Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Ang mga Pagpapalang Dulot ng Mabuting Balita

Ang mga Pagpapalang Dulot ng Mabuting Balita

Ang mga Pagpapalang Dulot ng Mabuting Balita

“Pinahiran ako ni Jehova upang maghayag ng mabuting balita sa maaamo. Isinugo niya ako upang bigkisan ang may pusong wasak, . . . upang aliwin ang lahat ng nagdadalamhati.”​—ISAIAS 61:1, 2.

1, 2. (a) Isiniwalat ni Jesus ang kaniyang sarili bilang ano, at paano? (b) Anong mga pagpapala ang idudulot ng mabuting balita na ipinahayag ni Jesus?

ISANG araw ng Sabbath sa pasimula pa lamang ng kaniyang ministeryo, si Jesus ay nasa sinagoga sa Nazaret. Ayon sa ulat, “ang balumbon ng propetang si Isaias ay ibinigay sa kaniya, at binuksan niya ang balumbon at nasumpungan ang dako kung saan nakasulat: ‘Ang espiritu ni Jehova ay sumasaakin, sapagkat pinahiran niya ako upang magpahayag ng mabuting balita.’ ” Ipinagpatuloy ni Jesus ang higit pang pagbasa sa makahulang teksto. Pagkatapos ay naupo siya at sinabi: “Ngayon ay natutupad ang kasulatang ito na karirinig lamang ninyo.”​—Lucas 4:16-21.

2 Sa ganitong paraan, isiniwalat ni Jesus ang kaniyang sarili bilang ang inihulang ebanghelisador, ang tagapagpahayag ng mabuting balita at tagapagdala ng kaaliwan. (Mateo 4:23) At kaybuti ngang balita ang ipapahayag ni Jesus! Sinabi niya sa kaniyang mga tagapakinig: “Ako ang liwanag ng sanlibutan. Siya na sumusunod sa akin ay hindi sa anumang paraan lalakad sa kadiliman, kundi magtataglay ng liwanag ng buhay.” (Juan 8:12) Sinabi rin niya: “Kung kayo ay nananatili sa aking salita, kayo ay tunay ngang mga alagad ko, at malalaman ninyo ang katotohanan, at ang katotohanan ay magpapalaya sa inyo.” (Juan 8:31, 32) Oo, si Jesus ang may “mga pananalita ng buhay na walang hanggan.” (Juan 6:68, 69) Liwanag, buhay at kalayaan​—tiyak na dapat ngang pahalagahan ang mga pagpapalang ito!

3. Anong mabuting balita ang ipinangaral ng mga alagad ni Jesus?

3 Pagkalipas ng Pentecostes 33 C.E., ipinagpatuloy ng mga alagad ang gawaing pag-eebanghelyo ni Jesus. Ipinangaral nila ang ‘mabuting balita ng kaharian’ kapuwa sa mga Israelita at sa mga tao ng mga bansa. (Mateo 24:14; Gawa 15:7; Roma 1:16) Nakilala ng mga tumugon ang Diyos na Jehova. Sila ay pinalaya mula sa relihiyosong pagkaalipin at naging bahagi ng bagong espirituwal na bansa, ang “Israel ng Diyos,” na ang mga miyembro ay may pag-asang mamahala magpakailanman sa langit kasama ang kanilang Panginoon, si Jesu-Kristo. (Galacia 5:1; 6:16; Efeso 3:5-7; Colosas 1:4, 5; Apocalipsis 22:5) Napakahalaga ngang mga pagpapala iyon!

