‘O Diyos, Isugo Mo ang Iyong Liwanag’
‘O Diyos, Isugo Mo ang Iyong Liwanag’
“Isugo mo ang iyong liwanag at ang iyong katotohanan. Patnubayan nawa ako ng mga ito.”—AWIT 43:3.
1. Paano isinisiwalat ni Jehova ang kaniyang mga layunin?
NAPAKAMAUNAWAIN ni Jehova sa kaniyang paraan na ginagamit upang ipabatid ang kaniyang mga layunin sa kaniyang mga lingkod. Sa halip na sabay-sabay na isiwalat ang katotohanan sa isang nakabubulag na sinag ng liwanag, inuunti-unti niya ang pasulong na pagpapaliwanag sa atin. Ang ating pagtahak sa landas ng buhay ay maaaring ihalintulad sa paglakad ng isang tao sa isang mahabang daan. Maagang-maaga siyang nagsisimula at wala siyang gaanong nakikita. Habang unti-unting sumisikat ang araw sa abot-tanaw, nakikita na ng taong ito ang pailan-ilang bagay sa kaniyang paligid. Ang iba nama’y nababanaag
niya sa malabong balangkas. Subalit habang patuloy sa pagtaas ang araw, palayo na nang palayo ang kaniyang nakikita. Ganiyan din kung tungkol sa espirituwal na liwanag na inilalaan ng Diyos. Ipinahihintulot niyang maunawaan natin ang ilang bagay nang paunti-unti. Ganiyan din ang paraan ng Anak ng Diyos, si Jesu-Kristo, sa paglalaan ng espirituwal na kaliwanagan. Isaalang-alang natin kung paano pinangyari ni Jehova na maliwanagan ang kaniyang bayan noong sinaunang panahon at kung paano rin niya ginagawa ito sa ngayon.2. Paano naglaan ng kaliwanagan si Jehova bago ang mga panahong Kristiyano?
2 Malamang na ang mga anak ni Kora ang kumatha ng ika-43 Awit. Bilang mga Levita, pribilehiyo nilang ituro sa bayan ang Kautusan ng Diyos. (Malakias 2:7) Mangyari pa, si Jehova ang kanilang Dakilang Tagapagturo, at sila’y umasa sa kaniya bilang siyang Pinagmumulan ng lahat ng karunungan. (Isaias 30:20) “O Diyos, . . . isugo mo ang iyong liwanag at ang iyong katotohanan,” ang panalangin ng salmista. “Patnubayan nawa ako ng mga ito.” (Awit 43:1, 3) Habang ang mga Israelita ay nagtatapat sa kaniya, itinuturo ni Jehova ang kaniyang mga daan sa kanila. Makalipas ang ilang siglo, ipinagkaloob ni Jehova sa kanila ang pinakapambihirang uri ng liwanag at katotohanan. Ginawa ito ng Diyos nang isugo niya sa lupa ang kaniyang Anak.
3. Sa anong paraan nasubok ang mga Judio sa pamamagitan ng turo ni Jesus?
3 Bilang ang taong si Jesu-Kristo, ang Anak ng Diyos “ang liwanag ng sanlibutan.” (Juan 8:12) Tinuruan niya ang mga tao ng “maraming mga bagay sa pamamagitan ng mga ilustrasyon”—mga bagong bagay. (Marcos 4:2) Sinabi niya kay Poncio Pilato: “Ang kaharian ko ay hindi bahagi ng sanlibutang ito.” (Juan 18:36) Iyan ay isang bagong ideya para sa isang Romano at tiyak na gayundin para sa nasyonalistikong mga Judio, sapagkat ang akala nila’y paluluhurin ng Mesiyas ang Imperyong Romano at isasauli ang Israel sa dating kaluwalhatian nito. Ipinaaaninag ni Jesus ang liwanag mula kay Jehova, subalit ang kaniyang mga sinabi ay hindi nagustuhan ng mga pinunong Judio, na ‘umiibig sa kaluwalhatian ng tao nang higit pa kaysa sa kaluwalhatian ng Diyos.’ (Juan 12:42, 43) Minabuti pa ng maraming tao na mangunyapit sa kanilang tradisyon sa halip na tanggapin ang espirituwal na liwanag at katotohanan mula sa Diyos.—Awit 43:3; Mateo 13:15.
