PAGMAMASID SA DAIGDIG
Pagtutok sa mga Lupain sa Amerika
Ipinakikita ng mga balita mula sa Kanlurang Hemisperyo ang kahalagahan ng di-kumukupas na karunungan ng Bibliya.
Madalang na Pag-check sa E-mail—Nakakabawas Ba ng Stress?
Posibleng mabawasan ang stress ng isa kung tatlong beses sa isang araw lang niya titingnan ang kaniyang e-mail, sa halip na lagi niya itong tinitingnan, ayon sa isang pagsasaliksik sa Vancouver, Canada. Si Kostadin Kushlev, ang nanguna sa pag-aaral, ay nagsabi tungkol sa resulta ng pag-aaral: “Nahihirapan ang mga tao na labanan ang tuksong tumingin sa e-mail, pero kapag nagawa nila ito, makakabawas ito ng stress.”
PAG-ISIPAN: Nabubuhay tayo sa “mga panahong mapanganib na mahirap pakitunguhan,” kaya hindi ba dapat lang na humanap tayo ng mga paraan para mabawasan ang ating stress?—2 Timoteo 3:1.
Muling Nakabawi Mula sa Labis na Pangingisda
Sa Belize at sa iba pang lugar sa Caribbean, “may naiulat na pagdami ng susô, ulang, at isda sa mga lugar na ipinagbabawal ang pangingisda,” ang sabi ng isang ulat sa Wildlife Conservation Society (WCS). Dagdag pa nito: “Ang mga papaubos nang lamandagat sa mga lugar na bawal mangisda ay nangangailangan lang ng 1-6 na taon para makabawi, di-gaya sa mga lugar na patuloy na pinangingisdaan. Pero aabot pa rin nang ilang dekada para lubusang makabawi ang mga ito.” Ganito ang sinabi ni Janet Gibson, program director ng WCS, tungkol sa Belize: “Maliwanag na makatutulong ang pagkakaroon ng mga lugar na ipinagbabawal ang pangingisda para makabawi ang mga pangisdaan ng bansa at ang pagkakasari-sari ng buhay rito.”
PAG-ISIPAN: Ang kakayahan ba ng kalikasan na makabawi ay nagpapatunay na may matalinong Maylalang?—Awit 104:24, 25.
KARAHASAN SA BRAZIL
Dumarami ang karahasan sa Brazil, ayon sa ulat ng news service na Agência Brasil. Noong 2012, ang bilang ng pagpatay ay lumampas sa 56,000—ang pinakamataas na naiulat ng Ministry of Health sa loob ng isang taon. Naniniwala si Luís Sapori, isang eksperto sa pampublikong seguridad, na ang pagdami ng karahasan ay nagpapahiwatig ng pagbaba ng moral. Kapag nawalan ng paggalang ang mga tao sa batas ng isang lipunan, “gumagamit sila ng dahas para makuha ang gusto nila,” ang sabi niya.
ALAM MO BA? Inihula ng Bibliya ang isang panahon kung kailan “lalamig” ang pag-ibig at lalago ang kasamaan.—Mateo 24:3, 12.