ARAL 4
Kung Paano Magiging Responsable
ANO ANG KASAMA SA PAGIGING RESPONSABLE?
Ang mga taong responsable ay maaasahan. Ginagawa nila nang maayos ang ipinapagawa sa kanila at tinatapos ito sa takdang panahon.
Kahit limitado ang kakayahan ng mga bata, puwede na silang turuang maging responsable. Ayon sa aklat na Parenting Without Borders, kapag 15 buwan na ang mga bata, gagawin nila kung ano ang sabihin sa kanila ng kanilang magulang, at kapag 18 buwan na sila, gusto na nilang gawin ang ginagawa ng mga magulang nila. Idinagdag pa nito: “Sa maraming kultura, hinuhubog ng mga magulang ang kanilang mga anak na maging matulungin lalo na mula sa edad na lima hanggang pito. Kahit ganito sila kabata, nagagawa nila nang mahusay ang kanilang mga gawain sa bahay.”
BAKIT MAHALAGANG MAGING RESPONSABLE?
Ang “boomerang generation” ay tumutukoy sa mga kabataang nagsarili pero bumalik din sa kanilang mga magulang dahil hindi nila kinayang mamuhay mag-isa. Nangyayari ito kapag ang mga kabataan ay hindi naturuang magbadyet at maging responsable sa buhay, at lumaki silang walang gaanong alam sa bahay.
Kaya ngayon pa lang, sanayin na ang iyong mga anak na maging responsable. “Hindi magandang nakadepende sila sa inyo hanggang 18 anyos na sila at saka ninyo sila pakakawalan sa tunay na mundo,” ang sabi ng aklat na How to Raise an Adult.
KUNG PAANO ITUTURO ANG PAGIGING RESPONSABLE
Bigyan sila ng gawaing-bahay.
PRINSIPYO SA BIBLIYA: “May pakinabang sa bawat pagsisikap.”—Kawikaan 14:23.
Gustong-gusto ng mga bata na tumulong sa kanilang mga magulang. Samantalahin ito sa pamamagitan ng pagbibigay sa kanila ng mga gawaing-bahay.
Nag-aatubili ang ilang magulang na gawin iyan. Ikinakatuwiran nila na nabibigatan na ang kanilang anak sa dami ng homework nito araw-araw, kaya bakit pa nila ito daragdagan?
Pero ang mga batang tumutulong sa gawaing- bahay ay mas malamang na maging mahusay sa paaralan dahil natututo silang simulan at tapusin ang anumang ipagawa sa kanila. Dagdag pa ng aklat na Parenting Without Borders: “Kapag hindi natin pinatutulong ang ating mga anak, baka isipin nilang hindi mahalaga ang pagtulong sa iba . . . Baka umasa rin sila na pagsisilbihan sila ng iba.”
Gaya ng nabanggit, kapag tumutulong ang mga anak sa gawaing-bahay, natuturuan silang maging matulungin at hindi maging makasarili. Kapag gumagawa sila ng mga gawaing-bahay, nakikita ng mga bata na mayroon silang mahalagang papel na dapat gampanan sa pamilya.
Tulungan ang iyong mga anak na harapin ang resulta ng kanilang pagkakamali.
PRINSIPYO SA BIBLIYA: “Makinig ka sa payo at tumanggap ng disiplina para maging marunong ka.”—Kawikaan 19:20.
Kapag nagkamali ang iyong anak—halimbawa, kapag nakasira siya ng gamit ng iba—huwag pagtakpan iyon. Kayang harapin ng anak mo ang mga resulta ng kaniyang pagkakamali—sa kasong ito, mag-sorry at marahil ay palitan ang bagay na nasira niya.
Kapag natutong humarap sa pagkakamali o pagkabigo ang iyong mga anak, matututo silang
-
maging tapat at aminin ang kanilang pagkakamali
-
huwag sisihin ang iba
-
huwag magdahilan
-
mag-sorry, kung kinakailangan