Pag-eebanghelyo sa Ngayon

4. Sa anong paraan tinutupad sa ngayon ang atas na ipangaral ang mabuting balita?

4 Sa ngayon, ang mga pinahirang Kristiyano, na sinusuportahan ng lumalagong “malaking pulutong” ng “ibang mga tupa,” ay patuloy na tumutupad sa makahulang atas na unang ibinigay kay Jesus. (Apocalipsis 7:9; Juan 10:16) Bilang resulta, ang mabuting balita ay ipinangangaral sa lawak na hindi pa nasaksihan kailanman. Sa 235 lupain at mga teritoryo, ang mga Saksi ni Jehova ay humahayo “upang maghayag ng mabuting balita sa maaamo . . . , upang bigkisan ang may pusong wasak, upang maghayag ng paglaya sa mga bihag at ng lubos na pagkakadilat ng mga mata sa mga bilanggo; upang ihayag ang taon ng kabutihang-loob ni Jehova at ang araw ng paghihiganti ng ating Diyos; upang aliwin ang lahat ng nagdadalamhati.” (Isaias 61:1, 2) Kaya naman, ang Kristiyanong gawaing pag-eebanghelyo ay patuloy na nagdudulot ng mga pagpapala sa marami at ng tunay na kaaliwan sa “mga nasa anumang uri ng kapighatian.”​—2 Corinto 1:3, 4.

5. May kaugnayan sa pangangaral ng mabuting balita, paano naiiba ang mga Saksi ni Jehova sa mga simbahan ng Sangkakristiyanuhan?

5 Totoo na ang mga simbahan ng Sangkakristiyanuhan ay nagtataguyod ng iba’t ibang pamamaraan sa pag-eebanghelyo. Marami ang nagpapadala ng mga misyonero upang magsagawa ng proselitismo sa ibang mga lupain. Halimbawa, ang The Orthodox Christian Mission Center Magazine ay nag-uulat tungkol sa gawain ng mga misyonerong Ortodokso sa Madagascar, timugang Aprika, Tanzania, at Zimbabwe. Gayunman, sa Simbahang Ortodokso, tulad sa iba pang mga simbahan ng Sangkakristiyanuhan, ang karamihan sa mga miyembro ay hindi nakikibahagi sa gayong gawain. Kabaligtaran nito, ang lahat ng nakaalay na mga Saksi ni Jehova ay nagsisikap na makibahagi sa pag-eebanghelyo. Natatanto nila na ang pagpapahayag ng mabuting balita ay isang katibayan ng pagiging tunay ng kanilang pananampalataya. Sinabi ni Pablo: “Sa pamamagitan ng puso ang isa ay nananampalataya ukol sa katuwiran, ngunit sa pamamagitan ng bibig ang isa ay gumagawa ng pangmadlang pagpapahayag ukol sa kaligtasan.” Ang pananampalataya na hindi nag-uudyok sa isa upang kumilos ay, sa diwa, patay.​—Roma 10:10; Santiago 2:17.

Mabuting Balita na Nagdudulot ng Walang-Hanggang mga Pagpapala

6. Anong mabuting balita ang ipinangangaral ngayon?

6 Ipinangangaral ng mga Saksi ni Jehova ang pinakamabuting balita na posible. Binubuklat nila ang kanilang mga Bibliya at ipinakikita sa mga tumutugon na inihain ni Jesus ang kaniyang buhay upang bigyan ang sangkatauhan ng isang paraan ng paglapit sa Diyos, ng kapatawaran sa mga kasalanan, at ng pag-asang buhay na walang hanggan. (Juan 3:16; 2 Corinto 5:18, 19) Ipinapahayag nila na ang Kaharian ng Diyos ay naitatag na sa langit sa ilalim ng pinahirang Hari, si Jesu-Kristo, at na di-magtatagal ay papawiin nito ang kabalakyutan mula sa lupa at pangangasiwaan ang pagsasauli sa Paraiso. (Apocalipsis 11:15; 21:3, 4) Bilang katuparan ng hula ni Isaias, ipinababatid nila sa kanilang kapuwa na ngayon na “ang taon ng kabutihang-loob ni Jehova” habang ang sangkatauhan ay maaari pang tumugon sa mabuting balita. Nagbababala rin sila na di-magtatagal at darating na “ang araw ng paghihiganti ng ating Diyos” kapag lilipulin na ni Jehova ang di-nagsisising mga manggagawa ng kamalian.​—Awit 37:9-11.

