May Kodigong Lihim ba ang Bibliya?
May Kodigong Lihim ba ang Bibliya?
MGA dalawang taon pagkaraan ng pataksil na pagpatay kay Punong Ministro Yitzhak Rabin ng Israel noong 1995, sinabi ng isang peryodista na sa tulong ng teknolohiya ng computer, natuklasan niya ang isang prediksiyon hinggil sa pangyayaring iyon na nakatago sa orihinal na teksto ng Bibliyang Hebreo. Ang peryodista, si Michael Drosnin, ay sumulat na sinikap niyang babalaan ang punong ministro mahigit na isang taon bago ang pataksil na pagpatay subalit hindi ito pinakinggan.
Ang ibang mga aklat at mga artikulo ay nailathala na ngayon na nagsasabing ang kodigong lihim na ito ay naglalaan ng lubos na patotoo na ang Bibliya ay kinasihan ng Diyos. May gayon nga bang kodigo? Dapat bang maging saligan ng paniniwala ang kodigong lihim upang maniwala na ang Bibliya ay kinasihan ng Diyos?
Isang Bagong Ideya?
Ang ideya ng isang kodigong lihim sa teksto ng Bibliya ay hindi na bago. Ito ang pangunahing ideya sa Cabala, o tradisyunal na mistisismong Judio. Ayon sa mga guro ng Cabala, ang simpleng kahulugan ng teksto sa Bibliya ay hindi siyang tunay na kahulugan nito. Naniniwala sila na ginamit ng Diyos ang indibiduwal na mga titik ng teksto sa Bibliyang Hebreo bilang mga sagisag, na kapag naunawaan nang wasto ay nagsisiwalat ng higit na katotohanan. Sa kanilang pangmalas, ang bawat titik sa Hebreo at ang puwesto nito sa teksto sa Bibliya ay inilagay ng Diyos taglay ang isang espesipikong layunin sa isipan.
Ayon kay Jeffrey Satinover, isang mananaliksik sa kodigong ito ng Bibliya, naniniwala ang mga mistikong Judio na ito na ang mga titik sa Hebreo na ginamit upang isulat ang ulat ng paglalang sa Genesis ay may di-kapani-paniwalang mistikong kapangyarihan. Siya’y sumulat: “Sa maikli, ang Genesis ay hindi lamang isang paglalarawan; ito ang siyang instrumento ng paglalang mismo, isang plano sa isipan ng Diyos na nahayag sa pisikal na anyo.”
Isang rabbi ng Cabala noong ika-13 siglo, si Bachya ben Asher ng Saragossa, Espanya, ay sumulat tungkol sa isang lihim na impormasyon na isiniwalat sa kaniya sa pamamagitan ng pagbasa sa bawat ika-42 titik sa isang bahagi ng Genesis. Ang pamamaraang ito ng paglaktaw sa mga titik ayon sa isang partikular na pagkakasunud-sunod sa pagsisikap na matuklasan ang lihim na mga mensahe ang saligan ng makabagong ideya ng kodigo sa Bibliya.
“Isiniwalat” ng mga Computer ang Kodigo
Bago ang panahon ng computer, limitado ang kakayahan ng tao na suriin ang teksto ng Bibliya sa ganitong paraan. Gayunman, noong Agosto 1994, inilathala ng babasahing Statistical Science ang isang artikulo kung saan si Eliyahu Rips ng Hebrew University sa Jerusalem at ang kaniyang mga kapuwa mananaliksik ay may ilang nakagugulat na mga pag-aangkin. Ipinaliwanag nila na sa pamamagitan ng pag-aalis ng lahat ng mga espasyo sa pagitan ng mga titik at ng paggamit ng isang pagkakasunud-sunod na magkakatulad ang layo na mga paglaktaw sa pagitan ng mga titik sa tekstong Hebreo ng Genesis, natuklasan nila ang mga pangalan ng 34 na kilalang mga rabbi na nasa anyong kodigo sa teksto, kasama ang iba pang impormasyon, gaya ng kanilang mga petsa ng kapanganakan o kamatayan, na malapit sa kani-kanilang pangalan. * Pagkatapos ng paulit-ulit na pagsubok, inilathala ng mga mananaliksik ang kanilang konklusyon na ang nasa anyong kodigo na impormasyon sa Genesis ay hindi nagkataon lamang ayon sa estadistika—patotoo ito ng kinasihang impormasyon na sadyang inilihim sa anyong kodigo sa Genesis libu-libong taon na ang nakalipas.
