Mga Tanong Mula sa mga Mambabasa
Mga Tanong Mula sa mga Mambabasa
Sa Roma 12:19, ipinahihiwatig ba ni apostol Pablo na hindi dapat mapoot ang mga Kristiyano nang sabihin niya: “Huwag ipaghiganti ang inyong sarili, mga iniibig, kundi bigyan ninyo ng dako ang poot”?
Ang totoo, hindi naman. Tinutukoy rito ni apostol Pablo ang poot ng Diyos. Sabihin pa, hindi naman ito nangangahulugan na hindi na mahalaga kung magalit man ang mga Kristiyano. Maliwanag na ipinapayo ng Bibliya sa atin na huwag tayong mapoot. Isaalang-alang ang halimbawa ng payo ng Diyos.
“Iwasan mo ang galit at iwanan mo ang pagngangalit; huwag kang mag-init na hahantong lamang sa paggawa ng masama.” (Awit 37:8) “Ang bawat isa na patuloy na napopoot sa kaniyang kapatid ay magsusulit sa hukuman ng katarungan.” (Mateo 5:22) “Ang mga gawa ng laman ay hayag, at ang mga ito ay pakikiapid, kawalang-kalinisan, mahalay na paggawi, idolatriya, pagsasagawa ng espiritismo, mga awayan, alitan, paninibugho, mga silakbo ng galit.” (Galacia 5:19, 20) “Ang lahat ng mapaminsalang kapaitan at galit at poot at hiyawan at mapang-abusong pananalita ay alisin mula sa inyo.” (Efeso 4:31) “Ang bawat tao ay dapat na maging matulin sa pakikinig, mabagal sa pagsasalita, mabagal sa pagkapoot.” (Santiago 1:19) Bukod dito, ang aklat ng Mga Kawikaan ay paulit-ulit na nagpapayo sa atin na huwag bigyang-daan ang poot o maging magagalitin tungkol sa maliliit na pagkakasala at mga pagkakamali ng tao.—Kawikaan 12:16; 14:17, 29; 15:1; 16:32; 17:14; 19:11, 19; 22:24; 25:28; 29:22.
Ang konteksto ng Roma 12:19 ay kasuwato ng gayong payo. Inirekomenda ni Pablo na ang ating pag-ibig ay huwag maging paimbabaw, na ating pagpalain yaong mga umuusig sa atin, na sikapin nating mag-isip nang mabuti sa iba, na huwag nating gantihan ng masama ang masama, at na sikapin nating makipagpayapaan sa lahat. Pagkatapos ay nanghimok siya: “Huwag ipaghiganti ang inyong sarili, mga iniibig, kundi bigyan ninyo ng dako ang poot; sapagkat nasusulat: ‘Akin ang paghihiganti; ako ang gaganti, sabi ni Jehova.’ ”—Roma 12:9, 14, 16-19.
Oo, hindi natin dapat hayaang itulak tayo ng galit para maghiganti. Ang ating kabatiran sa mga situwasyon at ang ating unawa sa katarungan ay hindi sakdal. Kung hahayaan natin ang galit na pakilusin tayong maghiganti, mas madalas na magkakamali tayo. Isasakatuparan niyaon ang layunin ng Kaaway ng Diyos, ang Diyablo. Sa isang dako ay isinulat ni Pablo: “Mapoot kayo, gayunma’y huwag magkasala; huwag hayaang lumubog ang araw na kayo ay nasa kalagayang pukáw sa galit, ni magbigay ng dako sa Diyablo.”—Efeso 4:26, 27.
Ang mas mabuting gawin, ang mas matalinong gawin, ay ang hayaan ang Diyos ang siyang tumiyak kung kailan at kung kanino ilalapat ang paghihiganti. Magagawa niya iyon taglay ang buong-kabatiran sa mga salik, at anumang paghihiganti na kaniyang gagawin ay magpapabanaag ng kaniyang sakdal na katarungan. Mauunawaan natin na ito ang punto ni Pablo sa Roma 12:19 kung ating papansinin ang kaniyang pagtukoy sa Deuteronomio 32:35, 41, na doo’y kasali ang mga salitang ito: “Akin ang paghihiganti, at ang kagantihan.” (Ihambing ang Hebreo 10:30.) Kaya, bagaman hindi masusumpungan ang mga salitang “ng Diyos” sa tekstong Griego, isiningit ng ilang makabagong tagapagsalin ang mga ito sa Roma 12:19. Ito ang umakay sa mga salin na gaya ng “hayaang ang Diyos ang gumanti” (The Contemporary English Version); “magbigay-dako sa poot ng Diyos” (American Standard Version); “hayaang magparusa ang Diyos kung loloobin niya” (The New Testament in Modern English); “mag-iwan ng dako sa banal na paghihiganti.”—The New English Bible.
Kahit kapag inabuso o inusig ng mga kaaway ng katotohanan, maipamamalas natin ang pagtitiwala sa pagkakalarawan sa Diyos na Jehova na narinig ni Moises: “Si Jehova, si Jehova, isang Diyos na maawain at magandang-loob, mabagal sa pagkagalit at sagana sa maibiging-kabaitan at katotohanan, nag-iingat ng maibiging-kabaitan sa libu-libo, nagpapaumanhin sa kamalian at pagsalansang at kasalanan, ngunit sa anumang paraan ay wala siyang pinaliligtas sa kaparusahan.”—Exodo 34:6, 7.