Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

“Ang Kaligtasan ay kay Jehova”

“Ang Kaligtasan ay kay Jehova”

“Ang Kaligtasan ay kay Jehova”

SA PANAHON ng pambansang krisis at internasyonal na tensiyon, umaasa ang mga tao sa kanilang gobyerno para sa kaligtasan at katiwasayan. Sa bahagi naman ng mga gobyerno, pinag-iibayo nila ang mga programa na dinisenyo upang pagkaisahin ang suporta ng taong-bayan. Habang lalong itinataguyod ng gayong mga programa ang pagkamakabayan, lalo namang nagiging masigla at madalas ang mga pagdaraos ng mga seremonyang makabayan.

Sa panahon ng pambansang kagipitan, ang alab ng pagkamakabayan ay madalas na nagpapadama sa mga tao ng pagkakaisa at lakas at maaaring magtaguyod sa gitna nila ng espiritu ng pagtutulungan at pagiging palaisip sa kapakanan ng komunidad. Gayunman, “ang pagkamakabayan ay posibleng maging mapanganib na gaya ng anumang damdamin,” ang sabi ng isang artikulo sa The New York Times Magazine, yamang “sa sandaling maipahayag ito, maaari itong maging hindi kanais-nais.” Ang mga kapahayagan ng pagkamakabayan ay maaaring humantong sa mga pagkilos na maaaring manghimasok sa mga sibil at relihiyosong kalayaan ng ilang mamamayan ng bansa. Ang mga tunay na Kristiyano ay partikular nang ginigipit na ikompromiso ang kanilang mga paniniwala. Paano sila gumagawi kapag nalilipos ng gayong impluwensiya ang daigdig sa palibot nila? Anong maka-Kasulatang mga simulain ang tumutulong sa kanila upang kumilos nang may malalim na unawa at upang mapanatili ang kanilang katapatan sa Diyos?

“Huwag Mong Yuyukuran ang mga Iyon”

Kung minsan, ang pagsaludo sa pambansang watawat ay nagiging popular na kapahayagan ng pagkamakabayan. Ngunit ang mga watawat ay kadalasang may mga larawan ng mga bagay sa langit, gaya ng mga bituin, gayundin ng mga bagay sa lupa. Ipinahayag ng Diyos ang kaniyang pangmalas hinggil sa pagyukod sa gayong mga bagay nang iutos niya sa kaniyang bayan: “Huwag kang gagawa para sa iyo ng inukit na imahen o ng anyo na tulad ng anumang nasa langit sa itaas o nasa lupa sa ibaba o nasa tubig sa ilalim ng lupa. Huwag mong yuyukuran ang mga iyon ni maganyak ka man na paglingkuran ang mga iyon, sapagkat akong si Jehova na iyong Diyos ay Diyos na humihiling ng bukod-tanging debosyon.”​—Exodo 20:4, 5.

Ang pagsaludo ba o pagluhod sa harap ng watawat na kumakatawan sa Estado ay talagang salungat sa pagbibigay sa Diyos na Jehova ng bukod-tanging debosyon? Totoo na ang sinaunang mga Israelita ay may “mga tanda,” o mga estandarte, kung saan nagpipisan sa palibot nito ang kanilang tigtatatlong-tribong mga pangkat habang sila’y nasa ilang. (Bilang 2:1, 2) Sa pagkokomento sa salitang Hebreo na tumutukoy sa gayong mga estandarte, ganito ang sabi ng Cyclopedia nina McClintock at Strong: “Gayunman, wala sa mga salitang ito ang nagpapahayag sa ideya na itinatawid ng salitang ‘estandarte’ sa ating isipan, samakatuwid nga, isang watawat.” Karagdagan pa, ang mga estandarte sa Israel ay hindi itinuring na sagrado, ni may anumang seremonya na kaakibat ng paggamit sa mga iyon. Ang praktikal na gamit lamang ng mga iyon ay bilang mga tanda, na nagpapakita kung saan dapat magpisan ang mga tao.

Ang mga larawan ng mga kerubin sa tabernakulo at sa templo ni Solomon ay pangunahin nang nagsisilbing paglalarawan sa mga kerubin sa langit. (Exodo 25:18; 26:1, 31, 33; 1 Hari 6:23, 28, 29; Hebreo 9:23, 24) Ang bagay na hindi dapat sambahin ang artistikong mga paglalarawang ito ay maliwanag mula sa katotohanan na sa pangkalahatan ay hindi nakita kailanman ng bayan ang mga ito at na ang mga anghel mismo ay hindi dapat sambahin.​—Colosas 2:18; Apocalipsis 19:10; 22:8, 9.

