Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Ingatan ang Iyong Budhi

Ingatan ang Iyong Budhi

Ingatan ang Iyong Budhi

ANG isiping lumipad sakay ng isang eroplano na may computer na mali ang pagkakaprograma ay nakatatakot. Sa halip, gunigunihin na may isa na nakialam sa sistemang panggiya ng eroplano o sinadyang palsipikahin ang mga impormasyon nito! Buweno, sa makasagisag na diwa, iyan mismo ang sinisikap na gawin sa iyong budhi ng isang persona. Determinado siyang isabotahe ang iyong sistemang panggiya sa moral. Tunguhin niya na ilagay ka sa isang landasin na doo’y makakabangga mo ang Diyos!​—Job 2:2-5; Juan 8:44.

Sino itong mabalasik na nananabotahe? Sa Bibliya, siya ay tinaguriang “orihinal na serpiyente, ang tinatawag na Diyablo at Satanas, na siyang nagliligaw sa buong tinatahanang lupa.” (Apocalipsis 12:9) Kumilos siya sa hardin ng Eden nang hikayatin niya si Eva, sa pamamagitan ng paggamit ng mapanlinlang na pangangatuwiran, na ipagwalang-bahala ang nalalaman nitong tama at maghimagsik laban sa Diyos. (Genesis 3:1-6, 16-19) Magmula noon, si Satanas na ang nagpakana sa pagpapaunlad sa lahat ng mga institusyon sa panlilinlang upang akayin ang mga tao sa kabuuan tungo sa pakikipag-alitan sa Diyos. Ang may pinakamalaking pagkakasala sa mga institusyong ito ay ang huwad na relihiyon.​—2 Corinto 11:14, 15.

Pinasasamâ ng Huwad na Relihiyon ang Budhi

Sa aklat ng Bibliya na Apocalipsis, ang huwad na relihiyon ay nakikita bilang isang simbolikong patutot na tinatawag na Babilonyang Dakila. Pinilipit ng kaniyang mga turo ang pagiging sensitibo sa moral ng maraming tao at pinangyari nitong mapoot sila at kumilos pa nga nang marahas laban doon sa may ibang mga paniniwala. Sa katunayan, ayon sa Apocalipsis, pangunahing pinapanagot ng Diyos ang huwad na relihiyon sa dugo “ng lahat niyaong mga pinatay sa lupa,” kabilang na ang mismong mga mananamba ng Diyos.​—Apocalipsis 17:1-6; 18:3, 24.

Nagbabala si Jesus sa kaniyang mga alagad hinggil sa tindi ng gagawing pagpilipit ng huwad na relihiyon sa moral na pamantayan ng ilan nang kaniyang sabihin: “Ang oras ay dumarating na ang bawat isa na pumapatay sa inyo ay mag-aakalang nag-ukol siya ng sagradong paglilingkod sa Diyos.” Tunay ngang bulag sa moral ang gayong mararahas na tao! Sinabi ni Jesus: “Hindi nila nakilala ang Ama o ako man.” (Juan 16:2, 3) Di-nagtagal matapos bigkasin ni Jesus ang mga pananalitang iyon, siya mismo ay pinatay sa utos ng ilang relihiyosong lider, na hindi binagabag ang budhi sa kanilang ginawang krimen. (Juan 11:47-50) Sa kabaligtaran, sinabi ni Jesus na ang kaniyang tunay na mga tagasunod ay makikilala sa pamamagitan ng kanilang pag-ibig sa isa’t isa. Ngunit ang kanilang pag-ibig ay mas malawak pa, sapagkat umaabot ito maging sa kanilang mga kaaway.​—Mateo 5:44-48; Juan 13:35.

Ang isa pang paraan na sinabotahe ng huwad na relihiyon ang budhi ng marami ay sa pamamagitan ng pagkunsinti sa anumang anyo ng moralidad, o kawalan nito, na nagkataong popular naman. Sa paghula hinggil dito, sinabi ni apostol Pablo: “Darating ang isang yugto ng panahon kapag hindi nila titiisin ang nakapagpapalusog na turo, kundi, ayon sa kanilang sariling mga pagnanasa, sila ay magtitipon ng mga guro para sa kanilang sarili upang kumiliti sa kanilang mga tainga.”​—2 Timoteo 4:3.

