PARA SA MGA KABATAAN
11: Kasipagan
ANG IBIG SABIHIN NITO
Ang mga taong masipag ay hindi umiiwas sa trabaho. Sa halip, gusto nilang magtrabaho para mailaan ang kanilang mga pangangailangan at para makatulong sa iba—kahit simple lang ang trabaho nila.
KUNG BAKIT ITO MAHALAGA
Sa ayaw at gusto mo, ang buhay ay punô ng responsibilidad. Sa mundong ito kung saan marami ang ayaw magbanat ng buto, makatutulong sa iyo ang kasipagan.—Eclesiastes 3:13.
“Natutuhan ko na kapag masipag ka, magiging proud ka sa sarili mo at masisiyahan ka. Dahil sa kasiyahang iyan, nagustuhan ko ang pagtatrabaho. Kapag masipag ka, magkakaroon ka rin ng magandang reputasyon.”—Reyon.
SIMULAIN SA BIBLIYA: “May pakinabang sa bawat pagsisikap.”—Kawikaan 14:23.
ANG PUWEDE MONG GAWIN
Magkaroon ng positibong pananaw sa pagtatrabaho sa pamamagitan ng pagsunod sa mga hakbang na ito.
Pagbutihin ang mga ginagawa mo. Anuman ang ginagawa mo—gawaing-bahay, assignment, o trabaho—magpokus. Kapag mahusay ka na sa isang gawain, humanap ng paraan para sumulong—gawin ito nang mas mabilis o mas mahusay. Mas mae-enjoy mo ang trabaho mo kapag mas mahusay ka na dito.
SIMULAIN SA BIBLIYA: “Nakakita ka na ba ng taong mahusay sa gawain niya? Tatayo siya sa harap ng mga hari; hindi siya tatayo sa harap ng karaniwang mga tao.”—Kawikaan 22:29.
Tingnan kung sino ang makikinabang. Kadalasan, natutulungan mo ang iba kapag ginagampanan mo nang mahusay ang iyong responsibilidad. Halimbawa, kung masipag ka sa mga gawaing-bahay, gumagaan ang pasan ng mga kapamilya mo.
SIMULAIN SA BIBLIYA: “May higit na kaligayahan sa pagbibigay kaysa sa pagtanggap.”—Gawa 20:35.
Gawin ang higit sa kinakailangan. Sa halip na gawin lang ang nakaatas sa iyo, sikaping gumawa nang higit sa inaasahan sa iyo. Dahil diyan, ikaw ang may kontrol sa buhay mo—hindi dahil sa pinilit ka, kundi dahil gusto mo iyon.—Mateo 5:41.
SIMULAIN SA BIBLIYA: “Para hindi maging sapilitan ang gagawin mong kabutihan, kundi bukal sa puso.”—Filemon 14.
Maging timbang. Ang mga taong masipag ay hindi tamad, pero hindi rin sila workaholic. Balanse sila, at nasisiyahan kapuwa sa pagtatrabaho at sa pagrerelaks.
SIMULAIN SA BIBLIYA: “Mas mabuti ang sandakot na pahinga kaysa sa dalawang dakot ng pagpapakapagod at paghahabol sa hangin.”—Eclesiastes 4:6.