Isaalang-alang din ang larawan ng tansong serpiyente na ginawa ni propeta Moises noong panahon ng paglalakbay ng mga Israelita sa iláng. Ang larawang iyon, o imahen, ay nagsilbing isang sagisag at iyon ay may makahulang kahulugan. (Bilang 21:4-9; Juan 3:14, 15) Hindi iyon sinamba o ginamit sa pagsamba. Gayunman, maraming siglo pagkalipas ng panahon ni Moises, may-kamaliang sinamba ng mga Israelita ang mismong imaheng iyon, anupat nagsunog pa nga ng insenso rito. Kaya naman, ipinadurog ito ni Haring Hezekias ng Juda.​—2 Hari 18:1-4.

Ang pambansang mga watawat ba ay mga tanda lamang na may kapaki-pakinabang na gamit? Ano ang isinasagisag ng mga ito? “Ang pinakapangunahing sagisag ng pananampalataya at ang pinakapangunahing bagay na sinasamba sa nasyonalismo ay ang watawat,” ang sabi ng awtor na si J. Paul Williams. Ganito ang sabi ng Encyclopedia Americana: “Ang watawat, tulad ng krus, ay sagrado.” Ang watawat ang sagisag ng Estado. Kung gayon, ang pagyukod dito o pagsaludo rito ay isang relihiyosong seremonya na nagbibigay ng pagpipitagan sa Estado. Ang gayong pagkilos ay nagpapahiwatig na ang kaligtasan ay nagmumula sa Estado, at hindi kasuwato ng sinasabi ng Bibliya hinggil sa idolatriya.

Maliwanag na sinasabi ng Bibliya: “Ang kaligtasan ay kay Jehova.” (Awit 3:8) Hindi dapat ituring na nagmumula ang kaligtasan sa mga institusyon ng tao o sa kanilang mga sagisag. Pinayuhan ni apostol Pablo ang mga kapuwa Kristiyano: “Mga minamahal ko, tumakas kayo mula sa idolatriya.” (1 Corinto 10:14) Ang sinaunang mga Kristiyano ay hindi nakisali sa mga gawang pagsamba sa Estado. Sa aklat na Those About to Die, ganito ang sabi ni Daniel P. Mannix: “Ang mga Kristiyano ay tumangging . . . maghain sa espiritung tagapagbantay ng [Romanong] emperador​—halos katumbas sa ngayon ng pagtangging sumaludo sa watawat.” Gayundin ang ginagawa ng mga tunay na Kristiyano sa ngayon. Upang maiukol kay Jehova ang bukod-tanging debosyon, tumatanggi silang sumaludo sa watawat ng anumang bansa. Sa paggawa nito, inuuna nila ang Diyos habang pinananatili nila ang paggalang sa mga gobyerno at sa mga tagapamahala ng mga ito. Sa katunayan, kinikilala nila ang kanilang pananagutan na magpasakop sa “nakatataas na mga awtoridad” ng gobyerno. (Roma 13:1-7) Gayunman, ano ba ang maka-Kasulatang pangmalas sa pag-awit ng mga awiting makabayan, gaya ng mga pambansang awit?

Ano ba ang mga Pambansang Awit?

“Ang mga pambansang awit ay mga kapahayagan ng pagkamakabayan at kadalasang nagsasangkot ng pagsusumamo ukol sa patnubay at pag-iingat ng Diyos sa bayan o sa mga tagapamahala nito,” ang sabi ng The Encyclopedia Americana. Sa diwa, ang pambansang awit ay isang himno o panalangin alang-alang sa isang bansa. Ito ay kadalasang humihiling na ang bansa ay makaranas ng materyal na kasaganaan at mahabang pag-iral. Dapat bang makiisa sa gayong mapagsumamong damdamin ang tunay na mga Kristiyano?

Si propeta Jeremias ay nabuhay kasabay ng mga taong nag-aangking naglilingkod sa Diyos. Gayunman, inutusan siya ni Jehova: “Huwag kang manalangin para sa bayang ito, ni magpailanlang para sa kanila ng pagsusumamo o ng panalangin ni mamanhik man sa akin, sapagkat hindi ako makikinig sa iyo.” (Jeremias 7:16; 11:14; 14:11) Bakit binigyan ng ganitong utos si Jeremias? Sapagkat ang kanilang lipunan ay batbat ng pagnanakaw, pagpatay, pangangalunya, huwad na panunumpa, at idolatriya.​—Jeremias 7:9.

