MAY NAGDISENYO BA NITO?
Ang Pakpak ng Paruparo na Sumasagap ng Liwanag
PARA mabawasan ang pagdepende ng tao sa mga fossil fuel, sinisikap ng mga siyentipiko na mapahusay ang kakayahan ng mga solar collector, mga aparatong nag-iipon ng liwanag ng araw. “Ang solusyon sa problemang ito,” ang sabi ng isang siyentipiko, “ay maaaring . . . lumilipad-lipad lang sa harapan natin.”
Pag-isipan ito: Para mapanatiling mainit ang kanilang katawan kapag malamig ang panahon, ibinubuka ng mga paruparo ang kanilang pakpak sa init ng araw. Ang pakpak ng ilang uri ng swallowtail ay napakahusay sumaló at sumagap ng sikat ng araw. Ang sekreto ng mga ito ay hindi lang nasa maitim na kulay nila kundi nasa kayarian din ng pagkaliliit at patong-patong na kaliskis na nakabalot sa kanilang pakpak. Ang mga kaliskis naman ay may hanay ng mga butas na parang bahay-pukyutan, na pinaghihiwalay ng mga ridge na parang baligtad na hugis-V na sumasagap ng liwanag papasók sa mga butas. Sinasalo ng napakahusay na kayariang ito ang sikat ng araw kung kaya napakaitim ng mga pakpak ng paruparo at mainit ang kanilang katawan.
“Ang mga pakpak ng paruparo ay maaaring kabilang sa pinakamarurupok na kayarian sa kalikasan,” ang sabi ng Science Daily, “pero malaking inspirasyon ang mga ito sa mga mananaliksik para makagawa ng teknolohiyang magpapadoble sa produksiyon ng hydrogen gas—isang fuel na di-gaanong nakasasamâ sa kapaligiran—mula sa tubig at sikat ng araw.” Ang iba pang mapaggagamitan nito ay ang optikal na mga instrumento at mga solar cell.
Ano sa palagay mo? Ang kayarian ba ng pakpak ng paruparo na sumasagap ng liwanag ay resulta ng ebolusyon? O may nagdisenyo nito?