga manloloko sa Internet. Maaaring gamiting pang-akit ang malaking kita para sa kaunting trabaho, pagpapautang o credit card kahit hindi ka kuwalipikado, o mga investment na “garantisadong” may malaking tubo. “Huwag magmadali sa pagsusuri kung lehitimo ang isang iniaalok na investment,” ang sabi ng U.S. Federal Trade Commission (FTC). “Habang lumalaki ang ipinapangakong kita, lalo itong nagiging delikado. Huwag basta-basta mag-i-invest malibang natitiyak mong totoo ito.”
PAGNANAKAW NG IDENTITY
Ano ito? Sangkot dito ang ilegal na pagkuha at paggamit ng personal na impormasyon ng ibang tao para makapandaya o makagawa ng iba pang ilegal na gawain.
Ano ang epekto nito sa mga tao? Puwedeng gamitin ng mga magnanakaw ang identity mo para makakuha ng credit card, makapag-loan, o makapagbukas ng account. Tapos, mangungutang na sila nang mangungutang gamit ang pangalan mo! Kahit pa makansela mo ang mga utang na ito, maaaring matagal bago mawala ang masamang rekord mo sa pinansiyal na mga institusyon. “Apektado ang lahat kapag nasira ang reputasyon mo sa pinansiyal na mga institusyon—mas masaklap pa ito kaysa sa manakawan ka ng pera,” ang sabi ng isang biktima.
Ano ang puwede mong gawin?
Ingatan ang kompidensiyal na impormasyon. Kung namimili ka o gumagawa ng transaksiyon sa bangko online, regular na magpalit ng password, lalo na kung gumagamit ka ng pampublikong computer. At gaya ng nabanggit na, mag-ingat sa mga e-mail na humihingi ng kompidensiyal na impormasyon tungkol sa iyo.
Hindi lang computer ang ginagamit ng mga magnanakaw ng identity. Susubukan nila ang anumang paraan para makuha ang importanteng mga dokumento, gaya ng bank statement, checkbook, credit card, at social security number. Kaya ingatang mabuti ang mga ito, at punitin ang lahat ng mahahalagang dokumento bago itapon ang mga ito. Siyempre pa, kung kinukutuban ka na nawala o ninakaw ang isang dokumento, ireport ito agad.
I-monitor ang iyong mga account. “Ang pagkakaroon ng kabatiran ay mabisang proteksiyon laban sa . . . identity theft,” ang sabi ng FTC. Idinagdag pa nito, “Malaking tulong kung agad mong mahahalata na ninakaw ang identity mo.” Kaya regular na i-check ang mga account mo, at tingnan kung may kakaibang mga transaksiyon. Kung posible, humingi ng kopya ng iyong credit report mula sa isang mapagkakatiwalaang ahensiya, at alamin ang mga account at credit card na nasa pangalan mo.
Sa ngayon, walang garantiya na hindi mabibiktima ang isa. Kahit ang mga taong maingat ay nabibiktima rin. Pero laging may pakinabang sa pagsunod sa karunungang nasa Bibliya. “Huwag mo itong iwanan, at iingatan ka nito. Ibigin mo, at ipagsasanggalang ka nito.” (Kawikaan 4:6) Higit pa riyan, nangangako ang Bibliya na magwawakas ang krimen.
Wakas ng Krimen, Malapit Na!
Bakit tayo makatitiyak na wawakasan ng Diyos ang krimen? Isaalang-alang ang sumusunod:
Gusto ng Diyos na wakasan ang krimen. “Ako, si Jehova, ay umiibig sa katarungan, napopoot sa pagnanakaw at sa kalikuan.”—Isaias 61:8.
May kapangyarihan siyang wakasan ang krimen. “Siya ay dakila sa kapangyarihan. Siya ay makatuwiran at makatarungan at mabuti.”—Job 37:23, New Life Version.
Nangako siya na lilipulin niya ang masasama at ililigtas ang mga matuwid. “Ang mga manggagawa ng kasamaan ay lilipulin.” “Ang mga matuwid ang magmamay-ari ng lupa, at tatahan sila roon magpakailanman.”—Awit 37:9, 29.
Nangako siya sa kaniyang mga matapat na magkakaroon ng isang mapayapang bagong sanlibutan. “Ang maaamo ang magmamay-ari ng lupa, at makasusumpong nga sila ng masidhing kaluguran sa kasaganaan ng kapayapaan.”—Awit 37:11.
Naaantig ba ang puso mo sa mga salitang iyan? Kung oo, inaanyayahan ka naming pag-aralan ang Bibliya para higit ka pang matuto tungkol sa layunin ng Diyos para sa mga tao. Walang papantay sa praktikal na karunungang nasa Bibliya. At walang ibang aklat ang makapagbibigay ng tiyak na pag-asa na mawawala na ang krimen sa hinaharap. *
^ par. 5 Binago ang mga pangalan.
^ par. 22 Kilala ng karamihan sa mga biktima ang nang-abuso sa kanila. Para sa higit pang impormasyon, tingnan ang “Paano Ko Mapoprotektahan ang Sarili Ko sa Seksuwal na Pang-aabuso?” sa pahina 228 ng aklat na Ang mga Tanong ng mga Kabataan—Mga Sagot na Lumulutas, Tomo 1. Ang aklat na ito ay mababasa online sa www.ps8318.com/tl.
^ par. 44 Higit pang impormasyon tungkol sa mahahalagang turo ng Bibliya ang mababasa sa aklat na Ano ba Talaga ang Itinuturo ng Bibliya? Humiling ng isang libreng kopya sa mga Saksi ni Jehova, o basahin ito online sa www.ps8318.com/tl.