Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

TULONG PARA SA MGA NAGDADALAMHATI

Pagharap sa Pagdadalamhati—Ang Puwede Mong Gawin

Pagharap sa Pagdadalamhati—Ang Puwede Mong Gawin

Kung naghahanap ka ng payo para maharap ang pagdadalamhati, marami kang makikita—may nakakatulong, mayroon ding hindi. Iyan ay dahil, gaya ng nabanggit noong una, iba-iba ang paraan ng pagdadalamhati ng bawat tao. Ang makakabuti sa isa ay baka hindi naman makakatulong sa iba.

Sa kabila nito, may mga bagay na napatunayang epektibo ng marami. Ang mga ito ay madalas banggitin ng mga eksperto, at masasalamin sa mga ito ang walang-kupas na mga simulaing makikita sa sinaunang aklat ng karunungan, ang Bibliya.

1: TUMANGGAP NG TULONG MULA SA MGA KAPAMILYA AT KAIBIGAN

  • Ayon sa ilang eksperto, ito ang pinakamahalagang hakbang para makayanan ang pagdadalamhati. Pero minsan, baka gusto mong mapag-isa. Baka mairita ka pa nga sa mga taong nagsisikap na tumulong sa iyo. Normal lang iyon.

  • Hindi naman kailangang lagi kang maraming kasama, pero huwag mo rin silang ipagtabuyan. Tutal, baka kailanganin mo ang tulong nila. Mabait na ipagbigay-alam sa iba kung ano ang kailangan mo sa pagkakataong iyon, at kung ano ang hindi.

  • Ayon sa pangangailangan mo, balansehin ang panahon kasama ng iba at ang pag-iisa.

SIMULAIN: “Ang dalawa ay mas mabuti kaysa sa isa . . . Dahil kung mabuwal ang isa sa kanila, maibabangon siya ng kasama niya.”​—Eclesiastes 4:9, 10.

2: MAG-INGAT SA KINAKAIN MO, AT MAG-EHERSISYO

  • Makakatulong ang balanseng pagkain para maharap ang stress na dulot ng pagdadalamhati. Kumain ng iba’t ibang prutas, gulay, at lean protein.

  • Uminom ng maraming tubig at iba pang masustansiyang inumin.

  • Kung wala kang gana, kumain nang unti-unti pero mas madalas. Puwede ka ring kumonsulta sa iyong doktor tungkol sa mga nutrition supplement. *

  • Ang brisk walking at iba pang uri ng ehersisyo ay makakabawas ng negatibong emosyon. Kapag nag-eehersisyo, may panahon kang makapag-isip-isip sa nangyari, o isaisantabi muna ito.

SIMULAIN: “Walang sinumang napopoot sa sarili niyang katawan, kundi pinakakain niya ito at inaalagaan.”​—Efeso 5:29.

3: MATULOG NANG SAPAT

  • Mahalaga ang pagtulog lalo na’t nakakapagod ang pagdadalamhati.

  • Bantayan ang dami ng iniinom mong caffeine at alak dahil makakaapekto ito sa tulog mo.

SIMULAIN: “Mas mabuti ang sandakot na pahinga kaysa sa dalawang dakot ng pagpapakapagod at paghahabol sa hangin.”​—Eclesiastes 4:6.

4: MAG-ADJUST

  • Tanggapin na iba-iba ang paraan ng pagdadalamhati ng bawat tao. Kailangan mong alamin kung ano ang paraang pinakamakakatulong sa iyo.

  • Marami ang natulungan ng pagsasabi ng kanilang niloloob sa iba; ayaw naman itong ipahayag ng iba. Magkakaiba ang opinyon ng mga eksperto tungkol dito. Kung kailangan mong ipakipag-usap sa iba ang nararamdaman mo pero nag-aalangan ka, baka makatulong kung unti-unti ka munang magkukuwento sa isang malapít na kaibigan.

  • Para sa iba, nakakatulong ang pag-iyak. Mas nakakayanan naman ng iba ang pagdadalamhati kahit hindi sila gaanong umiiyak.

SIMULAIN: “Nalalaman ng puso ang kaniyang sariling kapaitan.”​—Kawikaan 14:10, Ang Biblia.

5: UMIWAS SA BISYO

  • Para matakasan ang sakit ng damdamin, may ilang namatayan na bumabaling sa pag-abuso sa alak o droga. Pero mapanganib ito. Pansamantala lang ang ginhawang ibibigay nito at magdudulot ito ng matinding pinsala. Maghanap ng di-nakakapinsalang paraan para kumalma.

SIMULAIN: “Linisin natin ang ating sarili mula sa bawat karumihan.”​—2 Corinto 7:1.

6: BALANSEHIN ANG IYONG PANAHON

  • Nakatulong sa marami ang pagkakaroon ng panahon sa paggawa ng ibang bagay para hindi magtuloy-tuloy ang pagdadalamhati.