Sa ngayon, kinikiliti ng mga relihiyosong lider ang tainga ng mga tao sa pagsasabing ang pakikipagtalik sa hindi asawa ay maaaring maging kaayaaya sa Diyos. Kinukunsinti naman ng iba ang homoseksuwal na mga gawain. Sa katunayan, ang ilang klerigo ay nagsasagawa mismo ng homoseksuwalidad. Isang artikulo sa pahayagan sa Britanya na The Times ang nagsabi na “labintatlo na kilalang baklang klero” ang nahalal sa Pangkalahatang Sinodo ng Church of England. Kapag itinatakwil ng mga lider ng simbahan ang moralidad ng Bibliya at hinahayaan lamang ito ng kanilang mga simbahan, anong mga pamantayan ang susundin ng mga miyembro ng kanilang parokya? Hindi nga kataka-taka na milyun-milyon ang lubusang nalilito.

Kay inam nga na maugitan ng tulad-ilaw-na-pansenyas na mga katotohanan sa moral at espirituwal na itinuturo sa Bibliya! (Awit 43:3; Juan 17:17) Halimbawa, itinuturo ng Bibliya na hindi ang mga mapakiapid ni ang mga mangangalunya “ang magmamana ng kaharian ng Diyos.” (1 Corinto 6:9, 10) Sinasabi nito na ang mga lalaki at babae na binabago ang “likas na gamit ng kanilang sarili tungo sa isa na salungat sa kalikasan” ay ‘gumagawa ng malaswa’ sa mga mata ng Diyos. (Roma 1:26, 27, 32) Ang mga katotohanang ito sa moral ay hindi mga gawa-gawa lamang ng di-sakdal na mga tao; ito ang mga kinasihang pamantayan ng Diyos, na hindi niya pinawalang-bisa kailanman. (Galacia 1:8; 2 Timoteo 3:16) Ngunit si Satanas ay may iba pang paraan upang isabotahe ang budhi.

Maging Mapamili sa Paglilibang

Masama na pilitin ang isa na gumawa ng di-mabuti, ngunit mas masama na turuan siyang magnasa na gumawa ng gayon. Ito ang tunguhin ng “tagapamahala ng sanlibutan,” si Satanas. Upang maitimo ang kaniyang masamang kaisipan sa isip at puso ng mangmang o walang kamalay-malay​—lalo na ang pinakawalang kalaban-laban, ang kabataan​—ginagamit niya ang mga pamamaraan na gaya ng mapag-aalinlanganang literatura, mga pelikula, musika, mga laro sa computer, at mga site ng pornograpya sa Internet.​—Juan 14:30; Efeso 2:2.

“Napapanood ng mga kabataan sa [Estados Unidos] ang tinatayang 10000 eksena ng karahasan bawat taon,” ang sabi ng isang ulat sa babasahing Pediatrics, “at ang mga programa para sa mga bata ang siyang pinakamararahas.” Isiniwalat din ng ulat na “bawat taon, napapanood ng mga tin-edyer ang halos 15000 pagtukoy, pagpapahiwatig, at pagbibiro tungkol sa sekso.” Maging sa oras na pinakamarami ang nanonood ng telebisyon, ang sabi nito, “ay naglalaman ng mahigit sa 8 insidente ng sekso bawat oras, na mas marami ng apat na beses kaysa noong 1976.” Hindi naman kataka-taka, natuklasan din ng pag-aaral na “ang malalaswang pananalita ay lubhang dumarami rin.” Gayunman, kapuwa ang Bibliya at ang napakaraming makasiyensiyang pag-aaral ay nagbababala na ang palagiang pagtanggap ng gayong materyal ay nagpapasamâ sa mga tao. Kaya kung talagang nais mong mapalugdan ang Diyos at makinabang ka, sundin ang Kawikaan 4:23, na nagsasabi: “Ingatan mo ang iyong puso, sapagkat nagmumula rito ang mga bukal ng buhay.”​—Isaias 48:17.

