Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

 TAMPOK NA PAKSA | BAKIT PA KAILANGANG MABUHAY?

Dahil Nagbabago ang mga Bagay-bagay

Dahil Nagbabago ang mga Bagay-bagay

“Ginigipit kami sa bawat paraan, ngunit hindi nasisikipan anupat hindi na makakilos; naguguluhan kami, ngunit hindi lubos na walang malabasan.”2 CORINTO 4:8.

Ang pagpapakamatay ay tinaguriang “isang permanenteng solusyon sa pansamantalang problema.” Bagaman parang imposibleng mangyari, ang isang nakapanlulumong sitwasyon—maging ang isa na parang hindi mo kontrolado—ay baka pansamantala lang. Sa katunayan, puwede itong magbago nang di-inaasahan.—Tingnan ang kahong  “Nagbago ang Kanilang Kalagayan.”

Kung hindi man mangyari iyan, mas mabuting harapin ang iyong mga problema sa bawat araw. “Huwag kayong mabalisa tungkol sa susunod na araw,” ang sabi ni Jesus, “sapagkat ang susunod na araw ay magkakaroon ng sarili nitong mga kabalisahan. Sapat na para sa bawat araw ang sarili nitong kasamaan.”Mateo 6:34.

Pero paano kung hindi na mababago ang iyong kalagayan? Halimbawa, mayroon kang sakit na wala nang lunas. O paano kung nanlulumo ka dahil naghiwalay kayong mag-asawa o namatay ang isang mahal mo sa buhay?

Kahit sa ganiyang mga kalagayan, may isang bagay na puwede mong baguhin: ang pangmalas mo sa sitwasyon. Kung matututuhan mong tanggapin ang isang kalagayang hindi mo mababago, malamang na maging positibo ang pangmalas mo sa mga bagay-bagay. (Kawikaan 15:15) Mas malamang din na maghanap ka ng paraan para mapagtiisan mo ang sitwasyon sa halip na basta tapusin na lang ang lahat. Ang resulta? Unti-unti mong makokontrol ang isang sitwasyon na sa tingin mo’y hindi mo kontrolado.Job 2:10.

TANDAAN: Hindi mo maaakyat ang isang bundok sa isang hakbang; pero maaakyat mo ito sa paisa-isang hakbang. Magagawa mo rin iyan sa mga problemang napapaharap sa iyo, kahit parang gabundok ang mga ito.

ANG PUWEDE MONG GAWIN NGAYON: Ipakipag-usap sa iba—marahil sa isang kaibigan o kapamilya—ang iyong problema. Baka matulungan ka niyang magkaroon ng mas timbang na pangmalas.Kawikaan 11:14.