Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

TAMPOK NA PAKSA

DNA—Ang Aklat ng Buhay!

DNA—Ang Aklat ng Buhay!

NOONG 1953, inilathala ng mga molecular biologist na sina James Watson at Francis Crick ang isang tuklas na napakahalaga sa pagkaunawa natin tungkol sa buhay. Natuklasan nila ang double-helix na kayarian ng DNA, o deoxyribonucleic acid. * Ang tulad-sinulid na substansiyang ito—karaniwang matatagpuan sa nucleus ng mga selula—ay naglalaman ng naka-encode, o “nakasulat,” na impormasyon. Kaya masasabing ang DNA ay ang aklat ng buhay. Dahil sa kahanga-hangang tuklas na ito, nagsimula ang isang bagong panahon sa biyolohiya! Pero para saan nga ba ang “nakasulat” na impormasyon sa mga selula? At ang mas nakapagtataka, paano iyon napunta roon?

BAKIT KAILANGAN NG MGA SELULA ANG IMPORMASYON?

Naisip mo na ba kung paano nagiging puno ang isang buto o kung paano nagiging tao ang isang pertilisadong itlog? O kung paano mo namana ang iyong pisikal na mga katangian? Ang sagot ay may kinalaman sa impormasyong nasa DNA.

Halos lahat ng selula ay may DNA—masalimuot na mga molekula na parang mahahaba at paikot na mga hagdan. Sa ating genome, o kumpletong set ng DNA, ang mga hagdan ay may mga tatlong bilyong kemikal na “baytang.” Base pair ang tawag ng mga siyentipiko sa mga baytang na ito dahil bawat baytang ay binubuo ng dalawa sa apat na kemikal na substansiya. Gamit ang unang letra ng bawat substansiya, ang mga ito ay tinatawag na A, C, G, at T—isang simpleng alpabeto na may apat na letra. * Noong 1957, iminungkahi ni Crick na ang pahabang pagkakasunod-sunod ng kemikal na mga baytang ang nagsisilbing naka-encode na mga instruksiyon. Noong dekada ng 1960, nagsimulang maunawaan ang code na iyon.

Ang impormasyon—larawan man, tunog, o salita—ay puwedeng iimbak at iproseso sa maraming paraan. Halimbawa, ginagawa ito ng mga computer sa digital na paraan. Iniimbak at pinoproseso naman ng buháy na mga selula ang impormasyon sa kemikal na paraan, at ang mahalagang sangkap dito ay ang DNA. Naipapasa ang DNA kapag naghahati-hati ang mga selula at nagpaparami ang mga organismo—mga kakayahang kailangan sa buhay.

Paano ginagamit ng mga selula ang impormasyon? Ipagpalagay na ang DNA ay isang koleksiyon ng mga recipe, na bawat recipe ay may sunod-sunod na proseso, at ang bawat hakbang nito ay maingat na nakasulat sa eksaktong pananalita. Pero sa halip na cake o cookie, maaaring ang resulta nito ay repolyo o baka. Siyempre pa, sa buháy na mga selula, ang mga proseso ay awtomatiko at tuloy-tuloy, kung kaya lalo pa itong nagiging komplikado at sopistikado.

Ang impormasyong nasa isang selula ng baktirya ay katumbas ng librong may 1,000 pahina

Ang henetikong impormasyon ay iniimbak hanggang sa kailanganin ito, marahil para palitan ng malulusog at bagong mga selula ang nasira o napinsalang mga selula o para ipasa ang pisikal na mga katangian sa magiging anak ng isa. Gaano karaming impormasyon ang nasa DNA? Kuning halimbawa ang baktirya, isa sa pinakamaliliit na organismo. Sinabi ng Alemang siyentipiko na si Bernd-Olaf Küppers: “Sa pananalitang maiintindihan ng tao, ang [impormasyong] nakasulat sa molekula para sa pagbuo ng isang selula ng baktirya ay magiging kasinlaki ng librong may isang libong pahina.” Kaya naman isinulat ng chemistry professor na si David Deamer: “Kahanga-hanga ang pagiging masalimuot kahit ng pinakasimpleng anyo ng buhay.” Paano naman ang genome ng tao? Magiging katumbas ito ng “isang aklatan na may ilang libong tomo,” ang sabi ni Küppers.

