MAY NAGDISENYO BA NITO?
Ang Pakpak ng Paruparo
ANG mga pakpak ng paruparo ay napakarupok. Sa katunayan, málagyan lang ito ng pagkaliliit na alikabok o mga patak ng halumigmig, mahihirapan nang makalipad ang paruparo. Pero ang mga pakpak ay nananatiling malinis at tuyo. Ano kaya ang sekreto nito?
Pag-isipan ito: Pinag-aralan ng mga mananaliksik sa Ohio State University ang paruparong Giant Blue Morpho (Morpho didius). Natuklasan nila na kahit makinis tingnan ang pakpak ng paruparo, ang ibabaw nito ay nababalutan ng pagkaliliit at patong-patong na kaliskis na parang mga tisa sa bubong. Ang mga kaliskis na ito ay mayroon namang mas maliliit pang uka na magkakahilera kung kaya gumugulong agad ang dumi o mga patak ng tubig. Gusto itong gayahin ng mga inhinyero para makagawa sila ng high-tech na mga coating para sa mga kagamitang pang-industriya o pangmedisina na di-tinatablan ng dumi at tubig.
Ang pakpak ng paruparo ay isa na namang halimbawa kung paanong sinisikap ng siyensiya na gayahin ang mga disenyo ng nabubuhay na mga bagay. “Ang kalikasan ay punong-puno ng kamangha-manghang mga bagay sa larangan ng inhinyeriya, mula sa pinakamaliit hanggang sa pinakamalaking antas, na daan-daang taon nang nagbibigay ng inspirasyon sa tao,” ang sabi ng mananaliksik na si Bharat Bhushan.
Ano sa palagay mo? Ang pakpak ba ng paruparo ay resulta ng ebolusyon? O may nagdisenyo nito?