Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

SULYAP SA NAKARAAN

Ignaz Semmelweis

Ignaz Semmelweis

MAAARING hindi pamilyar ang pangalang Ignaz Semmelweis, pero maraming pamilya sa ngayon ang nakikinabang sa kaniyang nagawa. Isinilang siya sa Buda (ngayo’y Budapest), Hungary, at nagtapós ng medisina sa University of Vienna noong 1844. Nang maging assistant siya ng isang propesor sa First Maternity Clinic ng General Hospital sa Vienna noong 1846, napaharap si Semmelweis sa isang nakapanghihilakbot na sitwasyon—mahigit 13 porsiyento ng mga nanganganak doon ang namatay dahil sa isang sakit na tinatawag na childbed fever.

Iba-ibang teoriya tungkol sa pinagmulan ng sakit na ito ang lumitaw, pero walang isa mang nakalutas sa palaisipang ito. Bigong lahat ang pagsisikap na mabawasan ang bilang ng mga namamatay sa sakit na ito. Dahil sa pagkaawa sa mga inang dumaranas ng unti-unti at napakasakit na kamatayan, determinado si Semmelweis na matuklasan ang dahilan ng sakit para maiwasan ito.

Ang ospital na pinagtatrabahuhan ni Semmelweis ay may dalawang magkahiwalay na maternity clinic, at ang nakapagtataka, mas maraming namamatay sa unang clinic kaysa sa pangalawa. Ang tanging pagkakaiba ay ito: sa unang clinic, mga estudyante sa medisina ang tinuturuan, at sa pangalawang clinic, mga estudyante naman sa pagkokomadrona. Bakit kaya magkaiba ang bilang ng namamatay? Para masagot ang tanong na iyan, isa-isang sinuri ni Semmelweis ang naiisip niyang dahilan ng sakit, pero lumitaw na walang isa man dito ang talagang sanhi ng sakit.

Noong mga unang buwan ng 1847, may nakita si Semmelweis na isang mahalagang impormasyon. Ang kaniyang kasamahan at kaibigang si Jakob Kolletschka ay namatay sa pagkalason sa dugo matapos masugatan habang nag-aawtopsiya. Habang binabasa ang report ng awtopsiya kay Kolletschka, nakita ni Semmelweis na may pagkakatulad ang natuklasan kay Kolletschka at sa mga biktima ng childbed fever. Kaya naisip ni Semmelweis na ang mga pasyenteng nagdadalang-tao ay posibleng naiimpeksiyon ng tinawag niyang “mga lason” mula sa mga bangkay. At ito ang nagiging sanhi ng childbed fever. Ang mga doktor at estudyante sa medisina, na madalas nag-aawtopsiya bago pumunta sa maternity ward, ang di-sinasadyang naglilipat ng sakit sa mga nagdadalang-tao habang ineeksamen o pinaaanak ang mga ito! Mas mababa ang bilang ng namamatay sa pangalawang ward dahil ang mga estudyante sa pagkokomadrona ay hindi nag-aawtopsiya.

Agad na iniutos ni Semmelweis ang paghuhugas ng kamay, pati na ang pag-i-sterilize nito sa tubig na may bleaching powder bago suriin ang mga nagdadalang-tao. Napakaganda ng resulta: ang bilang ng namamatay ay bumaba mula 18.27 porsiyento noong Abril tungo sa 0.19 porsiyento na lang sa pagtatapos ng taon.

“Ang mga paniniwala kong ito ay mag-aalis ng takot sa mga ospital ng paanakan, magliligtas ng asawang babae para sa kaniyang asawa at ng ina para sa kaniyang anak.”—Ignaz Semmelweis

Hindi lahat ay natuwa sa tagumpay na ito ni Semmelweis. Ang resulta ng kaniyang pagsasaliksik ay humamon sa teoriyang pinanghahawakan ng mga nakatataas sa kaniya may kinalaman sa childbed fever. Ikinainis din nila ang pagiging mapilit ni Semmelweis. Di-nagtagal, inalis siya sa posisyon niya sa Vienna at bumalik sa Hungary. Siya ang nangasiwa sa obstetrics department sa St. Rochus Hospital sa Pest, kung saan ang bilang ng namamatay sa childbed fever ay napababa niya hanggang sa wala pang 1 porsiyento.

Noong 1861, inilathala ni Semmelweis ang kaniyang akdang, The Cause, Concept, and Prophylaxis of Childbed Fever. Kaya lang, ilang taon pa ang lumipas bago kinilala ang kahalagahan ng kaniyang tuklas. Samantala, di-mabilang na buhay ang nailigtas sana.

Ipinatupad ni Ignaz Semmelweis ang mga utos may kaugnayan sa kalinisan sa mga pasilidad ng paggagamot na pinangangasiwaan niya.—Ipininta ni Robert Thom

Nang maglaon, kinilala si Semmelweis bilang isa sa mga ama ng modernong paraan ng pagdisimpekta. Nakatulong ang kaniyang nagawa para mapatunayang ang pagkaliliit na materya ay maaaring pagmulan ng sakit. Bahagi siya ng kasaysayan ng teoriya na ang mikrobyo ay nagiging sanhi ng sakit. Ang teoriyang ito ay tinatawag na “pinakaimportanteng kontribusyon sa larangan ng medisina at panggagamot.” Kapansin-pansin na mahigit 3,000 taon bago nito, ang Kautusang Mosaiko, na isinama sa Bibliya nang maglaon, ay mayroon nang malinaw na tagubilin sa tamang paghawak ng mga bangkay.