Mga Maninira ng mga Punungkahoy
Mga Maninira ng mga Punungkahoy
NOONG panahon ng Bibliya, ang mga punungkahoy ay itinuturing na mahahalagang kalakal. Halimbawa, nang bumili si Abraham ng isang dakong libingan para sa kaniyang minamahal na asawa, si Sara, ang mga punungkahoy ay nakatala sa kontrata para sa paglilipat ng ari-arian.—Genesis 23:15-18.
Gayundin sa ngayon, ang mga punungkahoy ay lubhang pinahahalagahan, at malaking internasyonal na pansin ang iniuukol sa pag-iingat sa mga kagubatan. Ang aklat na State of the World 1998 ay nagsasabi: “Bagaman maraming tao sa mga bansa sa gawing hilaga ang nababahala sa mga kagubatan sa tropiko, maaaring hindi nila napapansin na ang mga kagubatan sa mga lugar na katamtaman ang klima na nasa kanilang sariling bansa ang siyang lubhang lumiliit at nasisira sa lahat ng uri ng kagubatan.” Ano ba ang nagsasapanganib sa kalagayan ng mga kagubatan sa mga bansang iyon sa gawing hilaga ng Europa at Hilagang Amerika? Itinuturo ng maraming tao ang pagkalbo sa kagubatan, ngunit may iba pang mga puwersa na unti-unting sumisira sa mga punungkahoy, nang paisa-isa, wika nga. Ano ang mga iyon? Ang polusyon sa hangin at pag-ulan ng asido. Ang mga polusyong ito ay maaaring unti-unting magpahina sa mga punungkahoy, anupat nagpapangyari sa mga ito na madaling salakayin ng mga peste at sakit.
Sa loob ng maraming dekada, ang mga dalubhasa sa kapaligiran at iba pang nagmamalasakit na mga mamamayan ay nagbabala hinggil sa pangangailangang maipagsanggalang ang ekosistema ng lupa. Noong dekada ng 1980, matapos pag-aralan ng mga siyentipiko sa Alemanya ang mga epekto sa kapaligiran ng polusyon sa hangin at pag-ulan ng asido, sinabi nila: ‘Kung hindi kikilos, pagsapit ng mga taóng 2000, hahangaan na lamang ng mga tao ang mga kagubatan sa lumang mga larawan at sa mga pelikula.’ Nakatutuwa naman, gayon na lamang ang kapangyarihan ng lupa na magpanibago anupat hanggang ngayon ay nagawa nitong matagalan ang karamihan sa inihulang pinsala.
Gayunman, sa dakong huli ang Diyos ang pangunahing kikilos upang maingatan ang ating ekosistema. “Dinidilig niya ang mga bundok mula sa kaniyang mga pang-itaas na silid” at “nagpapasibol siya ng luntiang damo para sa mga hayop, at ng mga pananim para sa paglilingkod sa sangkatauhan.” At kaniyang ipinangako na ‘ipapahamak [niya] yaong mga nagpapahamak sa lupa.’ (Awit 104:13, 14; Apocalipsis 11:18) Tunay ngang magiging kahanga-hanga iyon kapag matatamasa na ng mga naninirahan sa lupa ang isang daigdig na walang polusyon magpakailanman!—Awit 37:9-11.