Si Jesu-Kristo ay nagpakita ng parisan nang sabihin niya: “Humihiling ako, hindi may kinalaman sa sanlibutan, kundi may kinalaman doon sa mga ibinigay mo sa akin.” (Juan 17:9) Sinasabi ng Kasulatan na “ang buong sanlibutan ay nasa kapangyarihan ng isa na balakyot” at ito ay “lumilipas.” (1 Juan 2:17; 5:19) Kung gayon, paano mananalangin nang buong katapatan ang tunay na mga Kristiyano ukol sa kasaganaan at mahabang pag-iral ng gayong sistema?

Sabihin pa, hindi lahat ng pambansang awit ay may kalakip na mga pagsusumamo sa Diyos. “Iba-iba ang damdamin ng mga pambansang awit,” ang sabi ng Encyclopædia Britannica, “mula sa mga panalangin para sa monarka tungo sa pagtukoy sa mahahalagang digmaan o paghihimagsik ng bansa . . . hanggang sa mga kapahayagan ng pagkamakabayan.” Ngunit yaon bang mga nagsisikap na palugdan ang Diyos ay maaaring aktuwal na magbunyi sa mga digmaan at mga rebolusyon ng anumang bansa? Hinggil sa tunay na mga mananamba, inihula ni Isaias: “Pupukpukin nila ang kanilang mga tabak upang maging mga sudsod at ang kanilang mga sibat upang maging mga karit na pampungos.” (Isaias 2:4) “Bagaman lumalakad kami sa laman,” ang isinulat ni apostol Pablo, “hindi kami nakikipagdigma ayon sa kung ano kami sa laman. Sapagkat ang mga sandata ng aming pakikidigma ay hindi makalaman.”​—2 Corinto 10:3, 4.

Ang mga pambansang awit ay kadalasang nagpapahayag ng damdamin ng pagmamalaki ng isang bansa o ng kahigitan nito. Ang pangmalas na ito ay walang maka-Kasulatang saligan. Sa kaniyang talumpati sa Areopago, sinabi ni apostol Pablo: “Ginawa [ng Diyos na Jehova] mula sa isang tao ang bawat bansa ng mga tao, upang tumahan sa ibabaw ng buong lupa.” (Gawa 17:26) “Ang Diyos ay hindi nagtatangi,” ang sabi ni apostol Pedro, “kundi sa bawat bansa ang tao na natatakot sa kaniya at gumagawa ng katuwiran ay kaayaaya sa kaniya.”​—Gawa 10:34, 35.

Dahil sa kanilang pagkaunawa sa Bibliya, marami ang personal na nagpapasiya na hindi makibahagi sa pagsaludo sa watawat at sa pag-awit ng mga awiting makabayan. Ngunit paano sila gumagawi kapag tuwiran silang napaharap sa mga kalagayang nagsasangkot ng mga isyung ito?

Magalang na Tumanggi

Sa pagsisikap na patibayin ang pagkakaisa ng kaniyang imperyo, si Haring Nabucodonosor ng sinaunang Babilonya ay nagtayo ng pagkalaki-laking imaheng ginto sa kapatagan ng Dura. Pagkatapos ay isinaayos niya ang isang seremonya ng pagpapasinaya kung saan inimbitahan niya ang kaniyang mga satrapa, prepekto, gobernador, tagapayo, at iba pang matataas na opisyal. Kapag pinatugtog ang musika, ang lahat ng nagkatipon ay dapat yumukod at sumamba sa imahen. Kabilang sa mga hinilingang dumalo ay ang tatlong kabataang Hebreo​—sina Sadrac, Mesac, at Abednego. Paano nila ipinakita na hindi sila nakikibahagi sa relihiyosong seremonyang iyon? Nang magsimula ang musika at yaong mga nagkatipon ay nagpatirapa sa harap ng imahen, nanatiling nakatayo ang tatlong Hebreo.​—Daniel 3:1-12.

Sa ngayon, ang mga watawat ay kadalasang sinasaluduhan nang nakaunat ang bisig o nakalagay ang kamay sa gilid ng noo o sa tapat ng puso. Kung minsan, maaaring iposisyon ang katawan sa isang pantanging paraan. Sa ilang lupain, ang mga bata sa paaralan ay inaasahang lumuhod at humalik sa watawat. Sa pamamagitan ng tahimik na pagtayo habang ang iba ay sumasaludo sa watawat, maliwanag na ipinakikita ng tunay na mga Kristiyano na sila ay magalang na mga tagapagmasid.