7. Anong karanasan ang nagpapakita sa pagkakaisa ng mga Saksi ni Jehova, at bakit nagtatamasa sila ng gayong pagkakaisa?

7 Sa isang daigdig na lipos ng trahedya at kasakunaan, ito lamang ang mabuting balita na may walang-hanggang mga kapakinabangan. Yaong mga tumatanggap nito ay nagiging bahagi ng isang nagkakaisa at pambuong-daigdig na kapatiran ng mga Kristiyano na hindi nagpapahintulot na sila’y magkabaha-bahagi dahil sa pagkakaiba ng kanilang bansa, tribo, o kabuhayan. ‘Dinamtan nila ang kanilang sarili ng pag-ibig, sapagkat ito ay isang sakdal na bigkis ng pagkakaisa.’ (Colosas 3:14; Juan 15:12) Ito ay nasaksihan noong nakalipas na taon sa isang bansa sa Aprika. Isang umaga ay nagulantang ang kabiserang lunsod dahil sa mga pagputok ng baril. Nasa kasagsagan ang tangkang kudeta. Nang ang mga pangyayari ay nauwi sa usaping pang-etniko, isang pamilyang Saksi ang tinuligsa dahil sa pagkupkop sa mga kapuwa Saksi na kabilang sa ibang etnikong grupo. Sumagot ang pamilya: “Mga Saksi ni Jehova lamang ang nakatira sa aming tahanan.” Para sa kanila, ang etnikong pagkakaiba ay hindi mahalaga; ang Kristiyanong pag-ibig​—ang pagbibigay ng kaaliwan sa mga nangangailangan​—ang siyang mahalaga. Ganito ang komento ng isang di-Saksing kamag-anak: “Ipinagkanulo ng mga miyembro ng lahat ng relihiyon ang kanilang mga kapuwa mananamba. Tanging ang mga Saksi ni Jehova ang hindi gumawa nito.” Ipinakikita ng maraming nakakatulad na mga pangyayari na iniulat mula sa mga lupain na giniyagis ng alitang sibil na ang mga Saksi ni Jehova ay talagang may “pag-ibig sa buong samahan ng mga kapatid.”​—1 Pedro 2:17.

Binabago ng Mabuting Balita ang mga Tao

8, 9. (a) Anong mga pagbabago ang ginagawa niyaong mga tumatanggap ng mabuting balita? (b) Anong mga karanasan ang naglalarawan sa kapangyarihan ng mabuting balita?

8 Ang mabuting balita ay may kaugnayan sa tinatawag ni Pablo na “buhay ngayon at yaong darating.” (1 Timoteo 4:8) Hindi lamang ito nagbibigay ng isang kamangha-mangha at tiyak na pag-asa sa hinaharap kundi napabubuti rin naman nito ang “buhay ngayon.” Bilang mga indibiduwal, ang mga Saksi ni Jehova ay pinapatnubayan ng Salita ng Diyos, ang Bibliya, upang ang kanilang buhay ay gawing kasuwato ng kalooban ng Diyos. (Awit 119:101) Ang kanilang personalidad mismo ay nababago habang nililinang nila ang mga katangiang tulad ng katuwiran at pagkamatapat.​—Efeso 4:24.

9 Isaalang-alang ang halimbawa ni Franco. Siya ay magagalitin. Kapag hindi maganda ang nangyayari, nagiging marahas siya at naninira ng mga bagay. Ang kaniyang asawa ay nakipag-aral ng Bibliya sa mga Saksi ni Jehova, at ang kanilang Kristiyanong halimbawa ay unti-unting tumulong kay Franco na makita na kailangan siyang magbago. Nakipag-aral siya ng Bibliya sa kanila at sa wakas ay nakapagpamalas ng kapayapaan at pagpipigil sa sarili na mga bunga ng banal na espiritu. (Galacia 5:22, 23) Siya ay isa sa 492 nabautismuhan sa Belgium noong 2001 taon ng paglilingkod. Isaalang-alang din si Alejandro. Ang kabataang lalaking iyan ay labis na nalulong sa droga anupat nawasak ang buhay niya hanggang sa punto na nasadlak siya sa isang tapunan ng basura, na naghahalukay ng anumang maipagbibili niya upang maipantutustos sa kaniyang bisyo sa droga. Nang siya ay 22 taóng gulang, inanyayahan ng mga Saksi ni Jehova si Alejandro na mag-aral ng Bibliya, at pumayag naman siya. Binasa niya ang Bibliya araw-araw at dumalo sa mga Kristiyanong pagpupulong. Nilinis niya ang kaniyang buhay nang napakabilis anupat sa loob ng wala pang anim na buwan, nakibahagi na siya sa gawaing pag-eebanghelyo​—isa siya sa 10,115 na gumawa ng gayon sa Panama noong nakaraang taon.

