INTERBYU | FENG-LING YANG
Ang Paniniwala ng Isang Microbiologist
Si Feng-Ling Yang ay isang senior research assistant sa central research academy sa Taipei, Taiwan. Ang kaniyang mga akda ay nailathala na sa mga babasahin tungkol sa siyensiya. Dati, naniniwala siya sa teoriya ng ebolusyon. Pero hindi na ngayon. Ininterbyu siya ng Gumising! tungkol sa kaniyang espesyalisasyon at paniniwala.
Kuwentuhan mo kami ng ilang bagay tungkol sa iyo.
Napakahirap ng pamilya namin, at hindi marunong bumasa ang nanay ko. Nag-aalaga kami ng baboy at nagtatanim ng gulay sa isang lugar na laging binabaha, malapit sa lunsod ng Taipei. Itinuro sa amin ng mga magulang namin ang kahalagahan ng kasipagan. Tinuruan din nila kaming tumulong sa ibang tao.
Relihiyoso ba ang pamilya ninyo?
Taoismo ang relihiyon ng pamilya namin. Naghahain kami sa “Diyos Langit,” pero wala kaming kaalam-alam tungkol sa kaniya. Iniisip ko noon: ‘Bakit nagdurusa ang mga tao? Bakit may mga taong makasarili?’ Nagbasa ako ng mga libro tungkol sa Taoismo at Budismo at tungkol sa kasaysayan ng Silangan at Kanluran. Nag-attend pa nga ako sa ibang relihiyon. Pero hindi nasagot ang mga tanong ko.
Bakit ka nag-aral ng siyensiya?
Mahilig kasi ako sa matematika at hangang-hanga ako sa pisikal at kemikal na mga batas na umuugit sa kayarian ng mga bagay-bagay. Ang lahat, mula sa napakalaking uniberso hanggang sa napakaliliit na mikrobyo, ay may kayariang kontrolado ng mga batas. Gusto kong maintindihan ang mga batas na iyon.
Bakit ka naniwala na totoo ang teoriya ng ebolusyon?
Wala kasing ibang itinuro sa akin. Mula junior high school hanggang unibersidad, ebolusyon lang ang tanging paliwanag na narinig ko. At dahil isa akong mananaliksik sa isang life science, dapat lang na tanggapin ko ang ebolusyon.
Dahil isa akong mananaliksik sa isang life science, dapat lang na tanggapin ko ang ebolusyon
Bakit ka nagkainteres na magbasa ng Bibliya?
Noong 1996, pumunta ako sa Germany para sa aking postgraduate studies. Nang sumunod na taon, nakilala ko ang isang babaing nagngangalang Simone. Saksi ni Jehova siya, at nag-alok siyang ipakita ang sagot ng Bibliya sa mga tanong ko. Nang sabihin niyang ipinaliliwanag ng Bibliya ang layunin ng buhay, naintriga ako. Araw-araw, gumigising ako nang alas-kuwatro y medya para magbasa ng Bibliya sa loob ng isang oras. Pagkatapos, maglalakad-lakad ako para magbulay-bulay. Nang sumunod na taon, natapos ko ang buong Bibliya. Humanga ako dahil tama ang mga hula nito. Unti-unti akong nakumbinsi na ang Bibliya ay mula sa Diyos.
Ano ang iniisip mo noon tungkol sa pinagmulan ng buhay?
Sinimulan ko itong seryosong pag-isipan noong papatapos na ang dekada ’90. Nang panahong iyon, nagsisimula nang maunawaan ng mga molecular biologist na mas masalimuot pala ang kemistring may kinalaman sa nabubuhay na mga bagay. Siyempre pa, matagal nang alam ng mga siyentipiko na ang mga protinang nasa buháy na mga selula ang pinakamasalimuot na molekula. Pero ngayon, natuklasan nila na ang kalipunan ng mga protina ay organisado na parang mahuhusay na makinang may gumagalaw na mga piyesa. Ang isang makina ng mga molekula ay maaaring binubuo ng mahigit 50 protina. At kahit ang pinakasimpleng selula ay nangangailangan ng iba’t ibang makina
Ano ang naging konklusyon mo?
Tinanong ko ang sarili ko, ‘Bakit napakahusay ng disenyo ng mga makinang iyon ng protina?’ Nang panahong iyon, iyan din ang tanong ng maraming siyentipiko dahil hindi nila inaasahan na ganoon pala kasalimuot ang selula. Isang propesor ng biochemistry sa Estados Unidos ang naglathala ng aklat na nagsasabing napakasalimuot ng mga makina ng molekula sa buháy na mga selula kung kaya hindi puwedeng nagkataon lang ang mga ito. Sang-ayon ako diyan. Naniniwala akong tiyak na may lumalang sa buhay.
Tinanong ko ang sarili ko, ‘Bakit napakahusay ng disenyo ng mga makinang iyon ng protina?’
Bakit ka naging Saksi ni Jehova?
Humanga ako kay Simone dahil kahit may problema siya sa kalusugan, naglalakbay siya nang mga 56 na kilometro linggu-linggo para turuan ako ng Bibliya. Nalaman ko rin na noong panahon ng mga Nazi sa Germany, may mga Saksing ibinilanggo sa mga kampong piitan dahil sa kanilang neutralidad. Humanga ako sa kanilang lakas ng loob. Ganiyan nila kamahal ang Diyos, at gusto ko silang tularan.
Paano nakatulong sa iyo ang paniniwala sa Diyos?
Sabi ng mga katrabaho ko, mas masaya raw ako ngayon. Dati, mababa ang tingin ko sa sarili ko dahil galing ako sa mahirap na pamilya. Kaya naman hindi ko ipinagsasabi kung tagasaan ako at hindi ko rin ikinukuwento ang mga magulang ko. Pero natutuhan ko sa Bibliya na hindi interesado ang Diyos sa katayuan natin sa lipunan. Sa katunayan, si Jesus ay lumaki sa pamilyang malamang na kasinghirap ng pamilya namin. Ngayon, inaalagaan ko na ang mga magulang ko at natutuwa akong ipakilala sila sa mga kaibigan ko.