Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

TAMPOK NA PAKSA

Naghihingalo Na Ba ang Relihiyon?

Naghihingalo Na Ba ang Relihiyon?

Si Gaffar, na ipinanganak sa Turkey, ay nababagabag sa itinuturo ng kaniyang relihiyon na mapaghiganti raw ang Diyos. Ang asawa naman niyang si Hediye ay nagsimulang mag-alinlangan sa relihiyon nito sa edad na siyam. “Tinuruan akong maniwala sa tadhana,” ang sabi ni Hediye. “Bilang ulila, naisip ko, ‘Ano’ng ginawa ko para magkaganito ang buhay ko?’ Gabi-gabi akong umiiyak. Sa edad na 15, tinalikuran ko na ang aking relihiyon.”

TINALIKURAN mo na ba ang relihiyon? Kung oo, hindi ka nag-iisa. Sa maraming bansa, dumarami ang nagsasabing sila ay ‘hindi relihiyoso’—isang masamang pangitain para sa mga relihiyon. Ipinakikita rito ang ilan sa mga bansang iyon.

Bakit Sila Umaalis?

Maraming dahilan kung bakit nadidismaya ang mga tao sa relihiyon. Kabilang dito ang karahasan at takot na iniuudyok o sinasang-ayunan ng relihiyon, mga sex scandal na kinasasangkutan ng mga lider ng relihiyon, at iba pang tagóng dahilan na maaaring mas malaki ang epekto. Kasama rito ang mga sumusunod:

  • Materyal na kasaganaan: “Habang yumayaman ang isa, mas nababawasan ang pagiging relihiyoso niya,” ang sabi ng Global Index of Religion and Atheism. Totoo iyan, dahil parami nang parami sa maraming bansa ang yumayaman. Sa ilang lugar naman, nasisiyahan ang mga tao sa kanilang “paraan ng pamumuhay na kaiinggitan kahit ng pinakadakilang hari na nabuhay dalawang daang taon na ang nakararaan,” ang sabi ni John V. C. Nye, isang propesor sa economics.

    ANG SABI NG BIBLIYA: Inihula ng Bibliya na sa “mga huling araw,” ang pag-ibig sa Diyos at sa kapuwa ay mapapalitan ng pag-ibig sa pera at sa kaluguran. (2 Timoteo 3:1-5) Mag-ingat sa mga panganib na dala ng kayamanan. Sinabi ng isang manunulat ng Bibliya sa Diyos na Jehova: “Huwag mo akong bigyan ng karalitaan ni ng kayamanan man.” Bakit? “Upang hindi ako mabusog at ikaila nga kita,” ang idinagdag niya.—Kawikaan 30:8, 9.

  • Mga tradisyon at moralidad ng relihiyon: Itinuturing ng marami, lalo na ng mga kabataan, na lipas na at hindi na mahalaga ang relihiyon. Ang iba naman ay nawalan na ng tiwala rito. “Kung titingnan mo ang paggawi ng mga relihiyon sa loob ng daan-daang taon,” ang sabi ni Tim Maguire, media officer sa Humanist Society Scotland, “mapapansin mong iniiwan ng mga tao ang relihiyon dahil hindi na sila naniniwalang ito ay may awtoridad sa moral.”

    ANG SABI NG BIBLIYA: Tungkol sa mga huwad na guro, nagbabala si Jesu-Kristo: “Sa kanilang mga bunga ay makikilala ninyo sila. . . . Bawat mabuting punungkahoy ay nagluluwal ng mainam na bunga, ngunit bawat bulok na punungkahoy ay nagluluwal ng walang-kabuluhang bunga.” (Mateo 7:15-18) Kasama sa “walang-kabuluhang bunga” ang pakikialam sa politika at pangungunsinti sa mga gawaing ikinagagalit ng Diyos, gaya ng homoseksuwalidad. (Juan 15:19; Roma 1:25-27) Kabilang din ang walang-kabuluhang mga ritwal at tradisyon na ipinalit sa mahuhusay na turo ng Kasulatan. (Mateo 15:3, 9) “Pakainin mo ang aking maliliit na tupa,” ang sabi ni Jesus. (Juan 21:17) Pero sa ngayon, marami ang gutóm sa espirituwal.

  • Relihiyon at pera: Ayon sa Pew Research Center, sinasabi ng marami na masyadong nakapokus ang relihiyon sa pera. Karagdagan pa, may ilang lider ng relihiyon na nagpapakasaya sa marangyang pamumuhay samantalang naghihirap ang kanilang mga miyembro. Halimbawa, sa isang lunsod sa Germany kung saan naghihikahos ang mga nagsisimba, ang obispo ay naakusahan ng maluhong pamumuhay. Ikinagalit ng maraming Katoliko roon ang ganitong pamumuhay ng obispo. Sinasabi rin ng isang ulat sa magasing GEO na sa Nigeria, “kung saan 100 milyon katao ang nabubuhay sa wala pang isang euro bawat araw, ang marangyang pamumuhay ng ilang pastor ay nagiging problema.”

    ANG SABI NG BIBLIYA: Sinabi ng manunulat ng Bibliya na si Pablo: “Hindi kami mga tagapaglako ng salita ng Diyos.” (2 Corinto 2:17) Kahit na kilaláng ministro si Pablo sa kongregasyong Kristiyano noon, madalas siyang magtrabaho nang mano-mano para hindi siya maging pabigat sa iba. (Gawa 20:34) Makikita sa kaniyang saloobin ang pagsunod niya sa utos ni Jesus: “Tinanggap ninyo nang walang bayad, ibigay ninyo nang walang bayad.”—Mateo 10:7, 8.