Ang Mabuting Balita​—Isang Pagpapala sa Maaamo

10. Sino ang tumutugon sa mabuting balita, at paano nagbabago ang kanilang pangmalas?

10 Inihula ni Isaias na ipangangaral ang mabuting balita sa maaamo. Sino ang maaamong ito? Sila ang mga inilarawan sa aklat ng Mga Gawa bilang mga “wastong nakaayon ukol sa buhay na walang hanggan.” (Gawa 13:48) Sila ay mapagpakumbabang mga indibiduwal na masusumpungan sa lahat ng sektor ng lipunan na tumutugon sa mensahe ng katotohanan. Natututuhan ng gayong mga indibiduwal na ang paggawa ng kalooban ng Diyos ay nagdudulot ng mga pagpapala na mas higit na sagana kaysa sa anumang iniaalok ng sekular na sanlibutan. (1 Juan 2:15-17) Gayunman, paano naaabot ng mga Saksi ni Jehova ang mga puso sa kanilang gawaing pag-eebanghelyo?

11. Ayon kay Pablo, paano dapat ipangaral ang mabuting balita?

11 Buweno, isaalang-alang ang halimbawa ng apostol na si Pablo, na sumulat sa mga taga-Corinto: “Nang pumariyan ako sa inyo, mga kapatid, hindi ako pumariyan taglay ang karangyaan ng pananalita o ng karunungan na ipinahahayag sa inyo ang sagradong lihim ng Diyos. Sapagkat ipinasiya kong huwag alamin ang anumang bagay sa gitna ninyo maliban kay Jesu-Kristo, at siya na ibinayubay.” (1 Corinto 2:1, 2) Hindi sinikap ni Pablo na pahangain ang kaniyang mga tagapakinig sa kaniyang nalalaman. Wala siyang itinuro kundi ang mga katotohanang binigyang-katiyakan ng Diyos, mga katotohanan na sa ngayon ay nakaulat sa Bibliya. Pansinin din ang pampasigla ni Pablo sa kaniyang kapuwa ebanghelisador na si Timoteo: “Ipangaral mo ang salita, maging apurahan ka rito.” (2 Timoteo 4:2) Kailangang ipangaral ni Timoteo “ang salita,” ang mensahe ng Diyos. Sumulat din si Pablo kay Timoteo: “Gawin mo ang iyong buong makakaya na iharap sa Diyos ang iyong sarili bilang sinang-ayunan, manggagawa na walang anumang ikinahihiya, na ginagamit nang wasto ang salita ng katotohanan.”​—2 Timoteo 2:15.

12. Paano binibigyang-pansin ng mga Saksi ni Jehova sa ngayon ang mga salita at halimbawa ni Pablo?

12 Binigyang-pansin ng mga Saksi ni Jehova ang halimbawa ni Pablo, gayundin ang kaniyang mga salita kay Timoteo. Kinikilala nila ang kapangyarihan ng Salita ng Diyos at ginagamit ito nang mabuti habang sinisikap nilang ipakita sa kanilang kapuwa ang angkop na mga salita ng pag-asa at kaaliwan. (Awit 119:52; 2 Timoteo 3:16, 17; Hebreo 4:12) Totoo, ginagamit nila nang mabuti ang mga literatura sa Bibliya upang ang mga interesado ay magtamo ng higit pang kaalaman sa Bibliya sa panahong libre sila. Ngunit lagi nilang sinisikap na ipakita sa mga tao ang mga salita ng Kasulatan. Alam nila na ang kinasihang Salita ng Diyos ay magpapakilos sa puso ng mga mapagpakumbaba. At ang paggamit dito sa ganitong paraan ay nagpapatibay rin sa kanilang sariling pananampalataya.