“NAKASULAT SA PARAANG MAIINTINDIHAN NATIN”

Sinabi ni Küppers na ang nakasulat na impormasyon sa DNA ay maihahalintulad sa isang wika. Sinabi niya na tulad ng wika ng tao, ang wikang ito ay mayroon ding wastong pagkakaayos ng mga salita. Sa madaling salita, ang DNA ay may “grammar,” o mga alituntunin, na istriktong sinusunod sa pagbuo at pagpapatupad ng mga instruksiyon nito.

Ang mga “salita” at “pangungusap” na nasa DNA ang bumubuo ng iba’t ibang “recipe” na nagdidikta sa produksiyon ng mga protina at iba pang substansiya na ginagamit sa paggawa ng iba’t ibang selula na nasa katawan. Halimbawa, maaaring ang “recipe” ay para sa produksiyon ng mga selula ng buto, kalamnan, balat, o mga nerve. Isinulat ng ebolusyonistang si Matt Ridley: “Ang pinakasinulid ng DNA ay impormasyon, isang mensaheng nakasulat sa isang code ng mga kemikal, isang kemikal para sa bawat letra. Parang napakahirap paniwalaan, pero lumalabas na ang code na iyon ay nakasulat sa paraang maiintindihan natin.”

Sa kaniyang panalangin sa Diyos, sinabi ng manunulat ng Bibliya na si David: “Nakita ng iyong mga mata maging ang aking pagkabinhi, at sa iyong aklat ay nakatala ang lahat ng bahagi nito.” (Awit 139:16) Siyempre pa, makatang pananalita ang ginamit ni David. Pero kung tutuusin, tama ang sinabi niya, na karaniwang katangian ng mga manunulat ng Bibliya. Hindi sila naimpluwensiyahan ng mga kuwentong kathang-isip at alamat ng ibang sinaunang mga tao.—2 Samuel 23:1, 2; 2 Timoteo 3:16.

Paano namana ng bata ang kaniyang pisikal na mga katangian mula sa kaniyang mga magulang?

PAANO NAPUNTA ROON ANG NAKASULAT NA IMPORMASYON?

Gaya ng madalas mangyari, kapag naipaliwanag ng mga siyentipiko ang isang problema, nasusundan na naman ito ng iba pang tanong. Totoo iyan pagdating sa pagkatuklas sa DNA. Nang maunawaan na ang DNA ay may naka-encode na impormasyon, may mga nagtanong, ‘Paano napunta roon ang impormasyong iyon?’ Siyempre pa, walang taong nakakita sa pagkabuo ng unang molekula ng DNA. Kaya kailangan tayong gumawa ng sarili nating konklusyon. Pero hindi naman kailangang manghula. Pag-isipan ang sumusunod na paghahalintulad.

  • Noong 1999, natagpuan sa Pakistan ang pira-piraso ng sinaunang mga kagamitang luwad na may kakaibang mga marka, o simbolo. Hindi pa rin nauunawaan ang mga markang iyon. Pero itinuturing na ang mga iyon ay gawa ng tao.

  • Ilang taon pagkatapos matuklasan nina Watson at Crick ang kayarian ng DNA, may dalawang physicist na nagmungkahi ng paghahanap ng naka-encode na mga signal mula sa kalawakan. Ganito nagsimula ang paghahanap ng talino sa ibang planeta.

Maliwanag, naniniwala ang mga tao na kapag may impormasyon—iyon man ay mga simbolo sa luwad o mga signal mula sa kalawakan—mayroon ding talino. Hindi na nila kailangang makita pa kung paano ginawa ang impormasyon para marating ang gayong konklusyon. Pero nang matuklasan ang pinakasopistikadong code na nalalaman ng tao—ang kemikal na code ng buhay—binale-wala ng marami ang konklusyong iyan at sinabing ang DNA ay resulta ng ebolusyon. Makatuwiran ba iyan? Kaayon ba iyan ng siyensiya? Maraming respetadong siyentipiko ang nagsasabing hindi. Kabilang dito sina Dr. Gene Hwang at Professor Yan-Der Hsuuw. * Pansinin ang sinabi nila.