Maraming popular na musika ang nagpapasamâ rin sa budhi. Isang mang-aawit, na ang mga awitin ay lubhang popular sa maraming bansa sa Kanluran, ang gumagawa ng “pantanging pagsisikap na manggitla,” ang babala ng isang ulat sa pahayagan sa Australia na The Sunday Mail. Sinasabi ng artikulo na “ang kaniyang mga awitin ay lumuluwalhati sa droga, insesto at panggagahasa” at na “inaawit [niya] na papatayin niya ang kaniyang asawa at ihahagis ang katawan nito sa isang lawa.” Ang ibang liriko na binanggit ay napakasamâ upang ulitin pa rito. Gayunman, dahil sa kaniyang musika ay umani siya ng prestihiyosong gawad. Nanaisin mo bang maghasik sa iyong isip at puso ng gayong nakalalasong mga kaisipan na gaya ng mga nabanggit na, kahit na ang mga ito ay ginagawang kapana-panabik ng musika? Sana’y hindi, sapagkat yaong gumagawa ng gayon ay nagpaparumi sa kanilang budhi at sa kalaunan ay lilikha sa kanilang sarili ng “pusong balakyot,” na magpapangyaring maging mga kaaway sila ng Diyos.​—Hebreo 3:12; Mateo 12:33-35.

Kaya maging matalino sa iyong pagpili ng libangan. Hinihimok tayo ng Bibliya: “Anumang bagay na totoo, anumang bagay na seryosong pag-isipan, anumang bagay na matuwid, anumang bagay na malinis, anumang bagay na kaibig-ibig, anumang bagay na may mabuting ulat, anumang kagalingan ang mayroon at anumang kapuri-puring bagay ang mayroon, patuloy na isaalang-alang ang mga bagay na ito.”​—Filipos 4:8.

Ang mga Kasama ay Nakaaapekto sa Iyong Budhi

Bilang mga bata, tinamasa nina Neil at Franz ang mabubuting pakikipagsamahan ng taimtim na mga Kristiyano. a Ngunit, nang maglaon, ganito ang sinabi ni Neil, “Nagsimula akong makisalamuha sa masasamang kasama.” Ang resulta sa dakong huli, na labis niyang pinagsisihan, ay krimen at pagkakabilanggo. Gayundin ang kuwento ni Franz. “Akala ko’y kaya kong makisama sa mga kabataan sa sanlibutan nang hindi nila ako naaapektuhan,” ang hinagpis niya. “Ngunit gaya ng sinasabi ng Galacia 6:7, ‘Ang Diyos ay hindi isa na malilibak. Sapagkat anuman ang inihahasik ng isang tao, ito rin ang kaniyang aanihin.’ Natutuhan ko mula sa mapait na karanasan na ako ay mali at tama si Jehova. Napaharap ako sa habambuhay na pagkakabilanggo dahil sa kasalanang nagawa ko.”

Ang mga taong gaya nina Neil at Franz ay hindi karaniwang gumagawa agad ng krimen; sa simula, malayung-malayo sa isip nila ang paggawa nito. Ang pagkabuyo ay waring nagaganap nang bai-baitang, na kadalasan ay nagsisimula sa masasamang kasama. (1 Corinto 15:33) Maaaring sundan ito ng pag-aabuso sa droga o alkohol. Sa katunayan, ang budhi ay angkop na inilarawan bilang ang “bahagi ng personalidad na madaling matunaw sa alkohol.” Mula roon, kaunting hakbang na lamang bago makagawa ng krimen o imoralidad.