4. Paano natin malalaman na patuloy na susulong ang kaunawaan ng mga alagad ni Jesus?
4 Gayunman, may ilang tapat-pusong lalaki at babae na maligayang yumakap sa katotohanang itinuro ni Jesus. Patuloy silang sumulong sa kanilang kaunawaan tungkol sa mga layunin ng Diyos. Subalit habang papalapit ang wakas ng buhay ng kanilang Guro dito sa lupa, marami pa rin silang dapat matutuhan. Sinabi sa kanila ni Jesus: “Marami pa akong mga bagay na sasabihin sa inyo, subalit hindi ninyo makakayang batahin ang mga iyon sa kasalukuyan.” (Juan 16:12) Oo, patuloy na susulong ang kaunawaan ng mga alagad hinggil sa katotohanan ng Diyos.
Patuloy na Sumisikat ang Liwanag
5. Anong tanong ang bumangon noong unang siglo, at sino ang may pananagutang lumutas nito?
5 Matapos mamatay at buhaying-muli si Jesus, higit na nagningning ang sikat ng liwanag mula sa Diyos kaysa noon. Sa isang pangitaing ibinigay kay Pedro, isiniwalat ni Jehova na mula sa panahong iyon ay maaari nang maging tagasunod ni Kristo ang mga di-tuling Gentil. (Gawa 10:9-17) Isa ngang pagsisiwalat iyan! Gayunman, pagkaraan ay bumangon ang isang tanong: Iniutos ba ni Jehova na magpatuli ang mga Gentil na ito matapos na sila’y maging mga Kristiyano? Ang tanong na iyan ay hindi sinagot sa pangitain, at ang bagay na iyan ay naging paksa ng mainitang pagtatalo sa gitna ng mga Kristiyano. Kailangang malutas iyan, kung hindi ay masisira ang kanilang napakahalagang pagkakaisa. Kaya naman, sa Jerusalem, “ang mga apostol at ang mga nakatatandang lalaki ay nagtipon upang tingnan ang tungkol sa bagay na ito.”—Gawa 15:1, 2, 6.
6. Anong pamamaraan ang sinunod ng mga apostol at ng mga nakatatandang lalaki nang isaalang-alang nila ang usapin hinggil sa pagtutuli?
6 Paano kaya matitiyak ng mga naroroon sa pulong na iyon ang kalooban ng Diyos para sa sumasampalatayang mga Gentil? Hindi nagsugo si Jehova ng isang anghel upang pangasiwaan ang pag-uusap nila, ni pinagkalooban niya ng isang pangitain ang mga naroroon. Gayunman, hindi naman lubusang pinabayaan ang mga apostol at mga nakatatandang lalaki nang walang patnubay. Isinaalang-alang nila ang patotoo mula sa ilang Kristiyanong Judio na nakakita kung paano nagsimulang makitungo ang Diyos sa mga tao ng mga bansa, na ibinubuhos ang kaniyang banal na espiritu sa mga di-tuling Gentil. Sinaliksik din nila ang Kasulatan ukol sa patnubay. Bilang resulta, nagbigay ng isang rekomendasyon ang alagad na si Santiago batay sa isang nagbibigay-liwanag na kasulatan. Habang Gawa 15:12-29; 16:4.
pinag-iisipan nilang mabuti ang katibayan, naging maliwanag ang kalooban ng Diyos. Hindi na kailangang magpatuli pa yaong mga kabilang sa mga bansa upang tamasahin ang pagsang-ayon ni Jehova. Agad na isinulat ng mga apostol at ng mga nakatatandang lalaki ang naging pasiya upang gawing panuntunan ng kapuwa mga Kristiyano.—7. Sa anong paraan sumulong ang unang-siglong mga Kristiyano?