Pinag-aaralan ni Dr. Gene Hwang ang matematikal na saligan ng genetics. Dati, naniniwala siya sa ebolusyon, pero nagbago ang pananaw niya dahil sa kaniyang pananaliksik. “Ang pag-aaral ng genetics ay nakakatulong para maunawaan ang mga proseso ng buhay—kaunawaang nag-udyok sa akin na humanga sa karunungan ng Maylikha,” ang sabi niya sa Gumising!

Si Professor Yan-Der Hsuuw ang direktor ng embryo research ng National Pingtung University of Science and Technology sa Taiwan. Dati rin siyang naniniwala sa ebolusyon—hanggang sa baguhin ng kaniyang pananaliksik ang pananaw niya. Tungkol sa mga selula, sinabi niya: “Kailangang magawa ang tamang mga selula sa tamang pagkakasunod-sunod at sa tamang lugar. Magsasama-sama muna ang mga selula para makabuo ng mga tissue, na magsasama-sama naman para maging mga organ at mga braso’t binti. Walang engineer ang makakasulat ng mga instruksiyon para sa gayong proseso kahit sa pangarap man lang! Pero napakahusay ng pagkakasulat ng instruksiyon sa DNA para sa pag-develop ng embryo. Kapag pinag-iisipan ko ang kahusayan ng lahat ng iyon, kumbinsido ako na ang buhay ay dinisenyo ng Diyos.”

Sina Gene Hwang (kaliwa) at Yan-Der Hsuuw

MAHALAGA PA BA IYON?

Oo! Kung Diyos ang lumikha ng buhay, makatarungan lang na sa kaniya ibigay ang kapurihan, hindi sa ebolusyon. (Apocalipsis 4:11) At kung nilalang tayo ng isang napakatalinong Maylikha, tiyak na may layunin kung bakit tayo narito. Hindi magiging totoo iyan kung ang buhay ay resulta ng ebolusyon. *

Totoo, ang mga taong palaisip ay naghahanap ng kasiya-siyang mga sagot. “Ang paghahanap ng kahulugan ang siyang pangunahing layunin ng buhay ng tao,” ang sabi ni Viktor Frankl, na naging propesor ng neurology at psychiatry. Sa ibang pananalita, tayo ay may pagkagutom sa espirituwal na gusto nating masapatan—pagkagutom na matutugunan lang kung talagang nilalang tayo ng Diyos. Pero kung nilikha nga tayo ng Diyos, may inilaan ba siya para masapatan ang ating espirituwal na pangangailangan?

Sinasagot iyan ni Jesu-Kristo: “Ang tao ay mabubuhay, hindi sa tinapay lamang, kundi sa bawat pananalitang lumalabas sa bibig [ng Diyos na] Jehova.” (Mateo 4:4) Sinasapatan ng mga pananalita ni Jehova, na nakaulat sa Bibliya, ang espirituwal na pagkagutom ng milyon-milyon at binibigyan sila ng layunin sa buhay at pag-asa sa hinaharap. (1 Tesalonica 2:13) Ganiyan din sana ang magawa ng Bibliya para sa iyo. At sana’y bigyang-pansin mo ang natatanging aklat na ito.

^ par. 3 Ipinagpatuloy nina Watson at Crick ang naunang mga pananaliksik tungkol sa DNA.—Tingnan ang kahong “ Mahahalagang Taon Para sa DNA.”

^ par. 6 Ang mga letra ay kumakatawan sa adenine, cytosine, guanine, at thymine.

^ par. 18 Mababasa sa aming website na jw.org ang ilang interbyu sa respetadong mga siyentipiko. I-click ang Search, at i-type ang “interview scientist.”

^ par. 22 Ang usapin tungkol sa paglalang at ebolusyon ay higit pang tinalakay sa mga brosyur na The Origin of Life—Five Questions Worth Asking at Saan Nagmula ang Buhay? na available sa www.ps8318.com.