TAMPOK NA PAKSA | HINDI HADLANG ANG WIKA
Isang Hadlang Noon Pa Man
DAHIL maraming wika sa buong daigdig —mga 7,000—naging komplikado ang paglalakbay, kalakalan, edukasyon, at gobyerno. Ganito na ang kalagayan noon pa man. Halimbawa, mga 2,500 taon na ang nakalilipas, ang mga Persiano, sa ilalim ng pamamahala ni Haring Ahasuero (malamang na si Jerjes I), ay nagdala ng opisyal na mga batas “mula sa India hanggang sa Etiopia, isang daan at dalawampu’t pitong nasasakupang distrito, sa bawat nasasakupang distrito ayon sa sarili nitong istilo ng pagsulat at sa bawat bayan ayon sa sarili nitong wika.” *
Sa ngayon, karamihan sa mga organisasyon—maging mga gobyerno—ay hindi magtatangkang gawin iyon. Pero may isang organisasyong nakagawa nito. Ang mga Saksi ni Jehova ay naglalathala ng mga magasin, audio, video, at maraming aklat—pati na ang Bibliya—sa mahigit 750 wika, lahat-lahat. Kasama na rito ang mga 80 wikang pasenyas. Naglalathala rin ang mga Saksi ng iba’t ibang grade ng Braille para sa mga bulag.
Bukod diyan, hindi pinagkakakitaan ng mga Saksi ni Jehova ang ginagawa nilang iyan. Sa katunayan, lahat ng kanilang tagapagsalin at tauhan ay mga boluntaryo. Bakit kaya gayon na lang ang kanilang pagsisikap na magsalin sa napakaraming wika, at paano nila ito ginagawa?
^ par. 3 Tingnan ang Esther 8:9 sa Bibliya.