Kung gayon, bakit mo gagawin ang unang hakbang na iyon? Sa halip, makisama sa matatalinong tao na talagang umiibig sa Diyos. Tutulungan ka nilang patibayin ang iyong budhi upang akayin ka nito nang wasto, anupat inilalayo ka sa maraming kirot. (Kawikaan 13:20) Bagaman nakakulong pa rin, natanto na ngayon nina Neil at Franz na ang kanilang budhi ay isang kaloob ng Diyos na dapat sanayin nang wasto at, ang totoo, dapat na pakamahalin. Isa pa, nagsisikap sila nang puspusan upang magkaroon ng mabuting kaugnayan sa kanilang Diyos, si Jehova. Maging matalino, at matuto mula sa kanilang mga pagkakamali.​—Kawikaan 22:3.

Pangalagaan ang Iyong Budhi

Ating ipinakikita na nais nating pangalagaan ang ating budhi kapag pinatitibay natin ang pag-ibig at pananampalataya sa Diyos, kalakip na ang kapaki-pakinabang na pagkatakot sa kaniya. (Kawikaan 8:13, 1 Juan 5:3) Isinisiwalat ng Bibliya na ang isang budhi na salat sa mga impluwensiyang ito ay kadalasang walang katatagan sa moral. Halimbawa, binabanggit ng Awit 14:1 ang tungkol sa mga nagsasabi sa kanilang puso: “Walang Jehova.” Paano naaapektuhan ng kawalan ng pananampalatayang ito ang kanilang paggawi? Ang talata ay nagpatuloy: “Gumawi sila nang kapaha-pahamak, gumawi sila nang karima-rimarim sa kanilang gawain.”

Ang mga tao na walang tunay na pananampalataya sa Diyos ay wala ring matibay na pag-asa para sa mas mabuting kinabukasan. Kaya, nakahilig silang mabuhay para sa kasalukuyan, anupat pinagbibigyan ang kanilang makalamang mga pagnanasa. Ang kanilang pilosopiya ay: “Kumain tayo at uminom, sapagkat bukas ay mamamatay tayo.” (1 Corinto 15:32) Sa kabilang panig, yaong ang kanilang mga mata ay nakatuon sa gantimpala ng walang-hanggang buhay ay hindi naililihis ng lumilipas na mga kaluguran ng sanlibutan. Tulad ng isang tumpak na computer na pang-nabigasyon, ang kanilang sinanay na budhi ay nagpapanatili sa kanila sa landas ng tapat na pagsunod sa Diyos.​—Filipos 3:8.

Upang mapanatili ng iyong budhi ang lakas nito at pagiging tumpak, kailangan nito ang regular na patnubay mula sa Salita ng Diyos. Sinasabi sa atin ng Bibliya na may makukuha na gayong patnubay nang sabihin nito sa makasagisag na pananalita: “Ang iyong mga tainga ay makaririnig ng salita sa likuran mo na nagsasabi: ‘Ito ang daan. Lakaran ninyo ito,’ sakaling pumaroon kayo sa kanan o sakaling pumaroon kayo sa kaliwa.” (Isaias 30:21) Kaya maglaan ng panahon para sa araw-araw na pagbabasa ng Bibliya. Ito ang magpapalakas at magpapatibay sa iyo kapag ikaw ay nakikipagpunyagi na gawin ang tama o kapag may mga nakababahala at nakababalisa sa iyo. Makatitiyak ka na ikaw ay papatnubayan ni Jehova sa moral at espirituwal na paraan kung ilalagak mo ang iyong buong tiwala sa kaniya. Oo, tularan ang salmista na sumulat: “Lagi kong inilalagay si Jehova sa harap ko. Sa dahilang siya ay nasa aking kanan, hindi ako makikilos.”​—Awit 16:8; 55:22.

[Talababa]

a Binago ang mga pangalan.

[Mga larawan sa pahina 5]

Ang huwad na relihiyon, na inilarawan sa Bibliya bilang “Babilonyang Dakila,” ang may pananagutan sa pagiging manhid ng budhi ng marami

[Credit Line]

Pari na nagbabasbas ng mga tropa: U.S. Army photo

[Mga larawan sa pahina 6]

Ang panonood ng karahasan at imoralidad ay sisira sa iyong budhi

[Larawan sa pahina 7]

Iingatan ng regular na patnubay mula sa Salita ng Diyos ang iyong budhi