MAY NAGDISENYO BA NITO?
Ang Palikpik ng Balyenang Humpback
ANG adultong balyenang humpback ay mas malaki at mas mabigat kaysa sa isang bus. Pero kahanga-hanga ang liksi ng dambuhalang mamalyang ito kapag nagda-dive at lumalangoy sa tubig. Bakit napakaliksing lumangoy ng balyenang humpback? Ang isang dahilan ay ang mga uka sa kaniyang palikpik.
Pag-isipan ito: Ang unahang gilid ng mga palikpik ng karamihan sa mga balyena at iba pang cetacean ay makinis. Pero iba ang sa balyenang humpback dahil mayroon itong malalaking uka (tinatawag na mga tubercle). Kapag lumalangoy ang humpback, ang tubig ay dumaraan sa mga uka at nababasag kung kaya nakalilikha ng maraming vortex. Nakokontrol ng mga uka ang daloy ng tubig anupat lumilikha ng alimpuyo. Dahil sa nagagawang ito ng mga tubercle, mas mabilis na nakalalangoy paitaas ang balyena, anupat naiaangat niya nang husto ang kaniyang mga palikpik nang hindi bumabagal ang kaniyang paglangoy. Nakakabawas din ito sa paghatak ng tubig, na malaking bentaha para sa mahahabang palikpik ng balyena, na bawat isa’y mga sangkatlo ng haba ng kaniyang katawan.
Pinag-aaralan ng mga mananaliksik kung paano magagamit ang konseptong ito para makagawa ng mas mahuhusay na timon ng barko, turbinang pinaaandar ng tubig, windmill, at elisi ng helikopter.
Ano sa palagay mo? Ang palikpik ba ng balyenang humpback ay resulta ng ebolusyon? O may nagdisenyo nito?