“Aliwin ang Lahat ng Nagdadalamhati”

13. Noong taóng 2001, anong mga pangyayari ang humantong sa malaganap na pangangailangang magbigay ng kaaliwan sa mga nagdadalamhati?

13 Ang taóng 2001 ay nakaranas din ng mga kasakunaan, at bilang resulta, maraming indibiduwal ang nangangailangan ng kaaliwan. Nasaksihan noong nakaraang Setyembre ang isang pambihirang halimbawa sa Estados Unidos, nang salakayin ng mga terorista ang World Trade Center sa New York at ang Pentagon malapit sa Washington, D.C. Gayon na lamang ang pagkasindak ng buong bansa sa mga pagsalakay na iyon! Sa harap ng gayong mga pangyayari, sinisikap ng mga Saksi ni Jehova na tuparin ang kanilang atas na magbigay ng ‘kaaliwan sa lahat ng nagdadalamhati.’ Ilalarawan ng ilang karanasan kung paano nila ito ginagawa.

14, 15. Paano mabisang nagamit ng mga Saksi sa dalawang magkaibang pagkakataon ang mga kasulatan upang aliwin ang mga nagdadalamhati?

14 Isang Saksi na buong-panahong ebanghelisador ang lumapit sa isang babae sa bangketa at nagtanong kung ano ang palagay niya tungkol sa nakaraang mga pagsalakay ng mga terorista. Umiyak ang babae. Sinabi nito na nalungkot siya at na sana ay makatulong siya kahit paano. Sinabi ng Saksi sa kaniya na ang Diyos ay lubhang interesado sa ating lahat, at binasa ng Saksi ang Isaias 61:1, 2. Ang mga salitang ito na kinasihan ng Diyos ay waring makatuwiran para sa babae, na nagsabi na ang lahat ay nagdadalamhati. Tinanggap nito ang isang tract at hiniling sa Saksi na dalawin siya sa kaniyang tahanan.

15 Dalawang Saksi na nakibahagi sa gawaing pag-eebanghelyo ang nakipag-usap sa isang lalaking nagtatrabaho sa kaniyang talyer. Nag-alok sila na ipakita sa kaniya ang mga salita ng kaaliwan mula sa Kasulatan dahil sa kamakailang trahedya sa World Trade Center. Nang siya’y sumang-ayon, binasa nila ang 2 Corinto 1:3-7, na doo’y kalakip ang mga salitang: “Nananagana sa pamamagitan ng Kristo ang kaaliwan.” Pinahalagahan ng lalaki na ang kaniyang mga kapitbahay na Saksi ay namamahagi ng isang bagay na nakaaaliw sa iba at nagsabi: “Pagpalain nawa ng Diyos ang kahanga-hangang gawain na isinasakatuparan ninyo.”

16, 17. Anong dalawang karanasan ang nagpapakita sa kapangyarihan ng Bibliya na tulungan ang mga indibiduwal na nalulungkot o nababagabag dahil sa mga trahedya?

16 Nakausap ng isang Saksi na dumadalaw-muli sa mga interesado ang anak na lalaki ng isang babae na dati nang nagpakita ng interes at ipinaliwanag ng Saksi na nag-aalala siya kung ano na ang nangyari sa kaniyang mga kapitbahay pagkatapos ng kamakailang trahedya. Nagulat ang lalaki na ginugol ng Saksi ang kaniyang sariling panahon upang dalawin ang mga tao at alamin ang kanilang kalagayan. Sinabi ng lalaki na nagtatrabaho siya malapit sa World Trade Center nang maganap ang pagsalakay at nasaksihan niya ang buong pangyayari. Nang magtanong ito kung bakit pinahihintulutan ng Diyos ang pagdurusa, binasa ng Saksi ang mga talata mula sa Bibliya, lakip na ang Awit 37:39, na nagsasabi: “Ang kaligtasan ng mga matuwid ay mula kay Jehova; siya ang kanilang tanggulan sa panahon ng kabagabagan.” May-kabaitang kinumusta ng lalaki ang Saksi at ang kaniyang pamilya, inanyayahan itong bumalik, at ipinahayag ang taos-pusong pagpapahalaga sa pagdalaw na iyon.