  • Makakatulong sa iyo ang pagbuo o pagpapatibay ng pagkakaibigan, pag-aaral ng mga bagong skill, o paglilibang.

  • Sa paglipas ng panahon, puwedeng magbago ang balanseng iyan. Dahil sa paggawa ng ibang bagay, unti-unting mababawasan ang pagdadalamhati mo—palatandaan na nakaka-recover ka na.

SIMULAIN: “May takdang panahon para sa lahat ng bagay, . . . panahon ng pag-iyak at panahon ng pagtawa; panahon ng paghagulgol at panahon ng pagsasayaw.”​—Eclesiastes 3:1, 4.

7: SUMUNOD SA ISANG RUTIN

  • Sa lalong madaling panahon, bumalik sa normal mong rutin.

  • Kapag mayroon kang rutin sa pagtulog, pagtatrabaho, at iba pang gawain, mas madaling bumalik sa normal ang mga bagay-bagay.

  • Kapag abala ka sa positibong mga gawain, makakatulong ito para mabawasan ang sakit.

SIMULAIN: “Halos hindi niya mapapansin ang paglipas ng mga araw ng buhay niya, dahil ginagawa siyang abala ng tunay na Diyos sa mga bagay na nagpapasaya sa puso.”​—Eclesiastes 5:20.

8: HUWAG MAGPADALOS-DALOS SA PAGGAWA NG MALALAKING DESISYON

  • Maraming namatayan ang nagsisisi dahil nagpadalos-dalos sila sa paggawa ng malalaking desisyon.

  • Kung posible, magpalipas ng makatuwirang panahon bago lumipat ng tirahan, magpalit ng trabaho, o itapon ang mga gamit ng mahal mo sa buhay.

SIMULAIN: “Ang mga plano ng masipag ay tiyak na magtatagumpay, pero ang lahat ng padalos-dalos ay tiyak na maghihirap.”​—Kawikaan 21:5.

9: ALALAHANIN ANG IYONG MAHAL SA BUHAY

  • Para sa maraming namatayan, nakakatulong ang mga gawaing nagpapaalaala tungkol sa namatay.

  • Baka makatulong sa iyo ang pag-iipon ng mga picture o alaala o ang pagkakaroon ng diary ng mga pangyayari at kuwentong gusto mong matandaan.

  • Ipunin ang mga bagay na may magagandang alaala at tingnan ang mga ito kapag handa ka na.

SIMULAIN: “Alalahanin ninyo ang lumipas na panahon.”​—Deuteronomio 32:7.

10: MAGBAKASYON

  • Pag-isipang magbakasyon.

  • Kung hindi praktikal ang mahabang bakasyon, baka may puwede kang gawin sa loob ng isa o dalawang araw na kasiya-siya, gaya ng hiking, pagpunta sa museum, o pagda-drive.

  • Makakatulong kahit ang panandaliang pagbabago sa iyong rutin.

SIMULAIN: “Sumama kayo sa akin sa isang lugar na malayo sa mga tao at magpahinga tayo nang kaunti.”​—Marcos 6:31.

11: TUMULONG SA IBA

  • Kapag tumutulong ka sa iba, gagaan ang pakiramdam mo.

  • Puwede mong tulungan ang mga naapektuhan ng pagkamatay ng mahal mo sa buhay, gaya ng mga kaibigan o kamag-anak na nangangailangan ng masasandalan.

  • Ang pagtulong sa iba ay makapagbibigay sa iyo ng kasiyahan at layunin sa buhay.

SIMULAIN: “May higit na kaligayahan sa pagbibigay kaysa sa pagtanggap.”​—Gawa 20:35.

12: SURIIN MULI ANG MGA PRIYORIDAD MO

  • Dahil sa pagdadalamhati, mas mauunawaan mo kung ano ang mga bagay na mahalaga.

  • Samantalahin ang pagkakataon para masuri kung paano mo ginagamit ang iyong buhay.

  • Kung kailangan, baguhin ang iyong mga priyoridad.

SIMULAIN: “Mas mabuting pumunta sa bahay ng namatayan kaysa sa bahay na may handaan, dahil iyon ang wakas ng lahat ng tao, at dapat itong isapuso ng mga buháy.”​—Eclesiastes 7:2.

Ang totoo, walang lubusang makapag-aalis ng sakit na nararamdaman mo. Pero maraming namatayan ang makapagsasabi na nakatulong sa kanila ang paggawa ng positibong mga hakbang, gaya ng nakalista sa artikulong ito. Siyempre, hindi ito kumpletong listahan ng mga puwedeng gawin para mabawasan ang pagdadalamhati. Pero kung susubukan mo ang ilan sa mga mungkahing ito, puwedeng gumaan ang iyong damdamin.

^ Ang Gumising! ay hindi nagrerekomenda ng anumang partikular na paggamot.