Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

“Ang Pagpapala ni Jehova—Iyon ang Nagpapayaman”

“Ang Pagpapala ni Jehova—Iyon ang Nagpapayaman”

“Ang Pagpapala ni Jehova​—Iyon ang Nagpapayaman”

NAIS nating lahat na tayo ay pagpalain. Ang mga pagpapala ay nagtataguyod ng kaligayahan, kabutihan, o kasaganaan. Yamang si Jehova ang Tagapagbigay ng “bawat mabuting kaloob at [ng] bawat sakdal na regalo,” bawat tunay at nagtatagal na pagpapala ay nagmumula sa ating maibiging Maylalang. (Santiago 1:17) Siya ay saganang nagbibigay ng mga pagpapala sa buong sangkatauhan, maging doon sa mga hindi nakakakilala sa kaniya. Sinabi ni Jesus hinggil sa kaniyang Ama: “Pinasisikat niya ang kaniyang araw sa mga taong balakyot at sa mabubuti at nagpapaulan sa mga taong matuwid at sa mga di-matuwid.” (Mateo 5:45) Gayunman, nagpapakita si Jehova ng pantanging pagmamalasakit sa mga umiibig sa kaniya.​—Deuteronomio 28:1-14; Job 1:1; 42:12.

Ang salmista ay sumulat: “Si Jehova ay hindi magkakait ng anumang mabuti sa mga lumalakad sa kawalang-pagkukulang.” (Awit 84:11) Oo, yaong mga naglilingkod kay Jehova ay may pinagyaman at makabuluhang buhay. Batid nila na “ang pagpapala ni Jehova​—iyon ang nagpapayaman, at hindi niya iyon dinaragdagan ng kirot.” Sinasabi rin ng Bibliya: “Ang mga pinagpapala [ni Jehova] ang siyang magmamay-ari ng lupa.” (Kawikaan 10:22; Awit 37:22, 29) Kay laki ngang pagpapala iyan!

Paano natin matatanggap ang pagpapala ni Jehova? Unang-una, kailangan nating linangin ang mga katangian na kalugud-lugod sa kaniya. (Deuteronomio 30:16, 19, 20; Mikas 6:8) Mapag-uunawa natin ito sa halimbawa ng tatlong lingkod ni Jehova noong sinaunang panahon.

Pinagpapala ni Jehova ang Kaniyang mga Lingkod

Si Noe ay isang namumukod-tanging lingkod ng Diyos. Sa Genesis 6:8, mababasa natin: “Si Noe ay nakasumpong ng lingap sa paningin ni Jehova.” Bakit? Sapagkat si Noe ay masunurin. Sinasabi ng ulat: “Si Noe ay lumakad na kasama ng tunay na Diyos.” Itinaguyod ni Noe ang matutuwid na simulain ni Jehova at sinunod ang kaniyang mga utos. Nang panahong ang daigdig ay nalugmok sa karahasan at kasamaan, si Noe ay napakilos na ‘gawin ang ayon sa lahat ng iniutos ng Diyos sa kaniya. Gayung-gayon ang ginawa niya.’ (Genesis 6:9, 22) Bunga nito, inutusan siya ni Jehova na magtayo ng ‘arka ukol sa pagliligtas ng sambahayan [ni Noe].’ (Hebreo 11:7) Sa ganitong paraan, si Noe at ang kaniyang pamilya​—at sa pamamagitan nila ang lahi ng tao​—ay nakaligtas sa pagkalipol ng salinlahing iyon. At si Noe ay namatay taglay ang pag-asang mabuhay-muli tungo sa walang-hanggang kinabukasan sa isang paraisong lupa. Sagana ngang pagpapala ang tinanggap niya!

Si Abraham din ay may mga katangian na nakalulugod kay Jehova. Pangunahin na sa mga ito ang pananampalataya. (Hebreo 11:8-10) Iniwan ni Abraham ang maalwang buhay sa Ur at nang maglaon sa Haran sapagkat may pananampalataya siya sa pangako ni Jehova na ang kaniyang binhi ay darami at magiging pagpapala sa lahat ng bansa. (Genesis 12:2, 3) Sa kabila ng maraming taon ng pagsubok, ang kaniyang pananampalataya ay ginantimpalaan nang isilang ang kaniyang anak na si Isaac. Sa pamamagitan niya, si Abraham ay naging ninuno ng piniling bansa ng Diyos, ang Israel, at ng Mesiyas nang dakong huli. (Roma 4:19-21) Karagdagan pa, siya ang “ama ng lahat niyaong may pananampalataya,” at tinawag siya na “kaibigan ni Jehova.” (Roma 4:11; Santiago 2:23; Galacia 3:7, 29) Tunay ngang naging makabuluhan ang kaniyang buhay, at pinagpala siya nang sagana!

