ANG PANGMALAS NG BIBLIYA
Pagsusugal
Para sa ilan, ang pagsusugal ay simpleng libangan lang, pero para sa iba, isa itong masamang bisyo.
May masama ba sa pagsusugal?
ANG SINASABI NG MGA TAO
Para sa marami, ang pagsusugal ay katuwaan lang, basta’t legal ito. Ang ilang uri ng legal na sugal, gaya ng mga loteryang iniisponsor ng gobyerno, ay nakakalikom ng pondo para sa mga programang pampubliko.
ANG SABI NG BIBLIYA
Hindi partikular na binabanggit sa Bibliya ang pagsusugal. Pero may mga simulain dito na nagpapakita ng pangmalas ng Diyos sa pagsusugal.
Ang tunguhin ng pagsusugal—pananalo sa pagkatalo ng iba—ay salungat sa babala ng Bibliya na “iwasan ang bawat uri ng kasakiman.” (Lucas 12:15, Biblia ng Sambayanang Pilipino) Ang totoo, kasakiman ang nasa likod ng pagsusugal. Ang mga nagpapasugal ay nag-aalok ng malalaking jackpot, pero itinatago nila ang katotohanan na napakaliit lang ng tsansang manalo. Alam kasi nila na dahil sa pangarap na yumaman, ang mga nagsusugal ay pupusta nang malaki sa casino. Kaya sa halip na tulungang umiwas sa kasakiman, ibinubuyo ng pagsusugal ang mga tao na pangaraping magkapera nang walang kahirap-hirap.
Ang pagsusugal ay udyok ng makasariling hangarin: ang mapanalunan ang perang naipatalo ng iba. Pero hinihimok tayo ng Bibliya: “Patuloy na hanapin ng bawat isa, hindi ang kaniyang sariling kapakinabangan, kundi yaong sa ibang tao.” (1 Corinto 10:24) At ganito ang sabi ng isa sa Sampung Utos: “Huwag mong nanasain . . . ang anumang bagay na pag-aari ng iyong kapuwa.” (Exodo 20:17) Kapag ang isang nagsusugal ay determinadong manalo, para na rin siyang umaasa na matalo ang iba para makinabang siya.
Nagbababala rin ang Bibliya na huwag nating ituring ang suwerte bilang mahiwagang puwersa na makapagbibigay ng biyaya. Sa sinaunang Israel, may mga nawalan ng pananampalataya sa Diyos at nagsimulang ‘mag-ayos ng mesa para sa diyos ng Suwerte.’ Nalugod ba ang Diyos sa debosyon nila sa “diyos ng Suwerte”? Hindi. Sinabi niya sa kanila: “Patuloy ninyong ginawa ang masama sa aking paningin, at ang bagay na hindi ko kinalugdan ay pinili ninyo.”—Isaias 65:11, 12.
Totoo na sa ilang bahagi ng mundo, ginagamit ng mga gobyerno ang kinikita sa legal na pagsusugal para sa edukasyon, pagpapasulong ng ekonomiya, at iba pang programa. Pero hindi niyan mababago ang pinanggalingan ng pondong iyon—mga gawain na lantarang nagtataguyod ng kasakiman at pagkamakasarili at ng ideya na magkamit ng mga bagay na hindi naman pinaghirapan.
“Huwag mong nanasain . . . ang anumang bagay na pag-aari ng iyong kapuwa.”—Exodo 20:17.
Ano ang masasamang epekto ng pagsusugal?
ANG SABI NG BIBLIYA
Nagbababala ang Bibliya na “yaong mga determinadong maging mayaman ay nahuhulog sa tukso at sa silo at sa maraming hangal at nakasasakit na mga pagnanasa, na nagbubulusok sa mga tao sa pagkapuksa at pagkapahamak.” (1 Timoteo 6:9) Kasakiman ang ugat ng pagsusugal, at napakasama nito kung kaya itinala ng Bibliya ang “kasakiman” kasama ng mga bagay na dapat nating iwasan.—Efeso 5:3.
Dahil ang pagsusugal ay nakapokus sa pangarap na biglang-yaman, pinasisidhi nito ang pag-ibig sa salapi—na ayon sa Bibliya ay “ugat ng lahat ng uri ng nakapipinsalang mga bagay.” Ang isang tao ay puwedeng madaig ng paghahangad ng salapi, na mauuwi sa labis na kabalisahan at pagkasira ng kaugnayan sa Diyos. Sinasabi ng Bibliya na parang ‘sinasaksak’ ng mga nabiktima ng pag-ibig sa salapi ‘ang kanilang sarili ng maraming kirot.’—1 Timoteo 6:10.
Ang kasakiman ay humahantong sa pagiging di-kontento, kung kaya ang mga tao ay hindi nasisiyahan sa kanilang katayuan sa buhay at hindi maligaya. “Ang maibigin sa pilak ay hindi masisiyahan sa pilak, ni ang sinumang maibigin sa yaman ay masisiyahan sa kita.”—Eclesiastes 5:10.
Milyon-milyong naakit magsugal ang naging sugapa rito nang maglaon. Laganap ang problemang ito, kung kaya sa Estados Unidos pa lang, tinatayang milyon-milyon na ang adik sa pagsusugal.
Sinasabi ng isang kawikaan: “Ang mana [na] nakukuha sa pamamagitan ng kasakiman sa pasimula . . . ay hindi pagpapalain.” (Kawikaan 20:21) Dahil sa pagkasugapa sa pagsusugal, marami ang nabaon sa utang o nabangkarote pa nga, nawalan ng trabaho, at nasira ang kaugnayan sa mga kapamilya at kaibigan. Ang pagsunod sa mga simulain ng Bibliya ay tutulong sa isa na maiwasan ang masasamang epekto na idudulot ng pagsusugal sa kaniyang buhay at kaligayahan.
“Yaong mga determinadong maging mayaman ay nahuhulog sa tukso at sa silo at sa maraming hangal at nakasasakit na mga pagnanasa, na nagbubulusok sa mga tao sa pagkapuksa at pagkapahamak.”—1 Timoteo 6:9.