Iisa Lamang ba ang ‘Tunay na Relihiyon’?
Iisa Lamang ba ang ‘Tunay na Relihiyon’?
“KUNG paanong may isang Kristo, may isa ring katawan ang Kristo, isang Kasintahang Babae ni Kristo: ‘isang Katoliko at apostolikong Relihiyon.’ ”—Dominus Iesus.
Ganito ipinahayag ng isang Romano Katolikong kardinal na si Joseph Ratzinger ang turo ng kaniyang simbahan na mayroon lamang iisang tunay na relihiyon. Ang relihiyong iyon, ang sabi niya, ay “iisang Simbahan ni Kristo, ang Simbahang Katoliko.”
“Hindi Itinuturing na mga Relihiyon Ayon sa Wastong Kahulugan Nito”
Bagaman iginiit ni Pope John Paul II na ang dokumentong Dominus Iesus ay “walang anumang labis na kapalaluan, o kawalan ng paggalang, sa ibang mga relihiyon,” ang mga pinuno ng relihiyong Protestante ay matinding tumutol dito. Halimbawa, sa Presbyterian General Assembly sa Belfast, Hilagang Ireland, noong Hunyo 2001, isang ministro ang nagsabi na ang dokumento ay produkto ng “isang makapangyarihang pangkat sa Simbahang Romano Katoliko . . . na nangamba sa espiritu ng bukás na kaisipan na itinaguyod ng Batikano II.”
Si Robin Eames, ang Arsobispo ng Church of Ireland, ay nagsabi na siya ay “lubhang madidismaya” kung ang dokumento ay “isang panunumbalik sa kaisipan ng Simbahang Katoliko bago pa ang Batikano II.” Sa pagkokomento hinggil sa pag-aangkin ng Batikano na ang mga relihiyong tumututol sa ilang mga doktrinang Katoliko “ay hindi itinuturing na mga Relihiyon ayon sa wastong kahulugan nito,” sinabi ni Eames: “Kung para sa akin, iyan ay nakaiinsulto.”
Ano ang nag-udyok sa Dominus Iesus? Lumilitaw na ang Curia ng Romano Katoliko ay di-mapalagay dahil sa tinatawag na relihiyosong relativism. Ayon sa The Irish Times, “ang paglitaw ng isang pluralistang teolohiya—na nagsasabing ang isang relihiyon ay kasimbuti ng iba . . . ay higit at higit na bumagabag kay Kardinal Ratzinger.” Waring ang pangmalas na ito ang nagbunsod sa kaniyang mga komento hinggil sa isang tunay na relihiyon.
Mahalaga ba Kung Anong Relihiyon ang Kinaaaniban Mo?
Sabihin pa, para sa ilan, ang “relihiyosong relativism” o “pluralistang teolohiya” ay mas makatuwiran at kaakit-akit kaysa sa anumang pahiwatig na may iisa lamang tunay na relihiyon. Para sa kanila, ang relihiyon ay dapat na isang personal na bagay. ‘Sa dakong huli,’ sinasabi nila na ‘talagang hindi mahalaga kung anong relihiyon ang kinaaaniban mo.’
Iyan ay parang isang mas malawak na pangmalas—bagaman ang isang epekto nito ay ang pagkakabaha-bahagi ng relihiyon tungo sa maraming iba’t ibang denominasyon. ‘Ang gayong
pagkakaiba-iba sa relihiyon,’ sabi ng marami, ‘ay isa lamang makatuwirang kapahayagan ng kalayaan ng indibiduwal.’ Gayunman, ayon sa manunulat na si Steve Bruce, ang gayong “pagpaparaya sa relihiyon” sa katunayan ay isang “pagwawalang-bahala sa relihiyon.”—A House Divided: Protestantism, Schism, and Secularization.Ano kung gayon ang tamang pangmalas? Iisa lamang ba ang tunay na relihiyon? Iyon ba ang Simbahang Romano Katoliko? Ang ibang mga relihiyon ba ay kaayaaya rin sa Diyos? Yamang ang mga tanong na ito ay may kaugnayan sa relasyon natin sa ating Maylalang, tiyak na mahalagang alamin ang kaniyang pangmalas sa bagay na ito. Paano natin magagawa iyon? Sa pamamagitan ng pagsusuri sa kinasihang Salita ng Diyos, ang Bibliya. (Gawa 17:11; 2 Timoteo 3:16, 17) Isaalang-alang natin kung ano ang masasabi nito sa paksang ito hinggil sa isang tunay na relihiyon.
[Picture Credit Line sa pahina 2]
PABALAT: Mark Gibson/Index Stock Photography