TULONG PARA SA MGA NAGDADALAMHATI
Kung Ano ang Aasahan Mo
Sinasabi ng ilang eksperto na ang pagdadalamhati ay prosesong may sunod-sunod na yugto. Pero ang bawat tao ay may kani-kaniyang paraan ng pagdadalamhati. Ibig bang sabihin, ang iba ay hindi gaanong nalulungkot sa pagkamatay ng mahal nila sa buhay o “pinipigilan” nila ang kanilang damdamin? Hindi naman. Totoo, makakatulong kung aaminin at ipapakita ng isa ang kaniyang pagdadalamhati, pero walang “tamang paraan” ng pagdadalamhati. Karaniwan na, depende ito sa kultura, personalidad, at mga karanasan sa buhay ng isang indibidwal, pati na kung paano namatay ang kanilang mahal sa buhay.
LALALA PA BA ITO?
Baka hindi alam ng isang namatayan kung ano ang mga aasahan pagkamatay ng mahal niya sa buhay. Pero asahan mo na may mga emosyon at hamon na pangkaraniwan. Pansinin ang mga sumusunod:
Nadaraig ng emosyon. Karaniwan ang pag-iyak, pangungulila, at biglang pagbabago ng mood. Baka palalain pa ito ng mga alaala at panaginip tungkol sa namatay. Sa umpisa, baka mabigla ang isa at hindi makapaniwala sa nangyari. Naalaala ni Tiina ang reaksiyon niya nang biglang mamatay ang asawa niyang si Timo. Sinabi niya: “Noong una, wala akong maramdaman. Hindi nga ako makaiyak. Sobrang tindi ng emosyon ko kaya may mga panahong hindi ako makahinga. Hindi talaga ako makapaniwala sa nangyari.”
Karaniwan din ang pagkabalisa, galit, at panunumbat ng budhi. “Mga ilang panahon pagkamatay ng aming 24-anyos na anak na si Eric,” ang sabi ni Ivan, “galít na galít kami ng asawa kong si Yolanda! Talagang nagulat kami kasi hindi naman kami magagalitin. Sinisisi rin namin ang aming sarili, na sana may nagawa pa kami para tulungan ang anak namin.” Ganiyan din ang nadama ni Alejandro, na ang asawa ay namatay matapos ang matagal na pagkakasakit: “Noong umpisa, inisip ko na kung hinahayaan ako ng Diyos na magdusa nang ganito, siguro masamang tao ako. Pero na-guilty rin ako, kasi parang sinisisi ko ang Diyos sa nangyari.” Ganito naman ang sabi ni Kostas, na binanggit sa naunang artikulo: “May mga panahon pa ngang nakaramdam ako ng galit kay Sophia dahil namatay siya. Pero pagkatapos no’n, nakokonsensiya naman ako. Kasi hindi naman niya kasalanan ’yon.”
Magulong takbo ng isip. May mga panahong nagiging magulo at di-makatuwiran ang pag-iisip ng isa. Halimbawa, baka isipin ng namatayan na naririnig niya, nararamdaman, o nakikita ang namatay. O baka mahirapan siyang magpokus o maalaala ang mga bagay-bagay. Sinabi ni Tiina: “Minsan kapag nakikipag-usap ako, lumilipad ang isip ko! Paulit-ulit na sumasagi sa isip ko ang mga pangyayari noong mamatay si Timo. Napakahirap magpokus kaya lalo akong naiinis.”
Kagustuhang mapag-isa. Baka maging iritable at asiwa ang isang nagdadalamhati kapag kasama ng iba. Sinabi ni Kostas: “Kapag kasama ko ang mga may asawa, pakiramdam ko, nag-iisa ako. Pero ganiyan din ang pakiramdam ko kapag kasama ko ang mga walang asawa.” Naalaala naman ni Yolanda, asawa ni Ivan: “Napakahirap makasama ang mga taong nagrereklamo sa problema nila, na kung tutuusin ay napakaliit lang kumpara sa ’min! Pagkatapos, may ilan din na nagkukuwento ng magagandang bagay tungkol sa mga anak nila. Masaya naman ako para sa kanila, pero hiráp akong makinig sa kanila. Alam naman naming mag-asawa na tuloy lang ang buhay, pero parang wala kaming gana o tiyaga na harapin ito.”
