Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Ano ang Nalalaman Mo Tungkol sa Pangkukulam?

Ano ang Nalalaman Mo Tungkol sa Pangkukulam?

Ano ang Nalalaman Mo Tungkol sa Pangkukulam?

PANGKUKULAM! Ano ang ipinagugunita sa iyo ng salitang ito?

Para sa marami, ito’y ang saligang bagay tungkol sa pamahiin at pantasya, na hindi dapat seryosohin. Para sa kanila, umiiral lamang ang pangkukulam sa daigdig ng guniguni​—matatandang mangkukulam na nadaramtan ng kasuutang may balabal na naglalagay ng mga pakpak ng paniki sa isang kumukulong kawa, ginagawang palaka ang mga tao, at lumilipad sa himpapawid sa gabi sakay ng walis habang humahalakhak nang nakapanghihilakbot.

Para sa iba, hindi biru-birong bagay ang pangkukulam. Sinasabi ng ilang imbestigador na mahigit sa kalahati ng populasyon ng daigdig ang naniniwala na ang mga mangkukulam ay tunay at makaiimpluwensiya sa buhay ng iba. Milyun-milyon ang naniniwala na ang pangkukulam ay masama, mapanganib, at dapat na lubusang katakutan. Halimbawa, isang aklat tungkol sa mga relihiyon sa Aprika ang nagsabi: “Ang paniniwala sa magagawa at mga panganib ng masamang mahika, panggagaway at pangkukulam ay malalim ang pagkakaugat sa buhay sa Aprika . . . Ang mga mangkukulam at mga manggagaway ay lubhang kinapopootang mga tao sa kanilang komunidad. May mga lugar at mga pagkakataon magpahanggang sa ngayon kung saan sila ay binubugbog ng buong bayan hanggang mamatay.”

Gayunman, sa mga lupain sa Kanluran, ang pangkukulam ay nagkaroon ng bagong balatkayo upang magtinging disente. Malaki ang nagawa ng mga aklat, telebisyon, at mga pelikula upang bawasan ang takot sa pangkukulam. Ganito ang sinabi ng tagasuri ng libangan na si David Davis: “Biglang-bigla, ang mga mangkukulam ay naging mas bata at higit na kaakit-akit, talagang mas kaakit-akit. Mabilis ang Hollywood sa pagsabay sa kausuhan. . . . Sa paggawang mas kaakit-akit at kaibig-ibig ang mga mangkukulam, nakawiwili sila sa mas maraming manonood, kabilang na ang mga babae at mga bata.” Alam ng Hollywood kung paano pagkakakitaan ang anumang kausuhan.

Sinasabi ng ilan na ang pangkukulam ay naging isa sa pinakamabilis na lumalagong kilusang espirituwal sa Estados Unidos. Sa buong maunlad na daigdig, isang lumalaking bilang ng mga tao, na pinukaw ng mga kilusang maka-babae at nasiphayo sa kasalukuyang mga relihiyon, ang naghahanap ng espirituwal na kasiyahan sa iba’t ibang anyo ng pangkukulam. Sa katunayan, napakarami ng anyo ng pangkukulam anupat hindi magkasundo ang mga tao maging sa kahulugan ng salitang “mangkukulam.” Gayunman, ang nagpapakilalang mga mangkukulam ay kadalasang kabilang sa Wicca​—na binigyang katuturan sa isang diksyunaryo bilang “isang relihiyon na may paganong pinagmulan na nanggaling sa kanlurang Europa bago ang panahon ng mga Kristiyano at kasalukuyang sumasailalim sa ika-20 siglong pagpapanumbalik.” * Dahil dito, marami ang nagsasabi na sila’y mga pagano o makabagong mga pagano.

Sa buong kasaysayan, kinapootan, pinag-usig, pinahirapan, at pinatay pa nga ang mga mangkukulam. Hindi kataka-taka na ang makabagong mga nagsasagawa ng pangkukulam ay nagsisikap na pagandahin ang kanilang larawan. Sa isang surbey, maraming mangkukulam ang tinanong kung anong mensahe ang pinakagusto nilang ipahayag sa madla. Ang kanilang sagot, na binuod ng mananaliksik na si Margot Adler, ay: “Hindi kami masama. Hindi namin sinasamba ang Diyablo. Hindi kami nananakit o nanghihikayat ng mga tao. Hindi kami mapanganib. Kami’y mga ordinaryong tao na tulad ninyo. Mayroon kaming mga pamilya, hanapbuhay, bagay na inaasahan, at mga pangarap. Hindi kami isang kulto. Hindi kami kakatwa. . . . Hindi kayo dapat matakot sa amin. . . . Mas katulad ninyo kami kaysa iniisip ninyo.”

Parami na nang parami ang tumatanggap sa mensaheng iyan. Ngunit nangangahulugan ba ito na walang dahilan na mabahala tungkol sa pagsasagawa ng pangkukulam? Isaalang-alang natin ang tanong na iyan sa susunod na artikulo.

[Talababa]

^ par. 6 Ang salitang Ingles na “pangkukulam” ay nagmula sa Matandang Ingles na “wicce” at “wicca,” na ang una ay tumutukoy sa mga babae at ang pangalawa, sa mga lalaking nagsasagawa nito ayon sa pagkakasunod.