INTERBYU | DAVEY LOOS
Ang Paniniwala ng Isang Biochemist
Si Dr. Davey Loos ay isang biochemist sa Belgium. Dati, duda siya sa pag-iral ng Maylalang at naniniwala siya sa ebolusyon. Pero nang maglaon, nagbago ang isip ng mananaliksik na ito tungkol sa pinagmulan ng buhay. Bakit? Ininterbyu ng Gumising! si Dr. Loos tungkol sa kaniyang espesyalisasyon at paniniwala.
Bakit mo nagustuhang magsaliksik tungkol sa siyensiya?
Sa unibersidad, pinili kong pag-aralan ang chemistry. Manghang-mangha ako sa mga protein at nucleic acid, na pinakakomplikadong mga molekula sa lupang ito. Nang maglaon, nagkainteres ako sa epekto ng sikat ng araw sa ilang molekula.
Naniniwala ka ba noon sa Diyos?
Oo, noong bata pa ako. Pero nang mag-aral ako sa Catholic University of Leuven, itinuro sa amin na nagkaroon ng disenyo ang mga buháy na bagay dahil sa natural na mga proseso ng ebolusyon. Pinalitaw ng mga propesor na komplikado ang ilan sa mga prosesong ito. Dahil makaranasang mga siyentipiko sila, naniwala ako. Nang bandang huli, nahirapan na akong maniwalang may Diyos.
Bakit nagbago ang isip mo tungkol sa pinagmulan ng buhay?
Noong 1999, nagkita kami ng kababata ko na isa nang Saksi ni Jehova, at dumalo ako sa isa sa mga pulong nila. Nang panahon ding iyon, may Saksi ni Jehova na pumunta sa bahay namin at nag-iwan ng aklat na Is There a Creator Who Cares About You? *
Ano ang masasabi mo tungkol sa aklat?
Hangang-hanga ako sa pagsasaliksik na nasa aklat. Pinag-isip ako nito kung ebolusyon nga ba ang dahilan ng mga disenyo sa kalikasan.
Anong mga disenyo sa kalikasan ang hinangaan mo?
Bilang biochemist, pinag-aaralan ko ang disenyo ng ilang molekulang matatagpuan sa cyanobacteria. Ang mga ito ay mga microorganism sa dagat na hindi umaasa sa ibang mga buháy na bagay para sa pagkain. Ipinapalagay ng ilang mananaliksik na ang mga organismong ito ang kauna-unahang mga buháy na bagay sa lupa. Gamit ang enerhiya mula sa sikat ng araw, ang mga mikrobyong ito ay gumagamit ng isang napakakomplikadong proseso, na hindi pa lubusang nauunawaan hanggang ngayon, para gawing pagkain ang tubig at carbon dioxide. Namangha rin ako sa husay ng cyanobacteria sa pagsagap ng liwanag.
Gumagamit din naman ng sikat ng araw ang mga dahon para gumawa ng pagkain. Kaya ano ang kahanga-hanga sa mga baktiryang iyon?
Habang palalim nang palalim ang dagat, paunti naman nang paunti ang liwanag. Kaya dapat masagap ng cyanobacteria doon ang bawat katiting na enerhiya ng liwanag. Nagagawa nila ito gamit ang kanilang napakasopistikadong mga antena. Ang naipong enerhiya ay halos 100-porsiyentong naililipat sa mga gawaan ng pagkain. Ang kakayahang ito sa pagsagap ng liwanag ay nakatawag pa nga ng pansin ng mga gumagawa ng solar panel. Pero siyempre pa, walang sinabi ang mga ginawa nilang solar cell kumpara sa sistemang nasa mga baktirya.
Ano ang naging konklusyon mo?
Naisip ko ang pagsisikap ng mga inhinyero na gayahin ang kahanga-hangang mga mekanismong nasa mga buháy na bagay, at nakumbinsi akong Diyos nga ang nagdisenyo ng buhay
Naisip ko ang pagsisikap ng mga inhinyero na gayahin ang kahanga-hangang mga mekanismong nasa mga buháy na bagay, at nakumbinsi akong Diyos nga ang nagdisenyo ng buhay. Pero hindi lang siyensiya ang basehan ng paniniwala ko. Salig din ito sa maingat na pag-aaral ng Bibliya.
Ano ang nakakumbinsi sa iyo na ang Bibliya ay mula sa Diyos?
Ang isa ay ang detalyadong katuparan ng mga hula sa Bibliya. Halimbawa, maraming siglo patiuna, detalyadong inilarawan ni Isaias kung paano mamamatay at ililibing si Jesus. Alam nating isinulat ang hulang ito bago ang kamatayan ni Jesus dahil ang Isaiah Scroll, na natagpuan sa Qumran, ay kinopya mga sandaang taon bago ipanganak si Jesus.
Sinasabi sa hula: “Ang kaniyang dakong libingan ay gagawin niyang kasama nga ng mga balakyot, at kasama ng mga uring mayaman sa kaniyang kamatayan.” (Isaias 53:9, 12) Kapansin-pansin, si Jesus ay pinatay kasama ng mga kriminal pero inilibing sa libingan ng isang mayamang pamilya. Isa lang ito sa maraming natupad na hula na nakakumbinsi sa akin na ang Bibliya ay kinasihan ng Diyos. (2 Timoteo 3:16) Nang bandang huli, naging Saksi ni Jehova ako.
Ano ang nae-enjoy mo sa pagiging Saksi ni Jehova?
Ang aming pananampalataya ay may basehan sa siyensiya
Ang aming pananampalataya ay may basehan sa siyensiya. At ang mga simulaing sinusunod namin ay matibay na nakasalig sa Bibliya. Bilang Saksi ni Jehova, nag-e-enjoy akong sabihin sa iba ang nakaaaliw na mensahe ng Bibliya at tulungan silang makita ang sagot sa kanilang mga tanong.
^ par. 9 Inilalathala ng mga Saksi ni Jehova.