Isalang-alang din ang tapat na lalaking si Moises. Namumukod-tangi sa kaniyang mga katangian ang kaniyang pagpapahalaga sa espirituwal na mga bagay. Tinalikuran ni Moises ang lahat ng kayamanan ng Ehipto at “nagpatuloy siyang matatag na parang nakikita ang Isa na di-nakikita.” (Hebreo 11:27) Pagkatapos ng 40 taon sa Midian, bumalik siya sa Ehipto bilang matandang lalaki at humarap sa pinakamakapangyarihan nang panahong iyon, si Paraon, upang hilingin ang kalayaan ng kaniyang mga kapatid. (Exodo 7:1-7) Nasaksihan niya ang sampung salot, ang pagkakahati ng Dagat na Pula, at ang pagkalipol ng hukbo ni Paraon. Ginamit siya ni Jehova upang ibigay ang Kautusan sa Israel at upang mamagitan sa Kaniyang pakikipagtipan sa bagong bansang iyon. Sa loob ng 40 taon, inakay ni Moises ang bansang Israel sa ilang. Ang kaniyang buhay ay may tunay na layunin, at tinamasa niya ang kahanga-hanga at saganang mga pagpapala sa paglilingkod.

Mga Pagpapala sa Kasalukuyang Panahon

Ipinakikita ng mga ulat na ito na ang buhay ng mga naglilingkod sa Diyos ay tunay na makabuluhan. Habang pinasusulong ng bayan ni Jehova ang mga katangiang gaya ng pagkamasunurin, pananampalataya, at pagpapahalaga sa espirituwal na mga bagay, sila ay saganang pinagpapala.

Paano tayo pinagpapala? Buweno, samantalang ang milyun-milyong nasa Sangkakristiyanuhan ay dumaranas ng espirituwal na taggutom, tayo ay maaaring ‘magningning dahil sa kabutihan ni Jehova.’ (Jeremias 31:12) Sa pamamagitan ni Jesu-Kristo at ng “tapat at maingat na alipin,” si Jehova ay naglaan ng saganang suplay ng espirituwal na pagkain na tumutulong sa atin na manatili sa “daan na umaakay patungo sa buhay.” (Mateo 7:13, 14; 24:45; Juan 17:3) Ang pakikipagsamahan sa ating kapatirang Kristiyano ay isa pang saganang pagpapala. Sa mga pagpupulong at sa iba pang okasyon, ang pakikisama natin sa ating mga kapuwa mananamba na nagpapakita ng pag-ibig at taimtim na nagsisikap na magsuot ng “bagong personalidad” ay isang bukal ng malaking kaligayahan. (Colosas 3:8-10; Awit 133:1) Gayunman, ang ating pinakamalaking pagpapala ay ang mahalagang pribilehiyo na magkaroon ng personal na kaugnayan sa Diyos na Jehova at ang pagsunod sa mga yapak ng kaniyang Anak, si Kristo Jesus.​—Roma 5:1, 8; Filipos 3:8.

Sa pagninilay-nilay sa gayong mga pagpapala, natatanto natin kung gaano talaga kahalaga ang ating paglilingkod sa Diyos. Marahil ay naiisip natin ang talinghaga ni Jesus tungkol sa isang naglalakbay na mangangalakal na naghanap ng maiinam na perlas. Sinabi ni Jesus tungkol sa lalaking ito: “Sa pagkasumpong sa isang perlas na may mataas na halaga, umalis siya at dali-daling ipinagbili ang lahat ng mga bagay na taglay niya at binili iyon.” (Mateo 13:46) Tiyak na iyan ang ating nadarama hinggil sa ating kaugnayan sa Diyos, sa ating pribilehiyo na paglingkuran siya, sa ating pagsasamahang Kristiyano, sa ating pag-asang Kristiyano, at sa lahat ng iba pang pagpapala na may kaugnayan sa ating pananampalataya. Wala nang mas mahalaga pa sa mga ito sa ating buhay.