7 Di-gaya ng mga Judiong lider ng relihiyon, na nangunyapit sa mga tradisyon ng kanilang mga ninuno, karamihan sa mga Judiong Kristiyano ay nagsaya nang tanggapin nila ang naiiba at bagong kaunawaang ito hinggil sa layunin ng Diyos may kinalaman sa mga tao ng mga bansa, bagaman ang pagtanggap nito ay nangangahulugan ng pagbabago sa pangmalas hinggil sa mga Gentil sa pangkalahatan. Pinagpala ni Jehova ang kanilang mapagpakumbabang espiritu, at “ang mga kongregasyon ay nagpatuloy na maging matatag sa pananampalataya at dumami ang bilang sa araw-araw.”—Gawa 15:31; 16:5.
8. (a) Paano natin nalalaman na higit pang liwanag ang maaaring asahan nang magtapos ang unang siglo? (b) Anong angkop na mga tanong ang isasaalang-alang natin?
8 Patuloy na sumikat ang espirituwal na liwanag sa buong nagdaang unang siglo. Subalit hindi isiniwalat ni Jehova ang bawat aspekto ng kaniyang mga layunin sa sinaunang mga Kristiyano. Sinabi ni apostol Pablo sa unang-siglong mga kapananampalataya: “Sa kasalukuyan ay nakakakita tayo sa malabong balangkas sa pamamagitan ng salaming metal.” (1 Corinto 13:12) Ang gayong uri ng salamin ay hindi gaanong malinaw. Kung gayon, sa pasimula’y magiging limitado lamang ang pagkaunawa sa espirituwal na liwanag. Pagkamatay ng mga apostol, pansamantalang nangulimlim ang liwanag, ngunit nitong kamakailan, ang kaalaman sa Kasulatan ay sumagana. (Daniel 12:4) Paano nagbibigay-liwanag si Jehova sa kaniyang bayan sa ngayon? At paano tayo dapat tumugon kapag pinalalawak niya ang ating kaunawaan hinggil sa Kasulatan?
Paningning Nang Paningning ang Liwanag
9. Anong naiiba at epektibong paraan ng pag-aaral sa Bibliya ang ginamit ng sinaunang mga Estudyante ng Bibliya?
9 Sa modernong panahon, ang kauna-unahang pagkutitap ng liwanag ay nagsimulang kumislap sa huling sangkapat na bahagi ng ika-19 na siglo nang pasimulan ng isang grupo ng mga lalaki at babaing Kristiyano ang masigasig na pag-aaral ng Kasulatan. Gumawa sila ng isang praktikal na paraan ng pag-aaral sa Bibliya. May isang magtatanong; pagkatapos ay pag-aaralang mabuti ng grupo ang lahat ng kaugnay na mga teksto sa Kasulatan. Kapag waring nagkakasalungatan ang dalawang talata sa Bibliya, sinisikap ng taimtim na mga Kristiyanong ito na mapagtugma ang dalawa. Di-gaya ng mga lider
ng relihiyon sa ngayon, determinado ang mga Estudyante ng Bibliya (gaya ng pagkakilala sa mga Saksi ni Jehova noon) na hayaang ang Banal na Kasulatan, hindi ang tradisyon o gawang-taong paniniwala, ang pumatnubay sa kanila. Matapos nilang maisaalang-alang ang lahat ng makukuhang katibayan sa Kasulatan, gumawa sila ng isang rekord ng kanilang napagpasiyahan. Sa ganiyang paraan naging malinaw ang kanilang pagkaunawa sa maraming saligang doktrina sa Bibliya.10. Isinulat ni Charles Taze Russell ang anong mahahalagang pantulong sa pag-aaral ng Bibliya?
10 Ang pinakabantog sa mga Estudyante ng Bibliya ay si Charles Taze Russell. Isinulat niya ang isang serye ng anim na mahahalagang pantulong sa pag-aaral ng Bibliya na pinamagatang Studies in the Scriptures. Binalak ni Brother Russell na isulat ang ikapitong tomo, na magpapaliwanag sa mga aklat ng Ezekiel at Apocalipsis sa Bibliya. “Kapag nakita ko na ang sagot,” sabi niya, “isusulat ko ang Ikapitong Tomo.” Subalit, idinagdag niya: “Kung sa iba ibibigay ng Panginoon ang sagot, siya ang makasusulat niyaon.”
