MAY NAGDISENYO BA NITO?
Ang Leeg ng Langgam
HANGANG-HANGA ang mga mechanical engineer sa kakayahan ng karaniwang langgam na mabuhat ang mga bagay na maraming ulit na mas mabigat kaysa sa timbang nito. Para maintindihan iyan, pinag-aralan ng mga engineer sa Ohio State University, U.S.A., sa pamamagitan ng mga computer model ang ilan sa mga bahagi ng katawan ng langgam, ang kayarian ng mga ito, at kung paano gumagana ang mga ito. Ang mga computer model ay binuo sa pamamagitan ng mga X-ray cross-sectional image (mga micro CT scan) at mga simulation ng puwersang inilalabas ng langgam kapag nagbubuhat ito.
Ang napakahalagang bahagi ng katawan ng langgam ay ang leeg nito na nagdadala ng buong bigat ng bagay na kagat ng langgam. Ang malalambot na tissue sa leeg ng langgam at ang matitigas na exoskeleton ng dibdib (katawan) at ng ulo nito ay magkakakonekta na parang mga daliring pinagsalikop. “Ang disenyo at kayarian ng koneksiyong iyan ay napakahalaga para sa hugpungan ng leeg,” ang sabi ng isa sa mga mananaliksik. “Ang pambihirang koneksiyong iyan ng matitigas at malalambot na tissue ang malamang na nagpapatibay sa leeg at pangunahing dahilan kung kaya nabubuhat nito ang mabibigat na bagay.” Umaasa ang mga mananaliksik na kapag naintindihang mabuti kung paano gumagana ang leeg ng langgam, makatutulong ito para mapahusay pa ang disenyo ng mekanismo ng mga aparato.
Ano sa palagay mo? Ang komplikado ba at napakahusay na kayarian ng leeg ng langgam ay resulta ng ebolusyon? O may nagdisenyo nito?