Magbigay-Ganti kay Jehova

Dahil sa kinikilala natin si Jehova bilang ang Tagapagbigay ng bawat mabuting kaloob, ang ating puso ay naaantig na magpahayag ng pagpapahalaga sa mga pagpapalang tinatanggap natin. Paano natin magagawa iyan? Ang isang paraan ay sa pamamagitan ng pagtulong sa iba na matamasa ang gayunding mga pagpapala. (Mateo 28:19) Sa mahigit na 230 lupain, ang mga Saksi ni Jehova ay abala sa pagdalaw sa kanilang mga kapuwa upang gawin iyan mismo. Habang ginagawa nila ito, ginagamit nila ang kanilang limitadong personal na mga tinatangkilik​—panahon, lakas, at materyal na mga pag-aari​—upang tulungan ang iba na “sumapit sa tumpak na kaalaman sa katotohanan.”​—1 Timoteo 2:4.

Isaalang-alang ang mga payunir na naninirahan sa Glendale, California, E.U.A. Tuwing Sabado ng umaga, naglalakbay sila ng mga 100 kilometro papunta at pauwi upang dumalaw sa isang bilangguang pederal. Bagaman maaari lamang silang gumugol ng ilang oras sa bawat pagdalaw sa mga bilanggo, hindi sila nasisiraan ng loob. Ganito ang sabi ng isa sa kanila: “Lubhang kapaki-pakinabang ang maglingkod sa kakaibang teritoryong ito. Ginagawa namin ito taglay ang matinding kagalakan. Napakaraming interesadong tao anupat nahihirapan kaming asikasuhin silang lahat. Sa kasalukuyan, nakikipag-aral kami sa lima katao, at apat pa ang humiling ng pag-aaral sa Bibliya.”

Ang masisigasig na ministrong Kristiyano ay maligayang naghahandog ng kanilang mga paglilingkod nang walang bayad upang maisagawa ang nagliligtas-buhay na gawaing ito. Ipinakikita nila ang saloobin ni Jesus, na nagsabi: “Tinanggap ninyo nang walang bayad, ibigay ninyo nang walang bayad.” (Mateo 10:8) Milyun-milyon sa palibot ng daigdig ang nakikibahagi sa katulad na walang pag-iimbot na paglilingkod, at bunga nito, pulu-pulutong na tapat-pusong mga tao ang tumutugon at nagiging mga alagad. Sa nakalipas na limang taon lamang, halos 1.7 milyon ang nag-alay ng kanilang buhay kay Jehova. Ang pangangalaga sa mga pangangailangan ng patuloy na paglawak na ito ay humihiling ng paggawa ng mga Bibliya at salig-Bibliyang mga publikasyon gayundin ng pagtatayo ng bagong mga Kingom Hall at iba pang mga dako ng pagtitipon. Saan nagmumula ang salapi na ipinantutustos sa mga pangangailangang ito? Pawang nagmumula sa boluntaryong mga donasyon.

Dahilan sa mahirap na mga kalagayan sa kabuhayan sa ilang bahagi ng daigdig, marami ang nagpupunyagi upang mapaglaanan ng pangunahing mga pangangailangan sa buhay ang kani-kanilang pamilya. Ayon sa magasing New Scientist, isang bilyong tao ang gumugugol ng di-kukulangin sa 70 porsiyento ng kita ng kanilang sambahayan para sa pagkain. Marami sa ating mga kapatid na Kristiyano ay nasa gayong kalagayan. Kung wala ang tulong ng kanilang mga kapananampalataya, hindi talaga nila kayang magkaroon ng mga bagay na tulad ng mga publikasyong Kristiyano o angkop na mga Kingdom Hall.