Kaayon ng mga pamantayang iyan, ang mga Saksi ni Jehova ay namamahagi ng mga literatura at nagtuturo ng Bibliya nang walang bayad. Hindi rin sila naniningil ng ikapu o nangingilak ng salapi sa kanilang mga pulong. Sa halip, ang kanilang mga gastusin ay tinutustusan ng boluntaryong mga donasyon, at hindi iniaanunsiyo ang mga nagbibigay.—Mateo 6:2, 3.

Inihula ang Pag-alis ng mga Tao sa Relihiyon!

Ilang dekada lang ang nakararaan, hindi natin akalaing magkakaganito ang kalagayan ng relihiyon. Pero alam na ng Diyos na mangyayari ito at inihula niya ito sa Bibliya. Sa makasagisag na paraan, inihalintulad ng Diyos ang lahat ng di-tapat na relihiyon sa isang maluhong patutot na tinatawag na “Babilonyang Dakila.”—Apocalipsis 17:1, 5.

Tamang-tama ang paglalarawang iyan, dahil habang nag-aangking tapat sa Diyos ang huwad na relihiyon, nakikisama rin ito sa mga tagapamahala sa daigdig para sa kapangyarihan at kayamanan. “Ang mga hari sa lupa [ay] nakiapid sa kaniya,” ang sabi sa Apocalipsis 18:9. Angkop din ang salitang “Babilonya,” dahil marami sa mga turo at gawain ng huwad na relihiyon, gaya ng imortalidad ng kaluluwa, tatluhang diyos, at okultismo, ay nagmula sa sinaunang Babilonya, isang lunsod na talamak ang huwad na paniniwala at pamahiin. *Isaias 47:1, 8-11.

Ang makapangyarihang Babilonya ay natalo nang ang tubig na depensa nito—ang bambang na sinusuplayan ng Ilog Eufrates—ay ‘matuyo,’ kung kaya nakapasok ang hukbo ng mga Medo at Persiano para sakupin ang lunsod. (Jeremias 50:1, 2, 38) Sa loob lang ng isang gabi, nasakop ang Babilonya!—Daniel 5:7, 28, 30.

Ang Babilonyang Dakila rin ay “nakaupo sa maraming tubig.” Ayon sa Bibliya, tumutukoy ito sa “mga bayan at mga pulutong”—ang milyon-milyong sumusuporta sa huwad na relihiyon. (Apocalipsis 17:1, 15) Inihula ng Bibliya na ang makasagisag na tubig na ito ay matutuyo—isang pangyayaring hudyat ng nalalapit at mabilis na pagkapuksa ng Babilonyang Dakila. (Apocalipsis 16:12; 18:8) Pero sino ang gagawa nito? Ito ay ang mga tagapamahalang kalaguyo niya, dahil mapapalitan ng galit ang kanilang pag-ibig sa kaniya. Uubusin din nila ang kaniyang makasagisag na laman, o kayamanan.—Apocalipsis 17:16, 17. *

Ang bumababaw na tubig sa palibot ng Babilonya ay sumasagisag sa pag-alis ng mga tao mula sa Babilonyang Dakila

“Lumabas Kayo sa Kaniya”!

Dahil napakalapit nang puksain ang Babilonyang Dakila, maibiging nagbababala ang Diyos: “Lumabas kayo sa kaniya, bayan ko, kung hindi ninyo nais na makibahagi sa kaniya sa mga kasalanan niya, at kung hindi ninyo nais na tumanggap ng bahagi ng kaniyang mga salot.” (Apocalipsis 18:4) Pansinin ang salitang “kung” na dalawang beses binanggit. Oo, ang babala ng Diyos ay para sa mga taong binabagabag ng masasamang turo at gustong sang-ayunan ng Diyos—mga taong gaya nina Gaffar at Hediye, na binanggit kanina.

Noong hindi pa nag-aaral ng Bibliya si Gaffar, inisip niya na ang Diyos ay Isa na dapat sundin pangunahin nang dahil sa takot. “Naaliw ako nang malaman kong si Jehova ay isang Diyos ng pag-ibig,” ang sabi niya, “at na gusto niyang sundin natin siya, pangunahin nang dahil sa pag-ibig.” (1 Juan 4:8; 5:3) Napanatag si Hediye nang matutuhan niyang hindi pala ang Diyos ang dahilan kung bakit siya naulila at na hindi itinakda ang nangyari sa kaniya. Nakatulong sa kaniya ang mga teksto sa Bibliya gaya ng Santiago 1:13, na nagsasabing hindi sinusubok ng Diyos ang mga tao. Tinanggap nina Hediye at Gaffar ang katotohanan sa Bibliya at tumakas sila mula sa “Babilonya.”—Juan 17:17.

Kapag pinuksa ang Babilonyang Dakila, hindi madadamay ang mga tumakas mula sa kaniya para sambahin “ang Ama sa espiritu at katotohanan.” (Juan 4:23) Ang pag-asa nila ay manirahan sa lupa na “mapupuno ng kaalaman kay Jehova gaya ng tubig na tumatakip sa dagat.”—Isaias 11:9.

Oo, malapit nang magwakas ang huwad na pagsamba at ang masasamang bunga nito, dahil ang Diyos ay “hindi makapagsisinungaling.” (Tito 1:2) At ang tunay na pagsamba ay sasagana magpakailanman!

^ par. 16 Para sa higit pang impormasyon sa Babilonyang Dakila at sa sinasabi ng Bibliya tungkol sa kalagayan ng mga patay, sa katangian ng Diyos, at sa okultismo, tingnan ang aklat na Ano Ba Talaga ang Itinuturo ng Bibliya? na available online sa www.ps8318.com/tl.

^ par. 18 Tingnan ang artikulong “Ang Pangmalas ng Bibliya—Katapusan ng Mundo,” sa isyung ito ng Gumising!