Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

 INTERBYU | ELDAR NEBOLSIN

Ang Paniniwala ng Isang Classical Pianist

Ang Paniniwala ng Isang Classical Pianist

Si Eldar Nebolsin na taga-Uzbekistan ay isang kilaláng piyanista sa daigdig. Nakatugtog na siya bilang soloista kasama ng mga orkestra sa London, Moscow, St. Petersburg, New York, Paris, Rome, Sydney, Tokyo, at Vienna. Lumaki si Eldar sa Unyong Sobyet bilang ateista. Pero nang maglaon, napatunayan niyang ang tao ay gawa ng isang maibiging Maylalang. Ininterbyu siya ng Gumising! tungkol sa kaniyang musika at paniniwala.

Paano ka naging piyanista?

Parehong piyanista ang mga magulang ko. Sinimulan nila akong turuan noong limang taon ako. Nang maglaon, nag-aral ako sa advanced school of music sa Tashkent.

Ano ang mga hamon sa pagtugtog kasama ng orkestra?

Iba-iba ang bawat orkestra. Ang mga ito ay parang malalaking instrumento sa musika na “tinutugtog” ng kani-kanilang konduktor. Siguro, ang pinakamalaking hamon para sa isang soloista ay ang balanseng inter-aksiyon sa konduktor. Para itong pag-uusap ng magkaibigan—sa halip na isa lang ang laging nagsasalita, kailangan nilang magbigayan. Kadalasan, mayroon lang silang isa o dalawang rehearsal para mabuo ang ugnayang iyon.

Gaano ka katagal magpraktis?

Mga tatlong oras sa isang araw—at hindi lang para praktisin ang mahihirap na bahagi. Pinag-aaralan ko rin ang pagkakagawa ng piyesa, nang hindi muna ito tinutugtog. Pinakikinggan ko rin ang iba pang musika ng kompositor para mas maintindihan ko ang piyesang tutugtugin ko.

Para sa iyo, ano ang katangian ng isang mahusay na piyanista?

Kaya niyang “pakantahin” ang piyano. Ganito iyan. Ang piyano ay isang uri ng percussion instrument. Pagkatipa sa teklado, unti-unti nang hihina ang tunog nito—di-gaya ng mga wind instrument o ng boses ng tao, na puwedeng pahabain o palakasin pa nga ang tunog. Hamon sa piyanista na panatilihin ang lakas ng tunog ng isang nota. Ginagawa niya ito sa pamamagitan ng banayad na paggalaw ng kaniyang mga kamay at daliri, kasali na ang tamang pagtapak sa kanang pedal, na nagpapahaba sa  tunog ng nota at nagpapabago sa timbre nito. Kapag na-master ng piyanista ang mahihirap na teknik na ito, mapatutunog niya ang piyano na parang flute, horn, o orkestra pa nga. Mapatutunog din niya ito na parang boses ng tao—ang pinakamahusay na instrumento sa musika.

Talagang napakahilig mo sa musika.

Para sa akin, sa pamamagitan ng musika, maitatawid mo at mapupukaw ang mga damdaming mahirap o imposibleng ipahayag sa salita.

Paano ka naman nagkainteres na mag-aral ng Bibliya?

Sa bahay namin, napakaraming aklat ang iniuuwi ni Itay mula sa Moscow. Ang isang aklat na nagustuhan ko ay may mga kuwento ng Bibliya tungkol sa pasimula ng kasaysayan at mga karanasan ng mga Israelita. Nakita ko rin ang aklat na Maaari Kayong Mabuhay Magpakailanman sa Paraiso sa Lupa, na inilathala ng mga Saksi ni Jehova. * Humanga ako sa malinaw na pagkakaharap nito sa mga turo ng Bibliya. Nang pumunta ako sa Spain noong 1991 para mag-aral ng musika, dinala ko ang aklat na iyon at ilang beses kong binasa. Natuklasan ko ang isang pananampalatayang hindi lang salig sa emosyon kundi sa mahusay na pangangatuwiran at nakakakumbinsing ebidensiya.

Sa lahat ng turo, nagkainteres ako sa pangako ng Bibliya na puwedeng mabuhay magpakailanman sa lupa ang mga tao. Talagang makatuwiran iyan! Siyanga pala, wala pa akong nakakausap na Saksi ni Jehova noon. Pero ang sabi ko sa sarili ko, ’pag may nakausap akong Saksi, magpapaturo ako ng Bibliya.

Paano mo natagpuan ang mga Saksi?

Ilang araw matapos kong sabihin iyon, nakakita ako ng dalawang babae na may dalang Bibliya. ‘Katulad sila ng mga taong nabasa ko sa aklat,’ ang naisip ko. ‘Nangangaral sila gaya ng mga Kristiyano noong panahon ng Bibliya.’ Di-nagtagal, nakipag-aral na ako ng Bibliya sa isang Saksi. Sa ngayon, ang talagang nagpapasaya sa akin ay ang pagtulong sa iba na matuto tungkol sa ating Maylalang.

Dati kang ateista. Ano ang nakakumbinsi sa iyo na maniwala sa Maylalang?

Ang musika. Halos lahat ng tao, nasisiyahan sa musika—sa paraang di-kayang gawin ng mga hayop. Sa musika, puwedeng ipahayag ang saya, pagtitiwala, pagmamahal, at halos lahat ng iba pang damdamin. Likas sa atin na sumunod sa indayog ng musika. Pero kailangan ba natin ang musika para mabuhay? May papel ba ito sa itinuturo ng mga ebolusyonista na “matira ang matibay”? Sa tingin ko, wala. Para sa ’kin, kamangmangang isipin na ang utak ng tao—na may kakayahang lumikha at masiyahan sa musikang tulad ng kina Mozart at Beethoven—ay produkto ng ebolusyon. Mas makatuwirang isipin na ito ay gawa ng isang matalino at maibiging Maylalang.

Ang Bibliya ay parang isang symphony na napakaganda ng pagkakagawa, napakahusay ng areglo, at may nakaaantig na mensahe para sa sangkatauhan

Ano ang nakakumbinsi sa iyo na ang Bibliya ay mula sa Diyos?

Ang Bibliya ay koleksiyon ng 66 na maliliit na aklat na isinulat ng mga 40 lalaki sa loob ng mga 1,600 taon. Naitanong ko sa sarili ko, ‘Sino ang nangasiwa sa pagsulat ng nagkakasuwatong obra maestrang ito?’ Ang tanging makatuwirang sagot ay ang Diyos. Para sa ’kin, ang Bibliya ay parang isang symphony na napakaganda ng pagkakagawa, napakahusay ng areglo, at may nakaaantig na mensahe para sa sangkatauhan.

^ par. 15 Sa ngayon, ginagamit ng mga Saksi ni Jehova sa pagtuturo ng Bibliya ang aklat na Ano ba Talaga ang Itinuturo ng Bibliya? Makikita ito sa www.ps8318.com/tl.