Paano kung ang seremonya para sa watawat ay ginagawa sa paraang ang basta pagtayo lamang ay nagpapakita na ng pakikibahagi? Halimbawa, ipagpalagay na isang estudyante sa paaralan ang pinili upang katawanin ang buong paaralan at sasaludo siya sa watawat sa labas sa may tagdan ng watawat (flag pole) habang ang ibang estudyante naman ay inaasahang tumayo nang tuwid sa loob ng silid-aralan. Ang pagtayo lamang sa pagkakataong iyon ay nagpapahiwatig na ang isa ay sumasang-ayon na ang estudyanteng nasa labas ay maging personal na kinatawan sa pagsaludo sa watawat. Ang pagtayo sa anumang paraan ay mangangahulugan ng pagsali sa seremonya. Kung ganito ang kalagayan, yaong mga nagnanais na maging magagalang na tagapagmasid lamang ay mananatiling nakaupo nang tahimik. Paano kung ang buong klase ay nakatayo na nang magsimula ang gayong seremonya? Sa ganitong kalagayan, hindi ituturing na pakikibahagi kung mananatili tayong nakatayo.

Ipagpalagay natin ang isa ay hindi naman hinihilingang sumaludo sa watawat kundi humawak lamang nito, sa parada man o sa silid-aralan o saanman, upang ang iba ay makasaludo. Sa halip na ‘tumakas sa idolatriya,’ gaya ng iniutos ng Kasulatan, ito sa katunayan ay nangangahulugan ng pagiging nasa sentro mismo ng seremonya. Totoo rin ito sa pagmamartsa sa mga paradang makabayan. Dahil ang paggawa nito ay mangangahulugan ng pagsuporta sa pinararangalan ng parada, buong-katapatang tumatanggi ang tunay na mga Kristiyano.

Kapag pinatutugtog ang mga pambansang awit, kadalasang ang kailangan lamang gawin ng isang tao upang maipakita na nakikiisa siya sa damdamin ng awit ay ang tumayo. Sa gayong mga kalagayan, ang mga Kristiyano ay nananatiling nakaupo. Gayunman, kung sila ay nakatayo na kapag ang pambansang awit ay pinatugtog, hindi na nila kailangang gawin ang pantanging hakbang na umupo. Hindi naman ito nangangahulugan na waring sadya silang tumayo alang-alang sa awit. Sa kabilang panig, kung ang isang grupo ay inaasahang tumayo at umawit, ang basta pagtayo bilang paggalang ngunit hindi naman pag-awit ay hindi nangangahulugan ng pakikiisa sa damdamin ng awit.

“Magtaglay Kayo ng Isang Mabuting Budhi”

Matapos ilarawan ang kawalang-saysay ng gawang-taong mga bagay na sinasamba, sinabi ng salmista: “Yaong mga gumagawa sa kanila ay magiging tulad nila, ang lahat ng nagtitiwala sa kanila.” (Awit 115:4-8) Maliwanag kung gayon, anumang hanapbuhay na tuwirang sangkot sa paggawa ng mga bagay na sinasamba, kalakip na ang mga pambansang watawat, ay magiging di-kalugud-lugod sa mga mananamba ni Jehova. (1 Juan 5:21) Maaari ring bumangon ang iba pang kalagayan sa trabaho kapag magalang na ipinakikita ng mga Kristiyano na hindi nila sinasamba ang watawat ni ang isinasagisag nito kundi si Jehova lamang.

Halimbawa, maaaring hilingin ng isang amo sa kaniyang empleado na itaas o ibaba ang watawat na nakawagayway sa isang gusali. Kung gagawin man ito ng indibiduwal o hindi ay depende na sa kaniyang personal na pangmalas sa mga kalagayan. Kung ang pagtataas o pagbababá ng watawat ay bahagi ng isang pantanging seremonya, na may mga taong nakatayo nang tuwid o nakasaludo sa watawat, ang pagsasagawa ng gayong pagkilos ay katumbas ng pakikibahagi sa seremonya.

