MAY NAGDISENYO BA NITO?
Kakayahan ng Katawan ng Tao na Magpagaling ng Sugat
ISA sa maraming mekanismong nakatutulong para mabuhay ang tao ay ang kakayahan ng katawan na magpagaling ng sugat at magpatubo ng nasirang tissue. Nagsisimula agad ang proseso kapag nasugatan ang katawan.
Pag-isipan ito: Ang proseso ng paggaling ay nangyayari sa pamamagitan ng sunod-sunod at masalimuot na kakayahan ng selula:
-
Dumirikit ang platelet sa mga tissue sa palibot ng sugat, kung kaya namumuo ang dugo at natatakpan ang mga napinsalang blood vessel.
-
Ang pamamaga ay tumutulong para maiwasan ang impeksiyon at maalis ang anumang “basura” na dulot ng sugat.
-
Sa loob ng ilang araw, napapalitan ang nasirang tissue, naghihilom ang sugat, at naaayos ang mga napinsalang blood vessel.
-
Pinakahuli, nagkakaroon ito ng pilat na mag-aayos at magpapatibay sa nasugatang bahagi ng katawan.
Mula sa pamumuong ito ng dugo, naisip ng mga mananaliksik na gumawa ng mga plastik na may kakayahang “magpagaling” sa sarili nitong pinsala. Ang gayong materyales ay may dalawang maliliit at magkatapat na tubong naglalaman ng dalawang kemikal at “nagdurugo” kapag nagkaroon ng pinsala. Kapag naghalo ang dalawang kemikal na ito, nagiging gel ito na kumakalat sa napinsalang bahagi, anupat natatakpan ang mga biták at butas. Habang namumuo ang gel, ito ay nagiging isang matigas na substansiya na tumutulong para maibalik ang dating tibay ng materyales. Inamin ng isang mananaliksik na ang sintetikong prosesong ito ng pagpapagaling na kasalukuyang dini-develop nila ay “kagaya” ng nakikita sa kalikasan.
Ano sa palagay mo? Ang kakayahan ba ng katawan na magpagaling ng sugat ay resulta ng ebolusyon? O may nagdisenyo nito?