Mula sa pamamaraang ito, ang peryodistang si Drosnin ay gumawa ng sarili niyang mga pagsubok, anupat hinahanap ang lihim na impormasyon sa unang limang aklat ng Bibliyang Hebreo. Ayon kay Drosnin, nasumpungan niya ang pangalan ni Yitzhak Rabin na nakatago sa teksto ng Bibliya sa isang pagkakasunud-sunod ng bawat 4,772 titik. Sa pamamagitan ng pag-aayos sa teksto ng Bibliya sa mga linya na tig-4,772 titik ang bawat isa, nakita niya ang pangalan ni Rabin (binabasa nang patayo) na nakasalikop naman sa isang linya (Deuteronomio 4:42, na pahalang) na isinalin ni Drosnin na “ang mamamatay-tao na pataksil na papatay.”
Ang Deuteronomio 4:42 sa katunayan ay bumabanggit hinggil sa isang mamamatay-tao na nakapatay nang di-sinasadya. Kaya, pinintasan ng marami ang sariling pamamaraan ni Drosnin, na sinasabing ang kaniyang di-makasiyensiyang mga pamamaraan ay magagamit upang hanapin ang katulad na mga mensahe sa anumang teksto. Subalit pinanindigan ito ni Drosnin, anupat inilathala ang hamon na ito: “Kapag nakita ng mga kritiko ko ang isang mensahe tungkol sa pataksil na pagpatay ng isang Punong Ministro na nasa anyong kodigo sa [nobela na] Moby Dick, maniniwala ako sa kanila.”
Patotoo ng Pagkasi?
Tinanggap ni Propesor Brendan McKay, ng Department of Computer Science sa Australian National University, ang hamon ni Drosnin at gumawa ng malawak na pananaliksik sa computer sa tekstong Ingles ng Moby Dick. * Sa paggamit ng katulad na pamamaraan na inilarawan ni Drosnin, sinasabing nasumpungan ni McKay ang “mga prediksiyon” tungkol sa mga pataksil na pagpatay kay Indira Gandhi, Martin Luther King, Jr., John F. Kennedy, Abraham Lincoln, at iba pa. Ayon kay McKay, natuklasan niya na “inihula” rin ng Moby Dick ang pagpaslang kay Yitzhak Rabin.
Sa pagbalik sa tekstong Hebreo ng Genesis, hinamon din ni Propesor McKay at ng mga kasama niya ang eksperimental na mga resulta ni Rips at ng kaniyang mga kasama. Ang paratang ay na ang mga resulta ay walang gaanong kaugnayan sa isang kinasihang mensahe na nasa anyong kodigo kundi sa pamamaraan ng mga mananaliksik—sa kabuuan, ang pagtutugma ng impormasyon ay ginawa ayon sa pagpapasiya ng mga mananaliksik. Ang may kabatirang pagdedebate tungkol sa puntong ito ay nagpapatuloy.
Isa pang isyu ang bumabangon kapag sinasabing ang gayong mga mensahe na nasa anyong kodigo ay sadyang itinago sa “pamantayan” o “orihinal” na tekstong Hebreo. Sinasabi ni Rips at ng kaniyang mga kapuwa mananaliksik na ginawa nila ang kanilang pananaliksik sa pamamagitan ng “pamantayan at karaniwang tinatanggap na teksto ng Genesis.” Ganito ang sulat ni Drosnin: “Ang lahat ng Bibliya sa orihinal na wikang Hebreo na umiiral ngayon ay letra por letra na magkakapareho.” Ngunit gayon nga ba? Sa halip na isang “pamantayan” na teksto, iba’t ibang edisyon ng Bibliyang Hebreo ang ginagamit ngayon, batay sa iba’t ibang sinaunang mga manuskrito. Bagaman ang mensahe ng Bibliya ay hindi nagbabago, ang indibiduwal na mga manuskrito ay hindi letra por letra na magkakapareho.