17 Isa pa sa libu-libong nagdadalamhati na naaliw ng mga Saksi ni Jehova noong mga araw pagkatapos ng mga pagsalakay ng mga terorista ay ang isang babae na nakausap ng mga Saksi samantalang dumadalaw sila sa kanilang mga kapitbahay. Siya ay labis na nabagabag sa nangyari at nakinig habang binabasa nila ang Awit 72:12-14: “Ililigtas niya ang dukha na humihingi ng tulong, gayundin ang napipighati at ang sinumang walang katulong. Maaawa siya sa maralita at sa dukha, at ang mga kaluluwa ng mga dukha ay ililigtas niya. Tutubusin niya ang kanilang kaluluwa mula sa paniniil at mula sa karahasan, at ang kanilang dugo ay magiging mahalaga sa kaniyang paningin.” Tunay ngang makahulugan ang mga salitang iyon! Hiniling ng babae sa mga Saksi na basahing muli ang mga talata at inanyayahan sila sa kaniyang bahay upang ipagpatuloy ang pag-uusap. Sa katapusan ng pag-uusap, napasimulan ang isang pag-aaral sa Bibliya.

18. Paano tinulungan ng isang Saksi ang kaniyang kapuwa nang siya ay anyayahang manalangin alang-alang sa kanila?

18 Isang Saksi ang nagtatrabaho sa isang restawran sa isang medyo mariwasang pamayanan kung saan ang mga tao ay dating hindi gaanong nagpakita ng interes sa mabuting balita ng Kaharian. Pagkatapos ng mga pagsalakay ng mga terorista, waring natigatig ang pamayanan. Noong gabi ng Biyernes pagkatapos ng pagsalakay, inanyayahan ng manedyer ng restawran ang lahat na lumabas at humawak ng mga kandila, anupat idinaos ang isang sandali ng tahimik na pagmumuni-muni bilang pag-alaala sa mga biktima. Palibhasa’y iginagalang ang kanilang mga damdamin, lumabas din ang Saksi at tahimik na tumayo sa bangketa. Alam ng manedyer na siya ay isang ministro ng mga Saksi ni Jehova, kaya pagkatapos ng panahon ng pagmumuni-muni, hiniling ng manedyer na katawanin niya ang lahat sa pananalangin. Pumayag ang Saksi. Sa kaniyang panalangin, binanggit niya ang laganap na pagdadalamhati ngunit sinabi niya na ang mga nagdadalamhati ay hindi kailangang mamighati nang walang pag-asa. Binanggit niya ang panahon na ang gayong kahila-hilakbot na mga pangyayari ay hindi na magaganap at sinabi niya na ang lahat ay higit na makalalapit sa Diyos ng kaaliwan sa pamamagitan ng tumpak na kaalaman mula sa Bibliya. Pagkatapos magsabi ng “Amen,” ang manedyer​—kasunod ang mahigit na 60 katao na nasa labas ng restawran​—ay lumapit sa Saksi, pinasalamatan siya, at niyakap siya, na sinasabing ang panalanging iyon ang pinakamagandang panalangin na narinig niya kailanman.