11. Anong kaugnayan mayroon ang panahon at ang ating kaunawaan sa mga layunin ng Diyos?
11 Inilalarawan ng nabanggit na pangungusap ni C. T. Russell ang isang mahalagang salik sa ating kakayahang makaunawa ng ilang talata sa Bibliya—panahon. Batid ni Brother Russell na hindi niya mapipilit na sumikat ang liwanag sa aklat ng Apocalipsis kung paanong hindi mahihimok ng isang taong sabik nang maglakad na sumikat ang araw bago ang takdang panahon nito.
Isiniwalat—Ngunit sa Takdang Panahon ng Diyos
12. (a) Kailan buong-liwanag na nauunawaan ang hula sa Bibliya? (b) Anong halimbawa ang nagpapakita na ang ating kakayahang umunawa sa hula ng Bibliya ay depende sa talaorasan ng Diyos? (Tingnan ang talababa.)
12 Kung paanong naunawaan ng mga apostol ang maraming hula hinggil sa Mesiyas tangi lamang noong mamatay at buhaying-muli si Jesus, nauunawaan ng mga Kristiyano sa ngayon ang pinakadetalye ng hula ng Bibliya tangi lamang kapag naganap na ito. (Lucas 24:15, 27; Gawa 1:15-21; 4:26, 27) Ang Apocalipsis ay isang makahulang aklat, kaya naman inaasahan natin na buong-liwanag na mauunawaan ito habang nagaganap ang mga pangyayaring inilalarawan nito. Halimbawa, hindi maaaring maunawaan nang may kawastuan ni C. T. Russell ang kahulugan ng simbolikong kulay-matingkad-pulang mabangis na hayop na binanggit sa Apocalipsis 17:9-11, yamang ang mga organisasyong kumakatawan sa hayop, alalaong baga, ang Liga ng mga Bansa at ang Nagkakaisang mga Bansa, ay hindi pa naman umiiral noon kundi noon lamang pagkamatay niya. *
13. Ano kung minsan ang nangyayari kapag pinasikat ang liwanag hinggil sa isang paksa sa Bibliya?
13 Nang malaman ng sinaunang mga Kristiyano na maaari nang maging mga kapananampalataya ang di-tuling mga Gentil, ang pagbabagong iyan ay umakay sa isang panibagong usapin hinggil sa pangangailangang tuliin ang mga tao ng mga bansa. Naging dahilan ito upang muling-suriin ng mga apostol at ng mga nakatatandang lalaki ang buong isyu ng pagtutuli. Kapit pa rin sa ngayon ang gayunding parisan. Kung minsan, ang isang maningning na sinag ng liwanag hinggil sa isang paksa sa Bibliya ay umaakay sa pinahirang mga lingkod ng Diyos, “ang tapat at maingat na alipin,” na muling-suriin ang kaugnay na mga paksa, gaya ng inilalarawan ng sumusunod na kamakailang halimbawa.—Mateo 24:45.
14-16. Paano naapektuhan ng isang paglilinaw sa ating pangmalas hinggil sa espirituwal na templo ang ating pagkaunawa sa Ezekiel kabanata 40 hanggang 48?
14 Noong 1971, isang paliwanag sa hula ni Ezekiel ang inilathala sa aklat na “The Nations Shall Know That I Am Jehovah”—How? Maigsing tinalakay sa isang kabanata ng aklat na iyon ang pangitain ni Ezekiel hinggil sa isang templo. (Ezekiel, kabanata 40-48) Nang panahong iyon, ang pinagtutuunan ng pansin ay kung paano matutupad sa bagong sanlibutan ang pangitain ni Ezekiel hinggil sa templo.—2 Pedro 3:13.