Maraming salin sa ngayon ang batay sa Leningrad Codex—ang pinakamatandang kumpletong Masoretikong manuskrito ng Hebreo—kinopya noong mga taóng 1000 C.E. Subalit ginamit nina Rips at Drosnin ang isang naiibang teksto, yaon ay ang Koren. Si
Shlomo Sternberg, isang Ortodoksong rabbi at dalubhasa sa matematika sa Harvard University, ay nagpapaliwanag na ang Leningrad Codex “ay naiiba ng 41 titik sa edisyong Koren na ginamit ni Drosnin sa Deuteronomio lamang.” Kalakip sa Dead Sea Scrolls ang mga bahagi ng teksto sa Bibliya na kinopya mahigit na 2,000 taon na ang nakalipas. Ang pagbaybay sa mga balumbong ito ay lubhang naiiba sa mga tekstong Masoretiko noong dakong huli. Sa ilang balumbon, ang ilang titik ay saganang idinagdag upang ipahiwatig ang mga tunog ng patinig, yamang hindi pa naimbento ang mga tuldok sa patinig. Sa ibang balumbon, mas kaunting titik ang ginamit. Ipinakikita ng isang paghahambing sa pagitan ng lahat ng umiiral na mga manuskrito ng Bibliya na hindi nagbago ang kahulugan ng teksto sa Bibliya. Gayunman, maliwanag na ipinakikita rin nito na ang pagbaybay at bilang ng mga titik ay nagbabagu-bago sa mga teksto.Ang pananaliksik para sa isang ipinalalagay na lihim na mensahe ay depende sa lubhang hindi nagbabagong teksto. Ang isang nabagong titik ay maaaring lubhang sumira sa pagkakasunud-sunod—at mensahe, kung mayroon man. Iningatan ng Diyos ang kaniyang mensahe sa pamamagitan ng Bibliya. Subalit hindi niya iningatan ang pagpapanatili ng bawat titik, na para bang siya’y napakametikuloso sa maliliit na bagay na gaya ng mga pagbabago sa pagbaybay sa paglipas ng mga dantaon. Hindi ba ito nagpapahiwatig na hindi niya itinago ang isang lihim na mensahe sa Bibliya?—Isaias 40:8; 1 Pedro 1:24, 25.
Kailangan ba Natin ang Isang Kodigong Lihim sa Bibliya?
Napakaliwanag na isinulat ni apostol Pablo na “ang lahat ng Kasulatan ay kinasihan ng Diyos at kapaki-pakinabang sa pagtuturo, sa pagsaway, sa pagtutuwid ng mga bagay, sa pagdidisiplina sa katuwiran, upang ang tao ng Diyos ay maging lubos na may-kakayahan, lubusang nasangkapan ukol sa bawat mabuting gawa.” (2 Timoteo 3:16, 17) Ang malinaw at prangka na mensahe sa Bibliya ay hindi napakahirap unawain o ikapit, subalit pinipili ng maraming tao na ito’y ipagwalang-bahala. (Deuteronomio 30:11-14) Ang mga hula na hayagang inilalahad sa Bibliya ay nagbibigay ng matibay na saligan upang maniwala sa pagkasi nito. * Di-tulad ng isang kodigong lihim, ang mga hula sa Bibliya ay hindi ayon lamang sa sarili, at hindi ito ‘mula sa sariling pagpapakahulugan.’—2 Pedro 1:19-21.
Si apostol Pedro ay sumulat na “hindi sa pagsunod sa mga kuwentong di-totoo na may-katusuhang kinatha na ipinabatid namin sa inyo ang kapangyarihan at pagkanaririto ng ating Panginoong Jesu-Kristo.” (2 Pedro 1:16) Ang ideya hinggil sa isang kodigo sa Bibliya ay nagmula sa mistisismong Judio, anupat ginagamit ang “may-katusuhang kinatha” na mga pamamaraan na nagpapalabo at pumipilipit sa simpleng kahulugan ng kinasihang teksto sa Bibliya. Maliwanag na hinahatulan ng Hebreong Kasulatan mismo ang gayong mistikong pamamaraan.—Deuteronomio 13:1-5; 18:9-13.
Anong ligaya natin na ating taglay ang maliwanag na mensahe at tagubilin ng Bibliya, na makatutulong sa atin na makilala ang Diyos! Ito ay lalong mabuti kaysa sa pagsisikap na matuto tungkol sa ating Maylalang sa pamamagitan ng paghahanap sa lihim na mga mensahe na mga gawa lamang ng sariling pagpapakahulugan at guniguni na ginagamitan ng computer.—Mateo 7:24, 25.
[Mga talababa]
^ par. 9 Sa Hebreo, ang mga bilang ay maaari ring katawanin ng mga titik. Samakatuwid, ang mga petsang ito ay tinitiyak sa pamamagitan ng mga titik sa tekstong Hebreo sa halip na sa pamamagitan ng mga bilang.
^ par. 13 Ang Hebreo ay isang wika na walang mga patinig. Ang mga patinig ay isinisingit ng bumabasa ayon sa konteksto. Kung wawaling-bahala ang konteksto, ang kahulugan ng isang salita ay maaaring lubusang mabago sa pamamagitan ng pagsisingit ng iba’t ibang tunog ng patinig. Ang Ingles ay may takdang mga patinig, anupat ginagawang mas mahirap at natatakdaan ang gayong paghahanap sa salita.
^ par. 19 Para sa higit pang impormasyon tungkol sa pagkasi at mga hula ng Bibliya, tingnan ang brosyur na Isang Aklat Para sa Lahat ng Tao, inilathala ng Watchtower Bible and Tract Society of New York, Inc.