Sabihin pa, hindi naman iyan nangangahulugan na ang mga ito ay kontento na lamang na balikatin ng iba ang kanilang pasanin. Ngunit kailangan nila ang tulong. Si Moises, nang pinasisigla ang mga Israelita na magbigay ng materyal na mga kontribusyon bilang pagpapasalamat kay Jehova dahil sa kaniyang mga pagpapala, ay nagsabi: “Ang kaloob sa kamay ng bawat isa ay dapat na katumbas ng pagpapala ni Jehova na iyong Diyos na ibinigay niya sa iyo.” (Deuteronomio 16:17) Kaya, nang makita ni Jesus na nag-abuloy ang isang babaing balo ng “dalawang maliit na barya na napakaliit ng halaga” sa templo, pinuri niya ito sa kaniyang mga alagad. Ginawa niya ang buong makakaya niya. (Lucas 21:2, 3) Sa katulad na paraan, ginagawa ng mga Kristiyano sa mas mahihirap na kalagayan ang buo nilang makakaya. At kung may kakulangan, ito ay matutustusan ng mga kontribusyon mula sa mga kapuwa Kristiyano na hindi naman gaanong naghihirap sa materyal.​—2 Corinto 8:13-15.

Kapag nagbibigay-ganti tayo sa Diyos sa gayong mga paraan, mahalaga na mayroon tayong tamang motibo. (2 Corinto 8:12) Sinabi ni Pablo: “Gawin ng bawat isa ang ayon sa ipinasiya niya sa kaniyang puso, hindi mabigat sa loob o sa ilalim ng pamimilit, sapagkat iniibig ng Diyos ang masayang nagbibigay.” (2 Corinto 9:7) Sa pamamagitan ng pagbibigay mula sa puso, kapuwa natin sinusuportahan ang teokratikong paglawak na nagaganap ngayon at pinatitindi ang ating sariling kagalakan.​—Gawa 20:35.

Ang pakikibahagi sa gawaing pangangaral at pagbibigay ng boluntaryong mga kontribusyon ay dalawang paraan na doo’y maaari tayong magbigay-ganti kay Jehova sa mga pagpapala na ipinagkaloob niya sa atin. At tunay ngang nakapagpapatibay na malaman na ninanais ni Jehova na ipagkaloob ang kaniyang mga pagpapala sa marami pang taimtim na mga tao, na sa kasalukuyan ay maaaring hindi nakakakilala sa kaniya! (2 Pedro 3:9) Kung gayon, ipagpatuloy nating gamitin ang ating mga tinatangkilik sa paglilingkod sa Diyos upang matagpuan ang tapat-pusong mga tao at matulungan sila na magkaroon ng mga katangian na gaya ng pagkamasunurin, pananampalataya, at pagpapahalaga. Sa gayong paraan, tataglayin natin ang kagalakan ng pagtulong sa kanila na ‘matikman at makita na si Jehova ay mabuti.’​—Awit 34:8.

[Kahon sa pahina 28, 29]

Mga Paraan na Ginagamit ng Ilan sa Pagbibigay ng

MGA ABULOY SA PAMBUONG-DAIGDIG NA GAWAIN

Marami ang nagtatabi, o naglalaan, ng isang halaga na inilalagay nila sa mga kahong abuluyan na may markang “Contributions for the Worldwide Work​—Matthew 24:14.”

Bawat buwan ay ipinadadala ng mga kongregasyon ang mga halagang ito alinman sa pandaigdig na punong-tanggapan ng mga Saksi ni Jehova sa Brooklyn, New York, o sa lokal na tanggapang pansangay. Ang kusang-loob na mga donasyong salapi ay maaari ring tuwirang ipadala sa Treasurer’s Office, Watch Tower Bible and Tract Society of the Philippines, P. O. Box 2044, 1060 Manila, o sa tanggapang pansangay na naglilingkod sa inyong bansa. Ang mga alahas o iba pang mahahalagang bagay ay maaari ring iabuloy. Dapat na kasama ng mga abuloy na ito ang isang maikling liham na nagsasabing iyon ay isang tuwirang kaloob.

KAAYUSAN SA KONDISYONAL NA DONASYON

Maaaring magdonasyon ng salapi sa ilalim ng pantanging kaayusan na doon, sakaling magkaroon ng personal na pangangailangan ang nagkaloob, ang donasyon ay maaaring ibalik sa kaniya. Para sa higit pang impormasyon, pakisuyong makipag-alam sa Treasurer’s Office sa nabanggit na direksiyon sa itaas.

PAGPAPLANO SA PAGKAKAWANGGAWA

Bukod pa sa tuwirang mga kaloob na salapi at kondisyonal na mga donasyong salapi, may iba pang paraan ng pagbibigay sa kapakinabangan ng paglilingkod sa Kaharian sa buong daigdig. Kasali sa mga ito ang:

Seguro: Ang Samahang Watch Tower ay maaaring gawing benepisyaryo ng isang polisá sa seguro sa buhay o sa isang plano sa pagreretiro/pensiyon.