15 Gayunman, naapektuhan ng dalawang artikulo na inilathala sa Ang Bantayan ng Hunyo 1, 1973, ang ating pagkaunawa sa pangitain ni Ezekiel. Tinalakay ng mga ito ang malaking espirituwal na Hebreo kabanata 10. Ipinaliwanag ng Ang Bantayan na ang Banal na silid at ang pinakaloob na looban ng espirituwal na templo ay may kaugnayan sa kalagayan ng mga pinahiran habang sila’y nasa lupa. Nang repasuhin ang Ezekiel kabanata 40 hanggang 48 makalipas ang ilang taon, napag-unawa na yamang umiiral sa ngayon ang espirituwal na templo, tiyak na umiiral din sa ngayon ang templong nakita ni Ezekiel sa pangitain. Paano?
templo na inilarawan ni apostol Pablo sa16 Sa pangitain ni Ezekiel, nakikita ang mga saserdote na nagpaparoo’t-parito sa mga looban ng templo habang pinaglilingkuran nila ang di-makasaserdoteng mga tribo. Maliwanag na kumakatawan ang mga saserdoteng ito sa “maharlikang pagkasaserdote,” ang pinahirang mga lingkod ni Jehova. (1 Pedro 2:9) Gayunman, hindi sila maglilingkod sa makalupang looban ng templo sa buong Sanlibong Taóng Paghahari ni Kristo. (Apocalipsis 20:4) Sa kalakhang bahagi ng panahong iyon, kung hindi man sa kabuuan nito, ang mga pinahiran ay maglilingkod sa Diyos sa Kabanal-banalang Dako ng espirituwal na templo, sa “langit mismo.” (Hebreo 9:24) Yamang nakikita ang mga saserdote na nagpapabalik-balik sa mga looban ng templo ni Ezekiel, ang pangitaing iyon ay tiyak na natutupad na sa ngayon, habang ang ilan sa mga pinahiran ay naririto pa sa lupa. Alinsunod dito, ang Marso 1, 1999, isyu ng magasing ito ay nagpaaninag ng isang mas malinaw na pangmalas sa paksang ito. Samakatuwid, hanggang sa dulo ng ika-20 siglo, ang espirituwal na liwanag ay pinasikat sa hula ni Ezekiel.
Maging Handa na Baguhin ang Iyong Pangmalas
17. Anong mga pagbabago sa personal na pangmalas ang nagawa mo na mula nang malaman mo ang katotohanan, at paano ka nakinabang sa mga ito?
17 Sinumang nagnanais na makaalam ng katotohanan ay dapat na maging handa na dalhin “ang bawat kaisipan sa pagkabihag upang gawing masunurin iyon sa Kristo.” (2 Corinto 10:5) Hindi iyan laging madali, lalo na nga kung napakatibay na ng pagkakatatag ng mga pangmalas. Halimbawa, bago matutuhan ang katotohanan ng Diyos, baka natutuwa kang ipagdiwang ang ilang relihiyosong kapistahan kasama ng iyong pamilya. Nang magsimula kang mag-aral ng Bibliya, napagtanto mo na ang mga pagdiriwang na ito’y nagmula pala sa mga pagano mismo. Sa simula, baka alinlangan kang ikapit ang iyong natututuhan. Gayunman, sa wakas ay napatunayang mas malakas ang pag-ibig sa Diyos kaysa sa relihiyosong damdamin, at itinigil mo na ang pakikibahagi sa mga pagdiriwang na di-nakalulugod sa Diyos. Hindi ba’t pinagpala ni Jehova ang iyong pasiya?—Ihambing ang Hebreo 11:25.
18. Ano ang dapat na maging reaksiyon natin kapag nililinaw ang ating pagkaunawa sa katotohanan sa Bibliya?
18 Palagi tayong nakikinabang sa paggawa ng mga bagay ayon sa paraan ng Diyos. (Isaias 48:17, 18) Kaya kapag nililinaw ang ating pangmalas sa isang talata sa Bibliya, magsaya tayo sa sumusulong na katotohanan! Ang totoo, pinatutunayan ng ating patuloy na pagtatamo ng liwanag na tayo’y nasa tamang landas. Ito “ang landas ng mga matuwid,” na “tulad ng maningning na liwanag na papaliwanag nang papaliwanag hanggang sa ang araw ay malubos.” (Kawikaan 4:18) Totoo, sa kasalukuyan ay nakikita natin ang ilang aspekto ng layunin ng Diyos sa “malabong balangkas.” Ngunit kapag dumating na ang takdang oras ng Diyos, makikita natin ang katotohanan sa buong kagandahan nito, kung ang ating mga paa ay nananatiling matatag na nakatapak sa “landas.” Samantala, ipagbunyi nawa natin ang mga katotohanang niliwanag na ni Jehova, habang hinihintay ang pagbibigay-liwanag sa mga bagay na hindi pa lubusang nauunawaan.