Problema sa kalusugan. Karaniwan ang pagbabago sa timbang, tulog, at gana sa pagkain. Naalaala ni Aaron ang sumunod na taon pagkamatay ng tatay niya: “Hindi talaga ako makatulog. Gabi-gabi akong nagigising sa gayunding oras kakaisip sa tatay ko.”
Naalaala naman ni Alejandro na nagkaroon siya ng kakaibang problema sa kalusugan: “Maraming beses na akong nagpatingin sa doktor at tiniyak niya sa akin na malusog naman ako. Kaya naisip ko na ang mga sintomas na iyon ay epekto ng pagdadalamhati.” Nang maglaon, nawala rin ang mga sintomas na iyon. Pero tama ang ginawa ni Alejandro na pagkonsulta sa doktor. Dahil sa pagdadalamhati, puwedeng humina ang resistensiya ng isa, lumala ang kasalukuyang sakit, o magkaroon pa nga ng panibagong karamdaman.
Hiráp sa pag-aasikaso ng mahahalagang gawain. Naalaala ni Ivan: “Pagkamatay ni Eric, kailangan namin itong ipaalám hindi lang sa mga kamag-anak at kaibigan namin, kundi pati sa iba, gaya ng employer niya at may-ari ng tinitirhan niya. Napakarami ding papeles na kailangang asikasuhin. Kailangan pa naming isa-isahin ang personal na mga gamit ni Eric. Pagód na nga ang aming isip, katawan, at emosyon, kailangan pa naming magpokus.”
Pero para sa ilan, ang totoong hamon ay ang pag-aasikaso sa mga bagay na dating ginagawa ng kanilang mahal sa buhay. Ganiyan ang nangyari kay Tiina. Sinabi niya: “Si Timo ang laging nag-aasikaso ng mga transaksiyon namin sa bangko at iba pang bagay. Ngayon, ako na ang gumagawa nito, kaya nadagdagan pa ang stress ko. Kakayanin ko kaya ang lahat ng ito?”
Dahil sa mga nabanggit na hamon—emosyonal, mental, at pisikal—baka maisip mong napakahirap maka-recover sa pagdadalamhati. Totoong napakasakit mawalan ng mahal sa buhay, pero kung nauunawaan mo ito sa umpisa pa lang, mas makakayanan mo ang sitwasyon. Tandaan din na hindi lahat ng nagdadalamhati ay nakakaranas ng lahat ng posibleng epekto nito. Karagdagan pa, makakatulong din sa isang namatayan kung alam niya na normal lang na dumanas ng matinding kirot kapag nagdadalamhati.
MAGIGING MASAYA PA KAYA AKO?
Ang dapat mong asahan: Hindi habambuhay ang sakit na dulot ng pagdadalamhati; huhupa rin ito. Hindi naman ibig sabihin nito na tuluyan nang “makaka-recover” ang isa o tuluyan na niyang makakalimutan ang namatay. Pero unti-unti, maghihilom din ang sugat ng pagdadalamhati. Baka bumalik ito kapag bigla mong naalaala ang namatay o sa mga panahong gaya ng anibersaryo. Pero karamihan ay dumarating sa punto na kontrolado na nila ang kanilang emosyon at kaya na nilang magpokus uli sa pang-araw-araw na gawain. Totoo ito lalo na kapag ang namatayan ay tinutulungan ng mga kapamilya at kaibigan, at kapag nagsisikap siya mismo na maka-recover.
Gaano ito katagal? Para sa ilan, matagal na ang ilang buwan. Para naman sa marami, mga isa o dalawang taon pa nga ang kailangan para maka-recover. Ang iba naman ay nangangailangan ng higit pang panahon. * “Sa sitwasyon ko,” ang sabi ni Alejandro, “mga tatlong taon din akong nagdalamhati.”
Maging matiisin sa sarili. Harapin ang bawat araw ayon sa kakayahan mo, at tandaan na ang sakit na dulot ng pagdadalamhati ay may katapusan din. Kung gayon, may magagawa ka ba para mabawasan ang pagdadalamhati mo ngayon at hindi na ito magtagal?
Normal lang na dumanas ng matinding kirot kapag nagdadalamhati
^ Napakatindi at nagtatagal ang pagdadalamhati ng ilan kung kaya nauuwi ito sa tinatawag na komplikado o namamalaging pagdadalamhati. Ang gayong mga indibidwal ay baka mangailangan ng tulong ng mga doktor.