Isang Pagpapala sa Pamayanan

19. Anong karanasan ang nagpapakita na kinikilala ng ilan ang matataas na pamantayan ng mga Saksi ni Jehova?

19 Sa mga araw na ito lalung-lalo na, nakikinabang ang mga pamayanan na doo’y aktibo ang mga Saksi ni Jehova​—gaya ng sinasabi ng marami. Paanong hindi magiging kapaki-pakinabang na impluwensiya ang mga taong nagtataguyod ng kapayapaan, katapatan, at kalinisan sa moral? Sa isang bansa sa Gitnang Asia, nakausap ng mga Saksi ang isang retiradong opisyal ng dating ahensiyang panseguridad ng estado. Sinabi niya na minsan ay inatasan siyang magsiyasat sa iba’t ibang relihiyosong organisasyon. Nang siyasatin niya ang mga Saksi ni Jehova, humanga siya sa kanilang katapatan at mabuting paggawi. Hinangaan niya ang kanilang matatag na pananampalataya at ang katotohanan na ang kanilang mga turo ay salig sa Kasulatan. Pumayag ang lalaking ito sa isang pag-aaral sa Bibliya.

20. (a) Ano ang ipinakikita ng gawain na iniulat ng mga Saksi ni Jehova noong nakaraang taon? (b) Ano ang nagpapahiwatig na marami pang kailangang gawin, at paano natin minamalas ang ating pribilehiyo sa pag-eebanghelyo?

20 Sa ilang karanasan na inilahad sa artikulong ito, mula sa libu-libo na maaaring ilahad, maliwanag na ang mga Saksi ni Jehova ay abalang-abala noong 2001 taon ng paglilingkod. * Nakipag-usap sila sa milyun-milyong tao, inaliw nila ang marami na nagdadalamhati, at pinagpala ang kanilang gawaing pag-eebanghelyo. Sinagisagan ng 263,431 ang kanilang pag-aalay sa Diyos sa pamamagitan ng pagpapabautismo. Sa buong daigdig, ang bilang ng mga ebanghelisador ay tumaas nang 1.7 porsiyento. At ang bagay na 15,374,986 ang dumalo sa taunang Memoryal ng kamatayan ni Jesus ay nagpapakita na marami pang kailangang gawin. (1 Corinto 11:23-26) Patuloy nawa nating hanapin ang maaamo na tumutugon sa mabuting balita. At hangga’t nagpapatuloy ang taon ng kabutihang-loob ni Jehova, patuloy nawa nating aliwin “ang may pusong wasak.” Tunay ngang isang pinagpalang pribilehiyo ang taglay natin! Walang alinlangan na ipinapahayag nating lahat ang mga salita ni Isaias: “Walang pagsalang magbubunyi ako kay Jehova. Ang aking kaluluwa ay magagalak sa aking Diyos.” (Isaias 61:10) Patuloy nawa tayong gamitin ng Diyos habang isinasakatuparan niya ang makahulang mga salitang ito: “Pangyayarihin ng Soberanong Panginoong Jehova ang pagsibol ng katuwiran at ng kapurihan sa harap ng lahat ng mga bansa.”​—Isaias 61:11.

[Talababa]

^ par. 20 Ipinakikita ng tsart sa pahina 19 hanggang 22 ang ulat ng gawain ng mga Saksi ni Jehova noong 2001 taon ng paglilingkod.

Natatandaan Mo Ba?

• Paano pinagpapala ng mabuting balita ang maaamo na pinangaralan ni Jesus?

• Anong mga pagpapala ang dumating sa mga tumugon sa gawaing pag-eebanghelyo ng mga alagad ni Jesus noong unang siglo?

• Paano pinagpapala ng mabuting balita ang mga tumutugon sa ngayon?

• Paano natin minamalas ang ating pribilehiyo na maging mga ebanghelisador?

[Mga Tanong sa Aralin]

[Chart sa pahina 19-22]

ULAT SA 2001 TAON NG PAGLILINGKOD NG MGA SAKSI NI JEHOVA SA BUONG DAIGDIG

(Tingnan ang publikasyon)

[Mga larawan sa pahina 15]

Laging natatandaan ng mga Saksi ni Jehova ang kanilang pananagutan na mag-ebanghelyo

[Mga larawan sa pahina 17]

Yaong mga tumutugon sa mabuting balita ay nagiging bahagi ng isang nagkakaisa at pambuong-daigdig na kapatiran