19. Ano ang isang paraan upang ipakitang iniibig natin ang katotohanan?
19 Paano natin maipakikita sa isang praktikal na paraan ang ating pag-ibig sa liwanag? Ang isang paraan ay ang pagbabasa ng Salita ng Diyos nang palagian—araw-araw kung maaari. May sinusunod ka bang regular na programa sa pagbabasa ng Bibliya? Inilalaan din sa atin ng mga magasing Bantayan at Gumising! ang napakaraming nagpapalusog na espirituwal
na pagkain na matatamasa. Isaalang-alang din ang mga aklat, brosyur, at iba pang publikasyon na inihanda para sa ating kapakinabangan. At kumusta naman ang nakapagpapatibay na mga ulat hinggil sa mga gawaing pangangaral ng Kaharian na inilalathala sa Yearbook of Jehovah’s Witnesses?20. Anong kaugnayan mayroon ang liwanag at katotohanan mula kay Jehova at ang ating pagdalo sa mga Kristiyanong pagpupulong?
20 Oo, sa kamangha-manghang paraan ay sinagot ni Jehova ang panalanging nakasaad sa Awit 43:3. Sa dulo ng talatang iyon, mababasa natin: “Dalhin nawa ako [ng iyong liwanag at katotohanan] sa iyong banal na bundok at sa iyong maringal na tabernakulo.” Nasasabik ka bang sumamba kay Jehova, kasama ng napakarami pang iba? Ang espirituwal na pagtuturong inihaharap sa ating mga pulong ay isang mahalagang paraan ng pagbibigay-liwanag ni Jehova sa ngayon. Ano ang maaari nating gawin upang mapag-ibayo pa ang ating pagpapahalaga sa mga Kristiyanong pagpupulong? Inaanyayahan ka namin na may-pananalanging isaalang-alang ang paksang ito sa susunod na artikulo.
[Talababa]
^ par. 12 Pagkamatay ni C. T. Russell, inihanda ang isang publikasyon na tinukoy bilang ang ikapitong tomo ng Studies in the Scriptures sa pagtatangkang maglaan ng isang paliwanag hinggil sa mga aklat ng Ezekiel at Apocalipsis. Ang tomo ay ibinatay, sa isang bahagi, sa mga naging komento ni Russell hinggil sa mga aklat na iyon ng Bibliya. Gayunman, ang panahon ng pagsisiwalat sa kahulugan ng mga hulang iyon ay hindi pa dumarating, at sa pangkalahatan, ang ibinigay na paliwanag sa tomong iyon ng Studies in the Scriptures ay malabo pa. Nang sumunod na mga taon, mas tumpak na naunawaan ng mga Kristiyano ang kahulugan ng makahulang mga aklat na iyon dahil sa di-sana-nararapat na kabaitan ni Jehova at sa mga nagaganap sa tanawin ng daigdig.
Masasagot Mo Ba?
• Bakit inuunti-unti ni Jehova ang pasulong na pagsisiwalat sa kaniyang mga layunin?
• Paano nilutas ng mga apostol at ng mga nakatatandang lalaki sa Jerusalem ang isyu hinggil sa pagtutuli?
• Anong paraan ng pag-aaral sa Bibliya ang ginawa ng mga sinaunang Estudyante ng Bibliya, at bakit ito naiiba?
• Ilarawan kung paano isinisiwalat ang espirituwal na liwanag sa takdang panahon ng Diyos.
[Mga Tanong sa Aralin]
[Larawan sa pahina 12]
Batid ni Charles Taze Russell na sisikat ang liwanag sa aklat ng Apocalipsis sa takdang panahon ng Diyos