Sa kabilang panig naman, kung walang kaakibat na seremonya ang pagtataas o pagbababá ng watawat, kung gayon ang mga pagkilos na iyon ay katumbas lamang ng mga gawaing tulad ng paghahanda sa gusali upang gamitin, pagbubukas at pagsasara ng mga pinto at mga bintana. Sa gayong mga kalagayan, ang watawat ay isang sagisag lamang ng Estado, at ang pagtataas o pagbababá nito lakip na ang iba pang rutin na gawain ay isang bagay na nauukol sa personal na pagpapasiya salig sa idinidikta ng sinanay-sa-Bibliyang budhi ng isa. (Galacia 6:5) Ang budhi ng isang tao ay maaaring magpakilos sa kaniya na hilingin sa kaniyang superbisor na ibang empleado na lamang ang magtaas at magbaba sa watawat. Maaaring madama ng isang Kristiyano na pahihintulutan siya ng kaniyang budhi na hawakan ang watawat basta’t walang seremonyang kasangkot. Anuman ang maging pasiya, ang tunay na mga mananamba ay dapat ‘magtaglay ng isang mabuting budhi’ sa harap ng Diyos.​—1 Pedro 3:16.

Walang maka-Kasulatang pagtutol sa pagtatrabaho o pagpasok sa loob ng mga gusaling pambayan, gaya ng mga gusali para sa bombero, tanggapan ng munisipyo, at paaralan, kung saan may nakawagayway na pambansang watawat. Ang isang watawat ay maaari ring nakalarawan sa selyo ng koreo, plaka ng sasakyan, o iba pang mga bagay na gawa ng gobyerno. Ang paggamit ng gayong mga bagay sa ganang sarili ay hindi naman nangangahulugan na nakikibahagi ang mga indibiduwal sa mga gawang pagsamba. Ang mahalaga rito ay, hindi ang pagkanaroroon ng isang watawat o ng kopya nito, kundi kung paano kumikilos ang isa may kaugnayan dito.

Ang mga watawat ay kadalasang inilalagay sa mga bintana, pintuan, kotse, mesa, o iba pang bagay. Mabibili rin ang mga kasuutang may disenyo ng watawat. Sa ilang bansa, ilegal ang pagsusuot ng gayong mga bagay. Kahit na ang paggawa ng gayon ay hindi labag sa batas, ano ang ipahihiwatig nito may kaugnayan sa paninindigan ng isang tao kung tungkol sa sanlibutan? Hinggil sa kaniyang mga tagasunod, sinabi ni Jesu-Kristo: “Hindi sila bahagi ng sanlibutan, kung paanong ako ay hindi bahagi ng sanlibutan.” (Juan 17:16) Hindi rin dapat ipagwalang-bahala ang magiging epekto ng gayong pagkilos sa mga kapananampalataya. Maaari kayang makapinsala ito sa budhi ng ilan? Maaari kayang humina ang kanilang pasiya na manatiling matatag sa pananampalataya dahil dito? Pinayuhan ni Pablo ang mga Kristiyano: ‘Tiyakin ninyo ang mga bagay na higit na mahalaga, upang kayo ay maging walang kapintasan at hindi makatisod sa iba.’​—Filipos 1:10.

“Banayad sa Lahat”

Habang lumulubha ang mga kalagayan sa daigdig sa “mga huling araw” na ito, ang damdaming makabayan ay malamang na mag-ibayo. (2 Timoteo 3:1) Huwag nawang makalimutan ng mga umiibig sa Diyos na ang kaligtasan ay kay Jehova lamang. Karapat-dapat siya sa bukod-tanging debosyon. Nang hilingang gawin ang isang bagay na hindi kasuwato ng kalooban ni Jehova, sinabi ng mga apostol ni Jesus: “Dapat naming sundin ang Diyos bilang tagapamahala sa halip na mga tao.”​—Gawa 5:29.

“Ang alipin ng Panginoon ay hindi kailangang makipag-away,” ang sabi ni apostol Pablo, “kundi kailangang maging banayad sa lahat.” (2 Timoteo 2:24) Kaya, sinisikap ng mga Kristiyano na maging mapayapa, magalang, at banayad habang nananalig sila sa kanilang budhing sinanay sa Bibliya sa paggawa ng personal na mga desisyon may kaugnayan sa pagsaludo sa watawat at sa pag-awit ng pambansang awit.

[Larawan sa pahina 23]

Matatag ngunit magalang na pinili ng tatlong Hebreo na palugdan ang Diyos

[Larawan sa pahina 24]

Paano dapat kumilos ang isang Kristiyano sa panahon ng isang seremonyang makabayan?