Deposito sa Bangko: Ang mga deposito sa bangko, sertipiko ng deposito, o indibiduwal na mga deposito sa pagreretiro ay maaaring ipagkatiwala o ibayad sa oras ng kamatayan sa Samahang Watch Tower, ayon sa mga kahilingan ng bangko sa inyong lugar.

Mga Aksiyón at Bono: Ang mga aksiyón at bono ay maaaring ibigay na donasyon sa Samahang Watch Tower bilang tuwirang kaloob.

Lupa’t Bahay: Ang maipagbibiling lupa’t bahay ay maaaring ibigay na donasyon sa Samahang Watch Tower alinman sa pamamagitan ng tuwirang pagkakaloob o ng pagrereserba niyaon bilang tirahan ng nagkaloob, na makapagpapatuloy manirahan doon habang-buhay. Makipag-alam sa tanggapang pansangay sa inyong bansa bago ilipat ang pangalan ng anumang lupa’t bahay.

Testamento at Ipinagkatiwala: Ang mga ari-arian o salapi ay maaaring ipamana sa Samahang Watch Tower sa pamamagitan ng isang testamentong isinaayos ayon sa legal na paraan, o ang Samahang Watch Tower ay maaaring gawing benepisyaryo ng isang kasunduan sa ipinagkatiwala. Ang isang ipinagkatiwala na pakikinabangan ng isang organisasyong relihiyoso ay maaaring maglaan ng ilang bentaha sa pagbubuwis.

Gaya ng ipinahihiwatig ng pananalitang “pagpaplano sa pagkakawanggawa,” ang ganitong uri ng mga donasyon ay karaniwan nang nangangailangan ng pagpaplano sa bahagi ng nagkaloob. Upang matulungan ang mga indibiduwal na nagnanais na magbigay ng kaloob sa pambuong daigdig na gawain ng mga Saksi ni Jehova sa pamamagitan ng isang anyo ng pagpaplano sa pagkakawanggawa, isang brosyur ang inihanda sa wikang Ingles at Kastila na pinamagatang Charitable Planning to Benefit Kingdom Service Worldwide. Ang brosyur ay isinulat bilang tugon sa maraming tanong na natanggap hinggil sa mga kaloob, testamento, at mga ipinagkatiwala. Naglalaman din ito ng karagdagang impormasyon na makatutulong hinggil sa pagpaplano sa ari-arian, pananalapi, at pagbubuwis. At dinisenyo ito upang tulungan ang mga indibiduwal sa Estados Unidos na nagbabalak magbigay sa ngayon ng isang pantanging kaloob o mag-iwan ng pamana pagkamatay upang mapili ang pinakakapaki-pakinabang at pinakamabisang paraan habang isinasaalang-alang ang kanilang pamilya at personal na kalagayan. Maaaring makakuha ng brosyur na ito sa pamamagitan ng direktang paghiling ng isang kopya mula sa Tanggapang Pansangay ng mga Saksi ni Jehova.

Matapos mabasa ang brosyur at makipag-usap sa Tanggapang Pansangay ng mga Saksi ni Jehova, marami ang nakatulong sa mga Saksi ni Jehova sa buong daigdig at kasabay nito, nakakuha ng malaking kapakinabangan sa buwis sa pamamagitan ng paggawa nito. Ang Tanggapang Pansangay ng mga Saksi ni Jehova ay dapat patalastasan at padalhan ng isang kopya ng anumang mahalagang dokumento hinggil sa alinman sa mga kaayusang ito. Kung interesado ka sa alinman sa mga kaayusang ito ng pagpaplano sa pagkakawanggawa, dapat kang makipag-alam sa Tanggapang Pansangay ng mga Saksi ni Jehova, alinman sa pamamagitan ng pagsulat o pagtawag sa telepono, sa direksiyong nakatala sa ibaba o sa tanggapan ng mga Saksi ni Jehova na naglilingkod sa inyong bansa.

TANGGAPANG PANSANGAY NG MGA SAKSI NI JEHOVA

Watch Tower

186 Roosevelt Avenue,

San Francisco del Monte

1105 Quezon City

Telepono: 411-6090